Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w99 12/15 p. 19-24
  • Tayo’y Maging ang Uri na May Pananampalataya

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Tayo’y Maging ang Uri na May Pananampalataya
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Magpahayag ng Pagtitiwala sa Isa’t Isa
  • Naaangkop na Paggamit ng Salita ng Diyos
  • Pagbuhay sa mga Halimbawa ng Pananampalataya
  • Kung Paano Lalong Lalakas sa Pananampalataya
  • Aklat ng Bibliya Bilang 35—Habacuc
    “Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
  • Magtiwala kay Jehova at Mabuhay!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2018
  • Hanggang Kailan Pa ang mga Balakyot?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2000
  • Nagagalak sa Diyos ng Ating Kaligtasan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2000
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
w99 12/15 p. 19-24

Tayo’y Maging ang Uri na May Pananampalataya

“Tayo . . . ang uri na may pananampalataya tungo sa pag-iingat na buháy ng kaluluwa.”​—HEBREO 10:39.

1. Bakit masasabing napakahalaga ng pananampalataya ng bawat isang tapat na lingkod ni Jehova?

SA SUSUNOD na pagpunta mo sa isang Kingdom Hall na punô ng mga mananamba ni Jehova, huminto ka at tingnan ang mga nasa paligid mo. Pag-isipan mo ang maraming paraan ng pagpapakita nila ng pananampalataya. Maaaring makakita ka ng mga tumanda na sa paglilingkod sa Diyos sa loob ng mga dekada, mga kabataang araw-araw ay nakikipagpunyagi sa panggigipit ng mga kasama, at mga magulang na nagsisikap na makapagpalaki ng mga anak na may takot sa Diyos. Naririyan ang matatanda sa kongregasyon at mga ministeryal na lingkod na nagsasabalikat ng maraming pananagutan. Oo, makakakita ka ng espirituwal na mga kapatid sa iba’t ibang edad na pinagtatagumpayan ang lahat ng uri ng hadlang upang mapaglingkuran si Jehova. Tunay na napakahalaga ng pananampalataya ng bawat isa!​—1 Pedro 1:7.

2. Bakit kapaki-pakinabang para sa atin sa ngayon ang payo ni Pablo sa Hebreo kabanata 10 at 11?

2 Iilang di-sakdal na tao, kung mayroon man, ang nakauunawa sa kahalagahan ng pananampalataya na higit sa pagkaunawa ni apostol Pablo. Sa katunayan, sinabi niya na ang tunay na pananampalataya ay umaakay sa “pag-iingat na buháy ng kaluluwa.” (Hebreo 10:39) Gayunman, alam ni Pablo na ang pananampalataya ay posibleng tuligsain at pahinain sa walang-pananampalatayang daigdig na ito. Gayon na lamang ang kaniyang pagkabahala sa mga Kristiyanong Hebreo sa Jerusalem at Judea, na nagpupunyagi upang maingatan ang kanilang pananampalataya. Habang sinusuri natin ang mga bahagi ng Hebreo kabanata 10 at 11, pansinin natin ang mga pamamaraang ginamit ni Pablo upang patibayin ang kanilang pananampalataya. Sa paggawa nito, makikita natin kung paano higit pang mapalalakas ang pananampalataya natin at niyaong mga nasa palibot natin.

Magpahayag ng Pagtitiwala sa Isa’t Isa

3. Paano ipinakikita ng mga salita ni Pablo na masusumpungan sa Hebreo 10:39 na siya’y may tiwala sa kaniyang mga kapatid sa pananampalataya?

