Pagpapakahulugan sa Bibliya—Kaninong Impluwensiya?
ANG isang katuturan ng salitang “bigyang-kahulugan” ay “unawain ayon sa paniniwala, opinyon, o kalagayan ng isang indibiduwal.” (Webster’s Ninth New Collegiate Dictionary) Kung gayon, ang pagpapakahulugan ng isa sa anumang bagay ay karaniwan nang naiimpluwensiyahan ng kaniyang karanasan, edukasyon, at kinagisnan.
Subalit kumusta naman ang pagpapakahulugan sa Bibliya? Malaya ba tayo na ipaliwanag ang mga talata sa Bibliya ayon sa ating sariling “paniniwala, opinyon, o kalagayan”? Natural lamang, sasabihin ng karamihan sa mga iskolar at tagapagsalin ng Bibliya na hindi nila ginagawa iyon kundi sila ay pinapatnubayan ng Diyos.
Isang halimbawa ang sinasabi sa isang talababa sa Juan 1:1 sa A New Version of the Four Gospels, na inilathala noong 1836 ni John Lingard sa ilalim ng sagisag-panulat na “Isang Katoliko.” Ganito ang sabi: “Ang mga tao mula sa lahat ng grupong relihiyoso ay nakasumpong ng patotoo sa kanilang sariling mga opinyon sa sagradong mga kasulatan: sapagkat, sa katunayan, hindi ang Kasulatan ang nagsabi sa kanila, kundi ikinapit nila ang kanilang sariling pakahulugan sa pananalita ng Kasulatan.”
Bagaman may batayan naman ang puntong ito, ano ba ang layunin ng manunulat? Ang kaniyang komento ay suhay sa kaniyang pagpapakahulugan sa talatang iyon, na kaniyang isinalin na: “Sa simula ay ‘ang salita;’ at ‘ang salita’ ay kasama ng Diyos; at ‘ang salita’ ay Diyos,” isang halimbawa ng Trinitaryong pagsasalin.
Ano ba ang nag-udyok sa manunulat na ito na isalin ang Juan 1:1 sa paraan na susuhay sa doktrina ng Trinidad? “Ang Kasulatan [ba] ang nagsabi” sa kaniya na gawin iyon? Imposible iyan, dahil saanman sa Bibliya ay hindi masusumpungan ang turo ng Trinidad. Pansinin ang sinabi ng The New Encyclopædia Britannica tungkol dito: “Ang salitang Trinidad, ni ang tuwirang turo nito, ay hindi lumilitaw sa Bagong Tipan.” Karagdagan pa, ganito ang sabi ng propesor sa Yale University na si E. Washburn Hopkins: “Para kina Jesus at Pablo, maliwanag na hindi kilala ang doktrina ng trinidad; . . . wala silang sinasabing anuman tungkol dito.”
Kung gayon, ano ang masasabi natin tungkol sa mga sumusuporta sa Trinitaryong pagpapakahulugan sa Juan 1:1 o sa iba pang talata sa Bibliya? Sa sariling pamantayan ni G. Lingard, “hindi ang Kasulatan ang nagsabi sa kanila, kundi ikinapit nila ang kanilang sariling pakahulugan sa pananalita ng Kasulatan.”
Mabuti na lamang, nasa atin ang Salita ng Diyos upang patnubayan tayo sa bagay na ito. “Alamin muna ninyo ito,” sabi ni apostol Pedro, “na walang hula ng Kasulatan ang lumitaw mula sa anumang sariling pagpapakahulugan. Sapagkat ang hula ay hindi kailanman dinala sa pamamagitan ng kalooban ng tao, kundi ang mga tao ay nagsalita mula sa Diyos habang sila ay inaakay ng banal na espiritu.”—2 Pedro 1:20, 21.