Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w98 1/1 p. 3-5
  • Nakapagpapabago ng Buhay ang Katotohanan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Nakapagpapabago ng Buhay ang Katotohanan
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Layunin sa Buhay
  • Isang Bagong Pamilya
  • “Lumaban Akong Tulad ng Leon”
    2015 Taunang Aklat ng mga Saksi ni Jehova
  • Isang Kabataang Sinagip Mula sa Kawalang-Pag-asa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2008
  • Pinangakuan ni Jehova si Daniel ng Kamangha-manghang Gantimpala
    Magbigay-Pansin sa Hula ni Daniel!
  • “Ako ang Mata Niya at Siya ang Nagsisilbing Paa Ko”
    Gumising!—1991
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
w98 1/1 p. 3-5

Nakapagpapabago ng Buhay ang Katotohanan

NAKALULUNGKOT ngunit totoo na mahirap at walang kapag-a-pag-asa pa nga ang buhay ng napakaraming tao sa ngayon. Posible kaya na makasumpong pa ng kaligayahan ang gayong mga tao? Ang ilan ay mga kriminal at bumibiktima sa kanilang kapuwa. Maaari pa kaya silang maging matapat na mga miyembro ng lipunan? Ang sagot sa dalawang tanong na ito ay oo. Maaaring magbago ang mga tao. Maaaring baguhin ang buhay. Ipinakita ni apostol Pablo kung paano magagawa ito nang sumulat siya: “Magbagong-anyo kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip, upang mapatunayan ninyo sa inyong mga sarili ang mabuti at kaayaaya at sakdal na kalooban ng Diyos.”​—Roma 12:2.

Ang pagbanggit sa “sakdal na kalooban ng Diyos” ay maaaring magpaalaala sa sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad mahigit na 20 taon bago isulat ni Pablo ang nabanggit na mga salita. Sinabi ni Jesus: “Malalaman ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo.” (Juan 8:32) “Ang katotohanan” na tinutukoy ni Jesus ay yaong kinasihan ng Diyos na impormasyon​—lalo na ang impormasyon tungkol sa kalooban ng Diyos​—na iningatan sa Bibliya para sa atin. (Juan 17:17) Talaga nga bang ang mga tao’y pinalalaya ng katotohanan sa Bibliya? Talaga nga kayang nagpapabago ng buhay ang pamumuhay kasuwato ng kalooban ng Diyos? Talagang nagpapabago ito. Tingnan ang ilang halimbawa.

Isang Layunin sa Buhay

Hindi pa natatagalan, si Moisés, sa Gibraltar, ay isang napakalungkot na tao. Ganito ang sabi niya: “Ako’y lasenggo noon at natutulog sa lansangan. Sa pakiwari ko’y wala na akong pag-asa. Gabi-gabi ay hinihiling ko sa Diyos na ako’y kaawaan at huwag na akong magdusa pa. Tumatangis ako habang itinatanong ko sa Diyos kung bakit pa ako isinilang kung ako nama’y walang kabuluhan, walang trabaho, walang pamilya, at walang tumutulong sa akin. Bakit pa ako dapat mabuhay?” Pagkatapos ay may nangyari.

Nagpatuloy si Moisés: “Batid ko na narinig ng Diyos ang aking panalangin nang makilala ko si Roberto, isa sa mga Saksi ni Jehova. Binigyan ako ni Roberto ng isang Bibliya at isang kopya ng pantulong sa pag-aaral ng Bibliya na Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin?a Araw-araw ay magkasama kaming nag-aaral ng Bibliya sa bangkô na tinutulugan ko kung gabi. Pagkaraan ng isang buwan ay dinala ako ni Roberto sa isang pulong sa Kingdom ng mga Saksi ni Jehova sa aming lugar. Di-nagtagal, lubusang binago ng katotohanan sa Bibliya ang aking pangmalas. Hindi na ako natutulog sa labas; ni naglalasing man o naninigarilyo. Nagbago ang aking buhay, at maligaya ako. Umaasa akong mabautismuhan sa malapit na hinaharap at makapaglingkod kay Jehova bilang isa sa kaniyang mga Saksi.”

