Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w97 12/15 p. 22-27
  • Natuklasan ang Isang Nakatagong Kayamanan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Natuklasan ang Isang Nakatagong Kayamanan
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Pangangailangan Para sa Isang Bibliyang Ruso
  • Nagsimula ang Pagsisikap sa Pagsasalin
  • Isa Bang Nakamamatay na Dagok sa Pagsasalin ng Bibliya?
  • Ang Akda ni Pavsky
  • Niluluwalhati ang Pangalan ng Diyos
  • Ang Archimandritang si Makarios
  • Ang Matapang na Paninindigan ni Makarios
  • Nailathala sa Wakas!
  • Ang Bibliya ni Makarios Ngayon
  • Ang Salita ng Diyos ay Mananatili Magpakailanman
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Ang Unang Internasyonal na Kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Russia
    Gumising!—1992
  • Isang Mahalagang Pangyayari Para sa mga Umiibig sa Salita ng Diyos
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
  • Natatandaan Mo Ba?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
w97 12/15 p. 22-27

Natuklasan ang Isang Nakatagong Kayamanan

Ang Kasaysayan ng Bibliya ni Makarios

NOONG 1993 ay nasumpungan ng isang mananaliksik sa Russian National Library sa St. Petersburg ang isang salansan ng luma at naninilaw nang mga magasing Orthodox Review. Sa mga pahina ng mga magasin mula 1860 hanggang 1867 ay naroroon ang isang kayamanang naikubli sa mga taga-Russia sa loob ng mahigit sa isang siglo. Iyon ay isang salin ng buong Hebreong Kasulatan, o “Matandang Tipan,” ng Bibliya sa wikang Ruso!

Ang mga tagapagsalin ng Kasulatan ay sina Mikhail Iakovlevich Glukharev, kilala bilang ang Archimandritang si Makarios, at si Gerasim Petrovich Pavsky. Silang dalawa ay mga prominenteng miyembro ng Simbahang Ruso Ortodokso at mga iskolar sa wika. Nang simulan ng mga lalaking ito ang kanilang akda noong mga unang bahagi ng nakaraang siglo, hindi pa naisasalin sa Ruso ang buong Bibliya.

Totoo, ang Bibliya ay nasa Slavonic, isang wikang pinagmulan ng modernong-panahong Ruso. Gayunman, pagsapit ng kalagitnaan ng ika-19 na siglo, matagal nang hindi ginagamit ang wikang Slavonic maliban sa mga relihiyosong serbisyo, kung saan ginagamit ito ng klero. Isang katulad na kalagayan ang umiral sa Kanluran, kung saan sinikap ng Simbahang Katoliko Romano na panatilihin lamang sa Latin ang Bibliya bagaman matagal nang naging patay na wika ang Latin.

Sinikap nina Makarios at Pavsky na maipaabot ang Bibliya sa pangkaraniwang mga tao. Kaya naman, ang pagkatuklas sa kanilang akdang matagal nang nakalimutan ay nagpaging posible na maibalik ang isang mahalagang bahagi ng pampanitikan at relihiyosong pamana ng Russia.

Ngunit sino nga ba sina Makarios at Pavsky? At bakit gayon na lamang ang naging pagtutol sa kanilang pagsisikap na isalin ang Bibliya sa karaniwang wika ng mga tao? Ang salaysay tungkol sa kanila ay kapuwa kawili-wili at nakapagpapatibay-pananampalataya sa lahat ng umiibig sa Bibliya.

Ang Pangangailangan Para sa Isang Bibliyang Ruso

Hindi sina Makarios at Pavsky ang unang nakakita sa pangangailangan para sa Bibliyang nasa karaniwang wika ng mga tao. Sandaang taon bago nito, nakita rin ng Rusong czar na si Peter I, o Peter the Great, ang gayong pangangailangan. Kapansin-pansin, kaniyang minalas nang may paggalang ang Banal na Kasulatan at sinipi ang kaniyang sinabi: “Ang Bibliya ay isang aklat na nakahihigit sa lahat ng iba pa, at naglalaman ng lahat ng bagay na may kinalaman sa katungkulan ng tao sa Diyos at sa kaniyang kapuwa.”