3 Ang unang bagay na mapapansin natin ay ang positibong saloobin ni Pablo sa kaniyang mga mambabasa. Sumulat siya: “Ngayon hindi tayo ang uri na umuurong tungo sa pagkapuksa, kundi ang uri na may pananampalataya tungo sa pag-iingat na buháy ng kaluluwa.” (Hebreo 10:39) Ang nasa isip ni Pablo ay ang pinakamabuti, hindi ang pinakamasama, hinggil sa kaniyang tapat na mga kasamahang Kristiyano. Pansinin din na ginamit niya ang salitang “tayo.” Si Pablo ay isang matuwid na tao. Gayunman, hindi niya minaliit ang kaniyang mga mambabasa, na para bang siya’y nasa isang matayog na antas ng pagkamatuwid na lubhang nakatataas kaysa sa kanila. (Ihambing ang Eclesiastes 7:16.) Sa halip, ibinilang niya ang kaniyang sarili sa kanila. Ipinahayag niya ang kaniyang taimtim na pagtitiwala na siya at ang kaniyang tapat na Kristiyanong mga mambabasa ay pawang makahaharap sa nakatatakot na mga hadlang na nagbabanta sa kanila, na sila’y buong-tapang na tatangging umurong tungo sa pagkapuksa, at na patutunayan nilang sila ang uri na may pananampalataya.

4. Ano ang mga dahilan ng pagtitiwala ni Pablo sa kaniyang mga kapananampalataya?

4 Paano nagkaroon si Pablo ng gayong pagtitiwala? Hindi ba niya nakikita ang mga pagkakamali ng mga Kristiyanong Hebreo? Sa kabaligtaran, binigyan niya sila ng espesipikong payo upang matulungan silang mapaglabanan ang kanilang espirituwal na mga pagkukulang. (Hebreo 3:12; 5:12-14; 6:4-6; 10:26, 27; 12:5) Magkagayunman, taglay ni Pablo sa paanuman ang dalawang dahilan ng pagtitiwala sa kaniyang mga kapatid. (1) Bilang tagatulad ni Jehova, sinikap ni Pablo na malasin ang bayan ng Diyos ayon sa pangmalas ni Jehova sa kanila. Hindi lamang iyon tungkol sa kanilang mga pagkakamali kundi tungkol din naman sa kanilang mabubuting katangian at sa kanilang potensiyal na piliin ang paggawa ng mabuti sa hinaharap. (Awit 130:3; Efeso 5:1) (2) Si Pablo ay may lubusang pananampalataya sa kapangyarihan ng banal na espiritu. Batid niya na walang balakid, walang kahinaan ng tao, ang makapipigil kay Jehova sa pagbibigay ng “lakas na higit sa karaniwan” sa sinumang Kristiyanong nagsisikap na maglingkod sa Kaniya nang buong tapang. (2 Corinto 4:7; Filipos 4:13) Kaya ang pagtitiwala ni Pablo sa kaniyang mga kapatid ay hindi masasabing wala sa lugar, di-makatotohanan, o kaya’y nabubulagang pagkapositibo. Ito’y may matatag na saligan at maka-Kasulatang batayan.

5. Paano natin matutularan ang pagtitiwala ni Pablo, at ano ang malamang na maging resulta nito?

5 Tiyak na nakaiigaya ang pagtitiwalang ipinamalas ni Pablo. Napakalaking bagay nito para sa mga kongregasyon sa Jerusalem at Judea na nagsalita si Pablo sa kanila sa paraang lubos na nakapagpapatibay. Sa harap ng nakapanghihinang panlilibak at palalong pagwawalang-bahala ng mga Judiong sumasalansang sa kanila, ang mga Kristiyanong Hebreo ay natulungan ng gayong mga pangungusap na pagtibayin sa kanilang puso na maging ang uri na may pananampalataya. Magagawa rin ba natin ito ngayon sa isa’t isa? Napakadali nga na ang makita lamang sa iba ay ang mahabang listahan ng mga pagkakamali at kakaibang personalidad. (Mateo 7:1-5) Magkagayunman, higit pa nating matutulungan ang isa’t isa kung papansinin natin at pahahalagahan ang pambihirang pananampalatayang taglay ng bawat isa. Dahil sa gayong pampatibay-loob, mas malamang na lumago ang pananampalataya.​—Roma 1:11, 12.