Talagang isang malaking pagbabago! Kapag nawawalan na ng pag-asa ang mga tao, malimit na ang dahilan ay ang kawalan ng kaalaman. Wala silang alam tungkol sa Diyos o sa kaniyang kamangha-manghang mga layunin. Sa kaso ni Moisés, nang matamo niya ang kaalamang ito, nagbigay ito sa kaniya ng lakas at tibay ng loob upang baguhin ang kaniyang buhay. Ang panalangin ng salmista sa Diyos ay nasagot sa kaso ni Moisés: “Isugo mo ang iyong liwanag at ang iyong katotohanan. Akayin nawa ako nito. Dalhin nawa ako nito sa iyong banal na bundok at sa iyong dakilang tabernakulo.”​—Awit 43:3.

Sa Belize, si Daniel ay may kahawig na karanasan. Si Daniel ay hindi naman natutulog sa lansangan​—mayroon siyang magandang trabaho. Ngunit sa loob ng 20 taon ay kaniyang pinaglalabanan ang pagkasugapa sa droga at alkohol at mahalay ang kaniyang pamumuhay. Bagaman pinalaking isang Katoliko, hindi maunawaan ni Daniel kung ano ang kahulugan ng buhay, at nag-aalinlangan siya kung umiiral nga ang Diyos. Nagpunta siya sa iba’t ibang simbahan sa paghahanap ng tulong ngunit natuklasang marami sa kaniyang palasimbang mga kaibigan at maging ang ilan sa kaniyang mga kaibigang klerigo ay nagpapakalabis sa paggamit ng droga at alkohol. Samantala, didiborsiyuhin na siya ng kaniyang kabiyak.

Sa kawalang-pag-asa ay pumasok si Daniel sa isang rehabilitation center. Gayunpaman, alam niya na sa paglabas niya, di-magtatagal at babalik na naman siya sa paggamit ng droga kung hindi siya tatanggap ng tulong. Ngunit anong uri ng tulong? Noong Mayo 1996, dalawang araw pagkalabas sa rehabilitation center, si Daniel ay lumapit sa isang Saksi ni Jehova at ginulat ito sa pamamagitan ng isang pakiusap, “Pakisuyong aralan mo ako sa Bibliya.” Isinaayos ng Saksi ang pakikipag-aral ng Bibliya kay Daniel nang dalawang beses sa isang linggo, at di-nagtagal ay iniayon ni Daniel ang kaniyang buhay sa kalooban ng Diyos at hinalinhan ang kaniyang dating mga kaibigan ng mga kaibigang Kristiyano na hindi nag-aabuso sa droga at alkohol at umiiwas sa imoralidad. Kaya nasumpungan ni Daniel na totoo ang sinasabi ng Bibliya: “Ang lumalakad na kasama ng marurunong na tao ay magiging marunong, ngunit siyang may pakikipag-ugnayan sa mga hangal ay mapapasama.” (Kawikaan 13:20) Di nagtagal, sinabi niya: “Ito ang unang pagkakataon sa aking buhay na naranasan ko kung paano magkaroon ng isang malinis na budhi.” Nabago rin naman ang buhay ni Daniel.

Sa Puerto Rico, naranasan ng isa pang lalaki ang kapansin-pansing pagbabago. Nakabilanggo siya at itinuturing na lubhang mapanganib, dahil marami na siyang napatay na tao. Mababago kaya siya ng katotohanan sa Bibliya? Oo. Isa sa mga Saksi ni Jehova ang nakapagbigay sa kaniya ng ilang kopya ng mga magasing Bantayan at Gumising!, at agad siyang humingi ng higit pang kopya. Napasimulan sa kaniya ang pag-aaral sa Bibliya, at habang nagsisimulang umantig sa kaniyang puso ang katotohanan sa Bibliya, kitang-kita ng lahat ang kaniyang pagbabago. Ang isa sa mga unang ebidensiya ng kaniyang pagbabago ay nang gupitin niya ang kaniyang mahabang buhok at ahitin ang kaniyang magulong balbas.