Kaya naman, noong 1716, iniutos ni Peter sa kaniyang maharlikang korte na ilimbag ang Bibliya sa Amsterdam, at siya ang gagastos. Bawat pahina ay dapat maglaman ng isang tudling ng teksto sa Ruso at isang tudling ng teksto sa Olandes. Pagkaraan lamang ng isang taon, noong 1717, handa na ang bahaging Kristiyanong Griegong Kasulatan, o “Bagong Tipan.”

Pagsapit ng 1721 ay nailimbag na rin ang bahaging Olandes ng isang apat-na-tomong salin ng Hebreong Kasulatan. Ang isang tudling ay naiwang blangko, yamang pupunan sa dakong huli ng teksto sa Ruso. Ipinadala ni Peter ang mga Bibliya sa “Banal na Sinodo” ng Simbahang Ruso Ortodokso​—ang kataas-taasang relihiyosong awtoridad ng simbahan​—upang kumpletuhin ang paglilimbag at pangasiwaan ang pamamahagi. Gayunman, hindi ito isinagawa ng sinodo.

Wala pang apat na taon pagkaraan nito, namatay na si Peter. Ano ang nangyari sa kaniyang mga Bibliya? Hindi kailanman napunan ang mga blangkong tudling na nilayon para sa tekstong Ruso. Ang mga Bibliya ay itinambak sa malalaking salansan sa isang silong, kung saan nabulok ang mga ito​—wala ni isang di-nasirang kopya ang matagpuan nang bandang huli! Nagpasiya ang sinodo na “ipagbili sa mga mangangalakal ang lahat ng natira.”

Nagsimula ang Pagsisikap sa Pagsasalin

Noong 1812, dumating sa Russia si John Paterson, isang miyembro ng British and Foreign Bible Society. Pinukaw ni Paterson ang interes ng mga edukadong tao sa St. Petersburg upang bumuo ng isang samahan sa Bibliya. Noong Disyembre 6, 1812​—ang taon kung kailan itinaboy rin ng hukbong Ruso ang nananakop na mga tropa ni Napoléon I​—sinang-ayunan ni Czar Alexander I ang karta para sa isang samahan sa Bibliyang Ruso. Noong 1815 ay inutusan ng czar ang tsirman ng samahan, si Prinsipe Aleksandr Golitsyn, na imungkahi sa namamahalang sinodo na “ang mga Ruso ay dapat ding magkaroon ng pagkakataong makabasa ng Salita ng Diyos sa kanilang sariling katutubong wikang Ruso.”

Kapuri-puri naman, sinang-ayunan ang tuwirang pagsasalin ng Hebreong Kasulatan tungo sa Ruso mula sa orihinal na Hebreo. Ang sinaunang Griegong Septuagint ang siyang naging saligan ng mga salin ng Hebreong Kasulatan sa wikang Slavonic. Yaong magsasalin ng Bibliya sa Ruso ay sinabihan na ang dapat na maging pangunahing simulain sa pagsasalin ay ang kawastuan, kalinawan, at kadalisayan. Ano ang nangyari sa mga unang pagsisikap na ito upang isalin ang Bibliya sa wikang Ruso?

Isa Bang Nakamamatay na Dagok sa Pagsasalin ng Bibliya?

Di-nagtagal at ang mga konserbatibong grupo kapuwa sa simbahan at pamahalaan ay naging mapagbantay laban sa relihiyoso at pulitikal na impluwensiya ng mga banyaga. Inangkin pa ng ilang lider ng simbahan na ang Slavonic​—ang wika ng liturhiya​—ang siyang higit na nagpapahayag sa mensahe ng Bibliya kaysa sa nagawa ng Ruso.