Naaangkop na Paggamit ng Salita ng Diyos

6. Mula saan sumipi si Pablo nang isulat niya ang pananalitang nakaulat sa Hebreo 10:38?

6 Pinatibay rin ni Pablo ang pananampalataya ng kaniyang mga kapananampalataya sa pamamagitan ng kaniyang mahusay na paggamit ng Kasulatan. Halimbawa, isinulat niya: “ ‘Ngunit ang aking matuwid na isa ay mabubuhay dahil sa pananampalataya,’ at, ‘kung siya ay umurong, ang aking kaluluwa ay walang kaluguran sa kaniya.’ ” (Hebreo 10:38) Sinisipi rito ni Pablo si propeta Habakuk.a Ang mga salitang ito ay malamang na pamilyar sa mga mambabasa ni Pablo, ang mga Kristiyanong Hebreo na ganap na nakaaalam ng makahulang mga aklat. Kung isasaalang-alang ang kaniyang tunguhin​—ang palakasin ang pananampalataya ng mga Kristiyano sa loob at karatig ng Jerusalem noong mga taóng 61 C.E.​—tumpak lamang ang pagkakapili sa halimbawa ni Habakuk. Bakit?

7. Kailan iniulat ni Habakuk ang kaniyang hula, at ano ang mga kalagayan noon sa Juda?

7 Maliwanag na isinulat ni Habakuk ang kaniyang aklat mahigit-higit lamang sa dalawang dekada bago ang pagkawasak ng Jerusalem noong 607 B.C.E. Sa pangitain, nakita ng propeta ang mga Caldeo (o, mga taga-Babilonya), isang “bansa na mapait at mapusok,” na sinusuyod ang Juda at winawasak ang Jerusalem, anupat sa paggawa nito ay kinukubkob ang mga bayan at mga bansa. (Habakuk 1:5-11) Ngunit ang kalamidad na iyan ay inihula na mula pa noong panahon ni Isaias, mahigit na isang siglo ang kaagahan. Noong panahon ni Habakuk, pinalitan ni Jehoiakim ang mabuting si Haring Josias, at muli na namang namayani ang kabalakyutan sa Juda. Inusig at pinaslang pa man din ni Jehoiakim ang mga nagsasalita sa pangalan ni Jehova. (2 Cronica 36:5; Jeremias 22:17; 26:20-24) Hindi nga nakapagtataka na mapabulalas ang nagdadalamhating si propeta Habakuk: “O Jehova, hanggang kailan?”​—Habakuk 1:2.

8. Bakit ang halimbawa ni Habakuk ay naging tulong sa mga Kristiyano noong unang siglo at sa kasalukuyan?

8 Hindi alam ni Habakuk kung gaano na kalapit ang pagkawasak ng Jerusalem. Sa katulad na paraan, hindi rin alam ng mga Kristiyano noong unang siglo kung kailan magwawakas ang Judiong sistema ng mga bagay. Hindi rin naman natin alam ngayon ang “araw at oras” ng pagdating ng kahatulan ni Jehova laban sa balakyot na sistemang ito. (Mateo 24:36) Pansinin natin kung gayon ang dalawang sagot ni Jehova kay Habakuk. Una, tiniyak niya sa propeta na ang wakas ay darating sa takdang panahon. “Hindi iyon maaantala,” sabi ng Diyos, bagaman ito’y waring naaatraso, ayon sa akala ng tao. (Habakuk 2:3) Ikalawa, ipinagunita ni Jehova kay Habakuk: “Kung tungkol sa matuwid, sa pamamagitan ng kaniyang katapatan ay mananatili siyang buháy.” (Habakuk 2:4) Kay ganda at napakasimpleng mga katotohanan! Ang mahalaga ay, hindi kung kailan darating ang wakas, kundi kung patuloy tayong namumuhay nang may pananampalataya.