Sinasabi ng Bibliya na pinatatawad ng Diyos ang mga makasalanang taimtim na nagsisisi at nagbabago ng kanilang istilo ng pamumuhay. Sumulat si Pablo: “Hindi ba ninyo alam na ang mga taong di-matuwid ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos? . . . At gayunma’y ganiyan ang ilan sa inyo dati. Ngunit nahugasan na kayong malinis.” (1 Corinto 6:9, 11) Tiyak, ang mga salitang ito ay nakaaliw sa taong ito, kung paanong nakaaaliw rin ang mga salita sa Gawa 24:15: “Magkakaroon ng pagkabuhay-muli kapuwa ng mga matuwid at mga di-matuwid.” Sinabi niya: “Gusto kong naroroon ako kapag binubuhay na ang mga patay upang makahingi ako ng tawad sa mga taong pinatay ko.”

Isang Bagong Pamilya

Isang araw ay ipinakilala kay Luis, isang buong-panahong ebanghelisador ng mga Saksi ni Jehova sa Argentina, ang isang kabataang lalaki na may malungkot na karanasan sa buhay. Palibhasa’y pinabayaan ng kaniyang mga magulang mula pa nang isilang, lumaki siya sa iba’t ibang institusyon. Nang siya’y mga 20 taong gulang na, nalaman niya kung nasaan ang kaniyang ina at nagpasiyang manirahan malapit sa kaniya. Nagtrabaho siya nang husto, nag-ipon ng maraming pera, at naglakbay patungo sa lunsod na kinaroroonan ng kaniyang ina. Pinayagan siya nito na tumira sa kaniya hanggang sa maubos ang kaniyang pera at pagkatapos ay pinaalis siya. Ibig na niyang magpakamatay dahil sa pagtatakwil na ito.

Gayunman, naibahagi ni Luis ang katotohanan ng Bibliya sa kabataang ito. Kalakip sa katotohanang ito ang katiyakan: “Sakaling iwan ako ng aking sariling ama at sariling ina, tatanggapin ako ni Jehova.” (Awit 27:10) Nalaman ng kabataang lalaki na siya ay may isang Ama sa langit na hindi kailanman tatalikod sa kaniya. Maligaya siya ngayon na maging bahagi ng isang bagong pamilya, ang pamilya ni Jehova.

Isa pang lalaki sa bansa ring iyon ang nagsabi sa isang Saksi ni Jehova na nagustuhan niya ang magasing Bantayan. Bakit? Dahil nasagip nito ang pagsasama nilang mag-asawa. Waring nangyari na isang araw nang ang lalaking ito ay pauwi galing sa trabaho, nakita niya sa isang basurahan ang magasing Bantayan na may titulong “Diborsiyo” na nakasulat sa malalaking letra. Yamang may problema ang kanilang pagsasama at sinimulan na ng kaniyang asawa ang pagkuha ng legal na paghihiwalay, dinampot niya ang magasin at sinimulang basahin ito. Iniuwi niya ito at binasa kasama ng kaniyang asawa. Sinikap ng mag-asawa na ikapit ang salig-sa-Bibliyang payo ng magasin. (Efeso 5:21–​6:4) Di nagtagal, bumuti ang kanilang pagsasama. Inihinto na nila ang proseso sa paghihiwalay at ngayon ay nag-aaral ng Bibliya bilang nagkakaisang mag-asawa.

