Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w99 2/1 p. 6-7
  • Paano Ka Makapagpapakita ng Tunay na Kapakumbabaan?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Paano Ka Makapagpapakita ng Tunay na Kapakumbabaan?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Halimbawa ni Kristo ng Kapakumbabaan
  • Kung Paano Tumutugon ang Isang Taong Mapagpakumbaba
  • Ang Kapakumbabaan ay Maibigin at Nagpapatawad
  • Linangin ang Tunay na Kapakumbabaan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2005
  • Maligaya ang mga Mapagpakumbaba
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Bakit Dapat Maging Mapagpakumbaba?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • ‘Damtan Ninyo ang Inyong Sarili ng Kababaan ng Pag-iisip’
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2007
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
w99 2/1 p. 6-7

Paano Ka Makapagpapakita ng Tunay na Kapakumbabaan?

NAPAKAHALAGA sa paningin ng Diyos ang tunay na kapakumbabaan. Sumulat si Santiago: “Sinasalansang ng Diyos ang mga palalo, ngunit nagbibigay siya ng di-sana-nararapat na kabaitan sa mga mapagpakumbaba.” (Santiago 4:6) Maaaring tinutukoy rito ni Santiago ang ilang kaisipan na ipinahayag sa Hebreong Kasulatan. “Si Jehova ay mataas, gayunma’y nakikita niya ang isa na mapagpakumbaba; ngunit ang isa na matayog ay nakikilala lamang niya sa malayo.” “Ang palalong mga mata ng makalupang tao ay mabababa, at ang pagmamataas ng mga tao ay yuyukod; at si Jehova lamang ang matatanyag.” “Kung tungkol sa mga manlilibak, siya man [ang Diyos] ay manunuya; ngunit ang maaamo ay kaniyang pagpapalain.”​—Awit 138:6; Isaias 2:11; Kawikaan 3:34.

Inirekomenda rin ni apostol Pedro ang pagpapakumbaba. Sumulat siya: “Kayong lahat ay magbigkis sa inyong mga sarili ng kababaan ng pag-iisip sa pakikitungo sa isa’t isa, sapagkat sinasalansang ng Diyos ang mga palalo, ngunit binibigyan niya ng di-sana-nararapat na kabaitan ang mga mapagpakumbaba.”​—1 Pedro 5:5.

Ang Halimbawa ni Kristo ng Kapakumbabaan

Baka itanong mo, Ano ba ang kagalingan o kapakinabangan sa pagiging mapagpakumbaba? Para sa isang taong nagsisikap na maging isang Kristiyano, ang sagot ay mahalaga​—ang pagiging mapagpakumbaba ay pagtulad kay Kristo. Ipinakita ni Jesus ang kaniyang kapakumbabaan sa pamamagitan ng pagtanggap sa natatanging atas na pumarito sa lupa mula sa makalangit na dako at maging hamak na tao, na mas mababa sa mga anghel. (Hebreo 2:7) Bagaman siya ang Anak ng Diyos, nagbata siya ng mga kahihiyang ibinunton sa kaniya ng kaniyang mga relihiyosong kaaway. Nanatili siyang mahinahon sa panahon ng mga pagsubok sa kaniya, bagaman maaari siyang humingi ng tulong mula sa kaniyang lehiyon ng mga anghel.​—Mateo 26:53.

Sa wakas, si Jesus ay buong-kadustaang ibinitin sa pahirapang tulos, gayunma’y nanatiling tapat sa kaniyang Ama. Kaya naman, naisulat ni Pablo tungkol sa kaniya: “Panatilihin sa inyo ang pangkaisipang saloobin na ito na nasa kay Kristo Jesus din, na, bagaman siya ay umiiral sa anyong Diyos, ay hindi nagsaalang-alang sa pang-aagaw, alalaong baga, na siya ay maging kapantay ng Diyos. Hindi, kundi hinubad niya ang kaniyang sarili at nag-anyong alipin at napasa-wangis ng tao. Higit pa riyan, nang masumpungan niya ang kaniyang sarili sa anyo ng tao, nagpakababa siya at naging masunurin hanggang sa kamatayan, oo, kamatayan sa pahirapang tulos.”​—Filipos 2:5-8.

Kaya paano tayo makapagpapakita ng tunay na kapakumbabaan? Sa praktikal na mga situwasyon, paano tayo tutugon nang may kapakumbabaan sa halip na may kapalaluan?

Kung Paano Tumutugon ang Isang Taong Mapagpakumbaba

Isaalang-alang natin ang kapakumbabaan sa paggawa, iyon man ay sa trabaho o sa paglilingkurang Kristiyano. Upang matagumpay na magampanan ang trabaho, baka kailanganin ang mga tagapangasiwa, manedyer, at mga superbisor. Kailangang may isa na magpapasiya. Paano ka ba tumutugon? Nangangatuwiran ka ba, “Sino ba siya sa akala niya para sabihin sa akin kung ano ang dapat gawin? Mas matagal na ako sa trabahong ito kaysa sa kaniya.” Oo, kung mapagmataas ka, tatanggi kang magpasakop. Sa kabilang panig, ang isang taong mapagpakumbaba ay nagsisikap na ‘huwag gumawa ng anuman dahil sa hilig na makipagtalo o dahil sa egotismo, kundi nang may kababaan ng pag-iisip na itinuturing na ang iba ay nakatataas.’​—Filipos 2:3.