Kaya binuwag ang Russian Bible Society noong 1826. Sinunog ang ilang libong kopya ng mga saling ginawa ng samahan sa Bibliya. Bunga nito, ang Bibliya ay naging pangalawahin na lamang kung ihahambing sa ritwal at tradisyon. Bilang pagsunod sa parisang ipinakita ng Simbahang Katoliko Romano, ganito ang alituntuning ipinalabas ng sinodo noong 1836: “Mapahihintulutan ang sinumang debotong pangkaraniwang tao na mapakinggan ang Kasulatan, ngunit hindi mapahihintulutan ang sinuman na basahin ang ilang bahagi ng Kasulatan, lalo na ang Matandang Tipan, nang walang patnubay.” Waring tumanggap ng nakamamatay na dagok ang pagsasalin ng Bibliya.

Ang Akda ni Pavsky

Samantala, isinagawa ni Gerasim Pavsky, isang propesor sa Hebreo, ang pagsasalin sa Ruso ng Hebreong Kasulatan. Natapos niya noong 1821 ang isang salin ng Mga Awit. Agad itong sinang-ayunan ng czar, at pagsapit ng Enero 1822 ay nailabas na sa publiko ang aklat ng Mga Awit. Agad itong tinanggap at kinailangang muling maglimbag nang 12 ulit​—na may kabuuang 100,000 kopya!

Ang akademikong mga pagsisikap ni Pavsky ay umani para sa kaniya ng paggalang ng maraming iskolar sa wika at teologo. Inilarawan siya bilang isang taong prangka at matapat na nanindigan laban sa mga intrigang nakapalibot sa kaniya. Sa kabila ng pagsalungat ng simbahan sa Russian Bible Society at sa bagay na inaakala ng ilan na kumakatawan ito sa banyagang interes, patuloy na isinalin ni Propesor Pavsky sa Ruso ang mga talata ng Bibliya sa kaniyang mga diskurso. Kinopya ng kaniyang humahangang mga estudyante ang kaniyang mga salin sa pamamagitan ng sulat-kamay at, sa kalaunan, nagawang tipunin ang kaniyang akda. Noong 1839 ay buong-tapang nilang inimprenta ang 150 kopya sa palimbagan ng akademya​—nang walang pahintulot ng mga tagasuri.

Lubhang hinangaan ng mga mambabasa ang salin ni Pavsky, at patuloy na dumami ang gustong magkaroon nito. Subalit noong 1841 ay may nagpadala ng isang walang-lagdang reklamo sa sinodo hinggil sa “panganib” ng saling ito, anupat nagsasabing lumihis ito sa doktrinang Ortodokso. Pagkaraan ng dalawang taon ay naglabas ang sinodo ng isang dekreto: “Kumpiskahin ang lahat ng umiiral na sulat-kamay at litograpong mga kopya ng salin ni G. Pavsky sa Matandang Tipan at sirain ang mga ito.”

Niluluwalhati ang Pangalan ng Diyos

Gayunpaman, muling pinagningas ni Pavsky ang interes sa pagsasalin ng Bibliya. Nakapagtatag din siya ng isang mahalagang saligan para sa mga tagapagsalin sa hinaharap pagdating sa isa pang mahalagang isyu​—ang pangalan ng Diyos.

Ganito ang paliwanag ng Rusong mananaliksik na si Korsunsky: ‘Ang mismong pangalan ng Diyos, ang kabanal-banalan sa kaniyang mga pangalan, ay binubuo ng apat na Hebreong titik יהוה at binibigkas ngayon na Jehova.’ Sa sinaunang mga kopya ng Bibliya, sa Hebreong Kasulatan lamang ay lumilitaw na nang libu-libong beses ang natatanging pangalang ito ng Diyos. Gayunman, buong-kamaliang naniwala ang mga Judio na ang banal na pangalan ay napakasagrado upang isulat o bigkasin. Hinggil dito, sinabi ni Korsunsky: ‘Sa pananalita o pagsulat, kadalasang pinapalitan ito ng Adonai, isang salitang karaniwang isinasaling “Panginoon.” ’