Sa Uruguay, isa pang lalaking nagngangalang Luis ang hindi maligaya. Pagkasugapa sa droga, espiritismo, pagsamba sa idolo, pag-aabuso sa alkohol​—ang mga ito ay ilan sa mga bagay na nagpagulo sa kaniyang buhay. Sa wakas ay naging ateista si Luis, palibhasa’y lubusang nasiphayo. Isang kaibigan ang nagbigay sa kaniya ng aklat na Life​—How Did It Get Here? By Evolution or by Creation?b Humantong ito sa maikling pakikipag-ugnayan sa mga Saksi ni Jehova, ngunit di-nagtagal at binalikan ni Luis ang alkohol at droga. Nang dahil sa matinding panggigipuspos ay masumpungan niya ang sarili na nakaupo sa isang tambak ng basura, nanalangin siya, anupat inihandog ang kaniyang panalangin sa “ama ni Jesu-Kristo,” yamang hindi siya nakatitiyak tungkol sa pangalan ng Diyos.

Hiniling niya sa Diyos na ipakita sa kaniya kung may anumang dahilan ang pag-iral niya sa mundo. “Kinabukasan mismo,” ang ulat ni Luis, “isang kakilala ang nagbigay sa akin ng isang aklat na hindi na niya kailangan. Ang titulo nito? Apocalipsis​—Malapit na ang Dakilang Kasukdulan Nito!”c Nakatulong sa kaniya ang aklat upang masagot ang kaniyang tanong. Muling nanalangin si Luis para sa tulong na masumpungan ang relihiyon na magpapakita sa kaniya kung paano maglilingkod sa Diyos. Laking gulat niya! May tumimbre sa pintuan, at sa labas ay nakatayo ang dalawang Saksi ni Jehova. Agad sinimulan ni Luis ang pakikipag-aral ng Bibliya sa kanila. Mabilis siyang sumulong at ngayo’y nakadaramang siya’y pinagpala na maging isang bautisadong Saksi. Malinis ang kaniyang pamumuhay at tumutulong din siya sa iba na masumpungan ang layunin ng kanilang buhay. Para sa kaniya, nagkatotoo ang mga salita sa Awit 65:2: “O Dumirinig ng panalangin, sa iyo paroroon ang lahat ng laman.”

Sa Pilipinas, si Allan ay dating isang estudyanteng aktibista. Kabilang siya sa isang organisasyon na ang layunin ay “ibagsak ang pamahalaan upang makapagtamasa ng pagkakapantay-pantay ang susunod na mga salinlahi.” Subalit isang araw, kaniyang nakausap ang mga Saksi ni Jehova at nalaman mula sa Bibliya ang layunin ng Diyos sa sangkatauhan. Kasali sa layuning ito ang kinasihang pangako: “Sandali na lamang, at ang balakyot ay mawawala na . . . Ngunit ang maaamo mismo ang magmamay-ari sa lupa, at sila’y tunay na makasusumpong ng matinding kasiyahan sa kasaganaan ng kapayapaan.” (Awit 37:10, 11) Sinabi ni Allan: “Di nagtagal at natuklasan ko na ang ipinaglalaban ng aming kilusan ay matagal nang ipinangako sa Bibliya. Lahat ng bagay na marubdob naming ninanais ay ipagkakaloob sa ilalim ng Kaharian ng Diyos.” Itinataguyod ngayon ni Allan ang Kaharian ng Diyos at tinutulungan ang iba na manampalataya sa katotohanan ng Bibliya.

Oo, ang buhay ay nababago kapag sinusunod ng mga tao ang katotohanan ng Salita ng Diyos, ang Bibliya. Sa katunayan, darating ang panahon na ang buhay ng lahat ng nakaligtas na tao ay makakasuwato ng kalooban ng Diyos. Tunay ngang isang malaking pagbabago iyon! Kung magkagayon, matutupad ang hula: “Hindi sila gagawa ng anumang pinsala o magpapangyari ng anumang pagkasira sa aking buong bundok na banal; sapagkat ang lupa ay tiyak na mapupuno ng kaalaman ni Jehova kung paanong ang mga katubigan ay tumatakip sa mismong dagat.”​—Isaias 11:9.

[Mga talababa]

a Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

b Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

c Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share