Hindi ba Matatakasan ang Kawalang-Katarungan?
“Sa kabila ng lahat, naniniwala pa rin ako na ang mga tao ay may likas na kabutihan. Hindi ako maaaring umasa salig sa isang pundasyong may kaguluhan, kahirapan, at kamatayan.”—Anne Frank.
ISINULAT ni Anne Frank, isang 15-taong-gulang na batang babaing Judio, ang gayong makabagbag-damdaming mga salita sa kaniyang talaarawan nang malapit na siyang mamatay. Sa mahigit na dalawang taon, nagkubli ang kaniyang pamilya sa isang attic sa Amsterdam. Ang kaniyang pag-asa para sa isang mas mabuting daigdig ay naglaho nang isuplong ng isang tagasumbong ang kanilang kinaroroonan sa mga Nazi. Nang sumunod na taon, 1945, namatay si Anne sa kampong piitan ng Bergen-Belsen dahil sa tipus. Anim na milyon pang mga Judio ang nakaranas ng gayong kasawian.
Maaaring ang ubod-samang pakana ni Hitler na lipulin ang isang buong lipi ang pinakamasahol na kaso ng pagtatangi ng lahi sa ating siglo, subalit hindi ito nag-iisa. Noong 1994, mahigit sa kalahating milyong Tutsi ang pinaslang sa Rwanda, dahil lamang sa sila’y kabilang sa “maling” tribo. At noong unang digmaang pandaigdig, mga isang milyong Armeniano ang namatay dahil sa paglipol ng lahi.
Ang Malulupit na Anyo ng Kawalang-Katarungan
Hindi lamang paglipol ng lahi ang tanging anyo ng kawalang-katarungan. Ang kawalang-katarungan sa lipunan ay nagsasadlak sa humigit-kumulang isang ikalimang bahagi ng mga tao sa buong-buhay na kahirapan. Lalong malala, tinatantiya ng Anti-Slavery International, isang grupo ukol sa karapatang pantao, na mahigit sa 200,000,000 katao ang inaalipin. Maaaring mas maraming alipin sa daigdig ngayon kaysa sa anumang ibang panahon sa kasaysayan. Baka nga hindi sila ibinebenta sa pampublikong subasta, subalit ang mga kalagayan sa kanilang trabaho ay madalas na mas masahol kaysa sa karamihan ng mga alipin noon.
Ang legal na kawalang-katarungan ay nagkakait sa saligang mga karapatan ng milyun-milyon. “Ang may-kalupitang paglabag sa mga karapatang pantao ay nangyayari halos araw-araw, saanmang dako sa daigdig,” ang binanggit ng Amnesty International sa 1996 na ulat nito. “Ang pinakakaawaawa ay ang mahihirap at mahihina, lalo na ang mga babae, bata, matatanda at mga takas.” Sinabi ng ulat: “Sa ilang mga bansa, ang kaayusan ng bansa ay halos bumagsak na, anupat walang awtoridad sa batas upang ipagsanggalang ang mahihina mula sa malalakas.”
Noong 1996, sampu-sampung libo sa mahigit na isang daang bansa ang ikinulong at pinahirapan. At nitong nakaraang mga taon lamang, daan-daang libong tao ang bigla na lamang nawala, malamang ay dinukot kung hindi ng mga pulis ay ng mga pangkat ng terorista. Marami sa kanila’y ipinagpapalagay na patay na.
Mangyari pa, ang mga digmaan ay totoong di-makatarungan, subalit lalo nang nagiging gayon ang mga ito. Ang makabagong mga pakikidigma ay pumupuntirya sa mga sibilyan, kasama na ang mga babae at mga bata. At ito ay hindi lamang dahil sa walang-pinipiling pambobomba sa mga lunsod. Ang mga babae at mga bata ay pangkaraniwan nang hinahalay bilang bahagi ng mga operasyong militar, at maraming mapaghimagsik na mga grupo ang may-karahasang dumudukot sa mga bata upang sanayin silang maging mamamatay-tao. Ang ulat ng Nagkakaisang mga Bansa na “Ang Epekto ng mga Armadong Labanan sa mga Bata” ay nagkomento tungkol sa ganitong takbo: “Parami nang paraming tao sa daigdig ang kaawa-awang nawawalan na ng moral.”
Walang pagdududa na ang kawalang ito ng moral ang nagbigay-daan sa isang daigdig na punung-puno ng kawalang-katarungan—maging ito ma’y panlahi, panlipunan, legal, o militar. Siyempre pa, ito’y hindi na bago. Mahigit na dalawang libo limang daang taon na ang nakalipas, isang Hebreong propeta ang dumaing: “Ang batas ay mahina at walang-silbi, at ang katarungan kailanman ay hindi naisasagawa. Ang masasama’y nakalalamang sa mga matuwid, kung kaya ang katarungan ay hindi wasto.” (Habacuc 1:4, Today’s English Version) Bagaman ang kawalang-katarungan ay lagi nang palasak, tiyak na ang ika-20 siglo ang panahon na ang kawalang-katarungan ay umabot na sa matinding antas.
Dapat Bang Ikabahala ang Kawalang-Katarungan?
Nakababahala ito kung personal kang naghihirap dahil sa kawalang-katarungan. Nakababahala ito dahil inaagaw nito ang karapatan ng karamihan ng mga tao upang lumigaya. At nakababahala rin ito dahil sa madalas na pinasisiklab ng kawalang-katarungan ang madugong mga labanan, na patuloy namang gumagatong at nagpapairal ng kawalang-katarungan.
Ang kapayapaan at kaligayahan ay nakapaloob sa katarungan, ngunit ang kawalang-katarungan ay sumisira sa pag-asa at dumudurog sa optimismo. Tulad ng masaklap na nadiskubre ni Anne Frank, hindi maaaring umasa ang mga tao salig sa isang pundasyong may kaguluhan, kahirapan, at kamatayan. Tulad niya, lahat tayo’y nag-aasam ng bagay na mas mabuti.
Ang pagnanais na ito ang umakay sa taimtim na mga tao na magsikap na magbigay ng katarungan sa lipunan ng tao. Upang maisagawa ito, ang Pansansinukob na Kapahayagan ng mga Karapatang Pantao, na pinagtibay noong 1948 ng Pangkalahatang Asamblea ng Nagkakaisang mga Bansa, ay nagsabi: “Ang lahat ng mga tao ay ipinanganak na malaya at may pare-parehong dangal at karapatan. Sila’y may taglay na pangangatuwiran at budhi at dapat makitungo sa isa’t isa sa espiritu ng pagkakapatiran.”
Tiyak na napakaganda ng mga salitang ito, ngunit malayo pa ang sangkatauhan sa pag-abot sa pinakamamahal na tunguhing iyon—isang makatarungang lipunan kung saan lahat ay nagtatamasa ng pare-parehong karapatan at bawat isa’y nakikitungo sa kaniyang kapuwa bilang kapatid. Ang katuparan ng layuning ito, tulad ng ipinakikita ng paunang salita sa Deklarasyon ng UN, ang magsisilbing “pundasyon ng kalayaan, katarungan, at kapayapaan sa daigdig.”
Gayon na lamang ba kalalim ang pagkakaugat ng kawalang-katarungan sa kayarian ng lipunan ng tao anupa’t hindi na ito mawawala? O maaari kayang mailatag ang matatag na pundasyon para sa kalayaan, katarungan, at kapayapaan? Kung gayon, sino ang makapaglalatag niyaon at makatitiyak na ang lahat ay makikinabang?
[Picture Credit Line sa pahina 3]
UPI/Corbis-Bettmann