Maliwanag, ang pagtalikod sa paggamit ng banal na pangalan ay dahil sa mapamahiing takot​—hindi dahil sa makadiyos na pagpipitagan. Saanman ay hindi hinahadlangan ng Bibliya mismo ang paggamit sa pangalan ng Diyos. Sinabi ng Diyos mismo kay Moises: “Ganito ang sasabihin mo sa mga anak ni Israel, ‘Si Jehova na Diyos ng inyong mga ninuno . . . ang nagsugo sa akin sa inyo.’ Ito ang aking pangalan hanggang sa panahong walang takda, at ito ang aking pinakaalaala sa lahat ng salinlahi.” (Exodo 3:15) Paulit-ulit, hinihimok ng Kasulatan ang mga mananamba: “Magpasalamat kayo kay Jehova, kayong mga tao! Kayo’y magsitawag sa kaniyang pangalan.” (Isaias 12:4) Gayunpaman, minabuti ng karamihan sa mga tagapagsalin ng Bibliya na sundin ang tradisyong Judio at iwasan ang paggamit sa banal na pangalan.

Gayunman, hindi sinunod ni Pavsky ang mga tradisyong ito. Sa kaniyang salin ng Mga Awit lamang, mahigit na 35 ulit na lumilitaw ang pangalang Jehova. Ang kaniyang katapangan ay nagkaroon ng malaking impluwensiya sa isa sa kaniyang mga kontemporaryo.

Ang Archimandritang si Makarios

Ang kontemporaryong ito ay ang archimandritang si Makarios, isang misyonerong Ruso Ortodokso na may napakahusay na kakayahan sa wika. Sa murang edad na pito, naisasalin na niya sa Latin ang maiikling tekstong Ruso. Nang tumuntong siya sa edad na 20, marunong na siya ng Hebreo, Aleman, at Pranses. Gayunman, ang isang mapagpakumbabang saloobin at taimtim na pagkadama ng kaniyang pananagutan sa Diyos ay tumulong sa kaniya na maiwasan ang silo ng labis na kumpiyansa. Paulit-ulit niyang hiningi ang payo ng ibang lingguwista at mga iskolar.

Ibig ni Makarios na baguhin ang gawaing pangmisyonero sa Russia. Nadama niya na bago madala ang Kristiyanismo sa mga Muslim at Judio sa Russia, kailangang “turuan [ng simbahan] ang madla sa pamamagitan ng pagtatatag ng mga paaralan at pamamahagi ng mga Bibliya sa wikang Ruso.” Noong Marso 1839, dumating si Makarios sa St. Petersburg, anupat umaasang makakuha ng permiso na isalin sa Ruso ang Hebreong Kasulatan.

Naisalin na ni Makarios ang mga aklat sa Bibliya na Isaias at Job. Subalit hindi siya pinahintulutan ng sinodo na isalin sa Ruso ang Hebreong Kasulatan. Sa katunayan, sinabihan si Makarios na kalimutan na niya ang ideya na isalin sa wikang Ruso ang Hebreong Kasulatan. Ang sinodo ay nagpalabas ng isang desisyon, na may petsang Abril 11, 1841, na nag-uutos kay Makarios “na maghain ng tatlo-hanggang-anim-na-sanlinggong penitensiya sa tahanan ng obispo ng Tomsk upang linisin ang kaniyang budhi sa pamamagitan ng panalangin at pagluhod.”

Ang Matapang na Paninindigan ni Makarios

Mula Disyembre 1841 hanggang Enero 1842, tinupad ni Makarios ang kaniyang penitensiya. Ngunit minsang maisagawa na iyon, agad niyang sinimulan ang pagsasalin ng nalalabing bahagi ng Hebreong Kasulatan. Nakakuha siya ng isang kopya ng salin ni Pavsky sa Hebreong Kasulatan at ginamit ito upang suriin ang kaniyang sariling salin. Tulad ni Pavsky, tumanggi siyang palabuin ang pangalan ng Diyos. Sa katunayan, ang pangalang Jehova ay lumilitaw nang mahigit sa 3,500 beses sa salin ni Makarios!