Paano ka tumutugon kapag ang mungkahi ay nanggaling sa isang nakababata o mula sa isang babae? Kung mapagpakumbaba ka, sa paano man ay isasaalang-alang mo iyon. Kung mapagmataas ka, kaiinisan mo iyon o tatanggihan mo iyon kaagad. Mas gusto mo ba ng papuri at pambobola na ikapapahamak mo naman o ng nakatutulong na payo para sa iyong ikatitibay?​—Kawikaan 27:9; 29:5.

Maaari mo bang harapin ang hamon ng kagipitan? Sa pamamagitan ng kapakumbabaan, magagawa mong harapin ang mahihirap na kalagayan at mabata iyon, gaya ng ginawa ni Job. Kung mapagmataas ka, baka masiphayo at magrebelde ka sa nakapipighating mga kalagayan at inaakalang pagwawalang-bahala sa iyo.​—Job 1:22; 2:10; 27:2-5.

Ang Kapakumbabaan ay Maibigin at Nagpapatawad

Nahihirapan ang ilang tao na magsabi ng, “Ikinalulungkot ko. Nagkamali ako. Tama ka.” Bakit? Labis na amor propyo! Gayunman, napakadalas na nahahadlangan kaagad ang pag-aaway ng mag-asawa sa pamamagitan ng taimtim na paghingi ng tawad.

Handa ka bang magpatawad kapag sinaktan ka ng iba? O, dahil sa iyong amor propyo, nagtatanim ka ba ng sama ng loob, marahil sa loob ng ilang araw o mga buwan, anupat ayaw mong makipag-usap sa diumano’y nagkasala sa iyo? Nakikipag-away ka pa ba para makaganti? May mga taong napatay dahil sa pakikipag-away. Sa iba, ang pamamaraan naman ay ang siraang-puri ang iba para mawalan ng tiwala ang publiko sa kaniya. Sa kabaligtaran, ang isang taong mapagpakumbaba ay maibigin at mapagpatawad. Bakit? Sapagkat ang pag-ibig ay hindi nagbibilang ng pinsala. Handang patawarin ni Jehova ang mga Israelita kung lulunukin nila ang kanilang amor propyo. Ang mapagpakumbabang tagasunod ni Jesus ay handang magpatawad, kahit pa nga nang paulit-ulit!​—Joel 2:12-​14; Mateo 18:21, 22; 1 Corinto 13:5.

Ang isang taong mapagpakumbaba ay ‘nangunguna sa pagpapakita ng dangal sa isa’t isa.’ (Roma 12:10) Ganito ang mababasa sa New International Version: “Bigyang-dangal ang isa’t isa nang higit sa inyong sarili.” Pinupuri mo ba ang iba at pinahahalagahan mo ang kanilang mga kakayahan at talento? O kailangang lagi kang makakita ng isang kapintasan upang mantsahan ang kanilang reputasyon? Oo, kaya mo bang taimtim na purihin ang ibang tao? Kung nahihirapan ka sa ganitong bagay, marahil ay kawalang-katiyakan sa sarili at amor propyo ang problema mo.

Ang isang taong mapagmataas ay walang pasensiya. Ang taong mapagpakumbaba ay matiyaga at may mahabang pagtitiis. Kumusta ka naman? Nagdaramdam ka ba sa anumang inaakalang di-magandang pagtrato? Ang gayong reaksiyon ay kabaligtaran ng mahabang-pagtitiis. Kung mapagpakumbaba ka, hindi mo masyadong titingnan ang iyong sarili. Tandaan ang nangyari nang masyadong tiningnan ng mga alagad ni Jesus ang kanilang sarili​—sila’y mainitang nagtalo tungkol sa kung sino ang pinakamahalaga sa kanila. Nakalimutan nilang sila’y pawang “walang-kabuluhang mga alipin”!​—Lucas 17:10; 22:24; Marcos 10:35-​37, 41.

Inilarawan ng Pranses na manunulat na si Voltaire ang kapakumbabaan bilang “ang kahinhinan ng kaluluwa . . . ang pangontra sa amor propyo.” Oo, ang kapakumbabaan ay ang kababaan ng isip. Ang taong mapagpakumbaba ay may mahinhing espiritu, hindi mapagmataas. Siya’y talagang magalang at mapitagan.

Kaya bakit dapat magsumikap na maging mapagpakumbaba? Sapagkat ang kapakumbabaan ay sinasang-ayunan ng Diyos at tumutulong sa atin na magtamo ng patnubay ng Diyos. Sa isang bahagi dahil sa kapakumbabaan ni Daniel, itinuring ni Jehova ang propeta na isang taong “lubhang kalugud-lugod” at nagsugo sa kaniya ng isang anghel taglay ang isang pangitain! (Daniel 9:23; 10:11, 19) Maraming dulot na gantimpala sa pagiging mapagpakumbaba. Nagdudulot ito ng tunay na mga kaibigan na nagmamahal sa iyo. Higit pa riyan, nagbubunga ito ng pagpapala ni Jehova. “Ang resulta ng kapakumbabaan at pagkatakot kay Jehova ay kayamanan at kaluwalhatian at buhay.”​—Kawikaan 22:4.

[Larawan sa pahina 7]

Ang mapagpakumbabang paghingi ng tawad ay nakapagpapaalwan sa buhay

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share