Nagpadala si Makarios ng mga kopya ng kaniyang akda sa nakikiisang mga kaibigan. Bagaman naipamahagi ang ilang sulat-kamay na kopya, patuloy na hinadlangan ng simbahan ang paglalathala ng kaniyang akda. Gumawa ng mga plano si Makarios na palaganapin ang kaniyang Bibliya sa ibang bansa. Noong gabi bago ng kaniyang paglisan, siya ay nagkasakit at namatay di-nagtagal pagkatapos, noong taong 1847. Ang kaniyang salin sa Bibliya ay hindi kailanman nailathala noong siya’y nabubuhay.

Nailathala sa Wakas!

Nang dakong huli, nagbago ang kalakaran sa pulitika at relihiyon. Ang bagong kaisipan ng pagiging liberal ay nauso sa lupain, at noong 1856 ay muling sinang-ayunan ng sinodo ang pagsasalin ng Bibliya tungo sa wikang Ruso. Sa ganitong bumuting kapaligiran, paunti-unting nailathala ang Bibliya ni Makarios sa Orthodox Review sa pagitan ng 1860 at 1867, sa ilalim ng titulong An Experiment of Translation Into the Russian Language.

Ipinahayag ni Arsobispo Filaret ng Chernigov, isang iskolar sa relihiyosong panitikang Ruso, ang kaniyang pagtasa sa Bibliya ni Makarios: “Ang kaniyang salin ay nanghahawakan sa tekstong Hebreo, at ang pananalita ng salin ay dalisay at angkop sa paksa.”

Gayunman, hindi kailanman nailabas sa publiko ang Bibliya ni Makarios. Sa katunayan, halos nakalimutan na ito. Noong 1876 ang buong Bibliya, pati na kapuwa ang Hebreo at Griegong Kasulatan, ay isinalin sa wakas tungo sa Ruso taglay ang pagsang-ayon ng sinodo. Ang kumpletong Bibliyang ito ay madalas tawaging ang salin ng sinodo. Balintuna, ang salin ni Makarios, pati na ang kay Pavsky, ay nagsilbing isang pangunahing pinagkukunan ng impormasyon para sa “opisyal” na saling ito ng Simbahang Ruso Ortodokso. Ngunit ang banal na pangalan ay ginamit sa ilang pagkakataon lamang kung saan ito lumilitaw sa wikang Hebreo.

Ang Bibliya ni Makarios Ngayon

Nanatiling nakatago ang Bibliya ni Makarios hanggang noong 1993. Gaya ng binanggit sa pambungad, noon ay isang kopya nito ang nasa lumang mga magasin na Orthodox Review sa seksiyon ng Russian National Library para sa di-pangkaraniwang mga aklat. Kinilala ng mga Saksi ni Jehova ang kahalagahan ng pagpapaabot sa publiko ng Bibliyang ito. Pinahintulutan ng aklatan ang Relihiyosong Organisasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Russia na magpagawa ng isang kopya ng Bibliya ni Makarios upang ito’y maihanda sa paglilimbag.

Pagkatapos ay isinaayos ng mga Saksi ni Jehova na ilimbag sa Italya ang halos 300,000 kopya ng Bibliyang ito upang ipamahagi sa buong Russia at sa marami pang ibang bansa kung saan sinasalita ang wikang Ruso. Bukod pa sa salin ni Makarios sa malaking bahagi ng Hebreong Kasulatan, nilalaman din ng edisyong ito ng Bibliya ang salin ni Pavsky sa Mga Awit gayundin ang salin ng sinodo sa Griegong Kasulatan na awtorisado ng Simbahang Ortodokso.

Noong Enero ng taóng ito, inilabas ito sa isang news conference sa St. Petersburg, Russia. (Tingnan ang pahina 26.) Tiyak na matututo at mapapatibay ang mga Rusong mambabasa sa bagong Bibliyang ito.

Sa gayo’y isang relihiyoso at pampanitikang tagumpay ang paglalathala ng Bibliyang ito! Isa rin itong nagpapatibay-pananampalatayang paalaala sa katotohanan ng mga salita sa Isaias 40:8: “Ang luntiang damo ay natutuyo, ang bulaklak ay nalalanta; ngunit ang salita ng ating Diyos, ito ay mamamalagi magpakailanman.”

[Kahon/Larawan sa pahina 26]

Bibliya na Pinuri ng mga Kritiko

“ISA pang mahalagang bahagi ng panitikan ang inilabas: ang Bibliya ni Makarios.” Sa pamamagitan ng pambungad na ito, ipinatalastas ng peryodikong Komsomolskaya Pravda ang paglalabas ng Bibliya ni Makarios.

Pagkatapos banggitin na noon lamang mga “120 taon ang nakalipas” nang unang magkaroon ng Bibliya sa wikang Ruso, malungkot na sinabi ng pahayagang ito: “Sa loob ng maraming taon ay sinalungat ng simbahan ang pagsasalin ng banal na mga aklat tungo sa isang wikang madaling basahin. Palibhasa’y tinanggihan ang ilang salin, sa wakas ay sumang-ayon ang simbahan sa isa sa mga ito noong 1876, at iyon ay nakilala bilang ang salin ng sinodo. Gayunman, hindi iyon pinahintulutan sa mga simbahan. Doon, hanggang sa ngayon, ang tanging Bibliyang kinikilala ay nasa wikang Slavonic.”

Tinukoy rin ng peryodikong St. Petersburg Echo ang kahalagahan ng paglalathala ng Bibliya ni Makarios, anupat sinabi: “Ang nangungunang mga iskolar mula sa St. Petersburg State University, Herzen Pedagogical University, at sa State Museum of Religious History ay nagbigay ng matataas na marka sa bagong edisyong ito ng Bibliya.” Sa pagtukoy sa pagsasalin nina Makarios at Pavsky ng Bibliya sa Ruso noong unang kalahatian ng nakaraang siglo, ganito ang sabi ng pahayagan: “Hanggang sa panahong iyon, sa Russia ay mababasa lamang ang Bibliya sa wikang Slavonic, na nauunawaan lamang ng mga miyembro ng klero.”

Ang paglalabas ng mga Saksi ni Jehova sa Bibliya ni Makarios ay iniulat sa isang press conference sa St. Petersburg maaga ng taóng ito. Ganito ang sabi ng lokal na pahayagang Nevskoye Vremya: “Idiniin ng mga nangungunang iskolar . . . na dapat ituring ang edisyon bilang isang bagay na napakahalaga sa kultura ng Russia at St. Petersburg. Anuman ang iniisip ng isa tungkol sa gawain ng relihiyosong organisasyong ito, ang paglalathala ng dating di-kilalang saling ito ng Bibliya ay tiyak na may malaking pakinabang.”

Tiyak, lahat ng umiibig sa Diyos ay natutuwa kapag ang kaniyang nasusulat na Salita ay naipamamahagi sa isang wika na nababasa at nauunawaan ng pangkaraniwang mga tao. Ang mga umiibig sa Bibliya saanmang dako ay natutuwa na isa pang salin ng Bibliya ang naipapamahagi sa milyun-milyong taong nagsasalita ng Ruso sa buong daigdig.

[Larawan]

Ipinatalastas ang paglalabas ng Bibliya ni Makarios sa press conference na ito

[Larawan sa pahina 23]

Sinikap ni Peter the Great na ilathala ang Bibliya sa wikang Ruso

[Credit Line]

Corbis-Bettmann

[Larawan sa pahina 24]

Si Gerasim Pavsky, na nakatulong sa pagsasalin ng Bibliya sa wikang Ruso

[Larawan sa pahina 25]

Ang archimandritang si Makarios, na mula sa kaniya’y pinanganlan ang bagong Bibliyang Ruso

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share