9. Paano nanatiling buháy ang masunuring mga lingkod ni Jehova dahil sa kanilang katapatan (a) noong 607 B.C.E.? (b) pagkatapos ng 66 C.E.? (c) Bakit napakahalagang palakasin natin ang ating pananampalataya?

9 Nang dambungin ang Jerusalem noong 607 B.C.E., nakita ni Jeremias, ng kaniyang kalihim na si Baruc, ni Ebed-melec, at ng matatapat na Rechabita ang katotohanan ng pangako ni Jehova kay Habakuk. Sila’y ‘nanatiling buháy’ nang makatakas sila sa kahindik-hindik na pagkawasak ng Jerusalem. Bakit? Ginantimpalaan ni Jehova ang kanilang katapatan. (Jeremias 35:1-19; 39:15-18; 43:4-7; 45:1-5) Sa katulad na paraan, tiyak na naging mahusay ang pagtugon ng mga Kristiyanong Hebreo noong unang siglo sa payo ni Pablo, sapagkat nang sumalakay ang mga hukbong Romano sa Jerusalem noong 66 C.E. at pagkatapos ay umurong sa di-maipaliwanag na dahilan, may-katapatang pinakinggan ng mga Kristiyanong iyon ang babala ni Jesus na tumakas. (Lucas 21:20, 21) Sila’y nanatiling buháy dahil sa kanilang katapatan. Gayundin naman, mananatili tayong buháy kung tayo’y masusumpungang tapat pagdating ng kawakasan. Isa ngang mahalagang dahilan para palakasin ang ating pananampalataya sa ngayon!

Pagbuhay sa mga Halimbawa ng Pananampalataya

10. Paano inilarawan ni Pablo ang pananampalataya ni Moises, at paano natin matutularan si Moises sa bagay na ito?

10 Pinatibay rin ni Pablo ang pananampalataya sa pamamagitan ng mabisang paggamit ng mga halimbawa. Habang binabasa mo ang Hebreo kabanata 11, pansinin kung paano niya binuhay ang mga halimbawa ng mga tauhan sa Bibliya. Halimbawa, sinabi niya na si Moises ay “nagpatuloy [na] matatag na gaya ng nakakakita sa Isa na di-nakikita.” (Hebreo 11:27) Sa ibang pananalita, si Jehova ay totoong-totoo kay Moises anupat parang nakikita niya ang di-nakikitang Diyos. Ganito rin kaya tayo? Madaling pag-usapan ang tungkol sa pakikipag-ugnayan kay Jehova, ngunit kailangan ang pagsisikap upang mapatibay at mapalakas ang ugnayang iyan. Iyan ang pagsisikap na dapat nating gawin! Totoong-totoo ba si Jehova para sa atin anupat isinasaalang-alang natin siya kapag tayo’y nagpapasiya, lakip na yaong sa wari’y di-gaanong mahalaga? Ang ganiyang uri ng pananampalataya ay tutulong sa atin na mabata maging ang pinakamatinding pagsalansang.

11, 12. (a) Sa anong mga kalagayan maaaring nasubok ang pananampalataya ni Enoc? (b) Anong nakapagpapatibay na gantimpala ang tinanggap ni Enoc?

11 Isaalang-alang din ang pananampalataya ni Enoc. Mahirap para sa atin na gunigunihin ang pagsalansang na napaharap sa kaniya. Kailangang ipahayag ni Enoc ang isang masakit na mensahe ng kahatulan laban sa balakyot na mga taong nabubuhay noon. (Judas 14, 15) Maliwanag na napakabangis at napakarahas ng bantang pag-uusig sa tapat na lalaking ito, anupat “inilipat siya” ni Jehova, na dinala siya mula sa kalagayang buháy tungo sa kalagayang natutulog sa kamatayan bago siya masukol ng mga kaaway. Kaya hindi nakita ni Enoc ang katuparan ng hulang binigkas niya. Gayunman, tumanggap siya ng kaloob na, sa ilang paraan, ay mas maigi pa.​—Hebreo 11:5; Genesis 5:22-24.

12 Nagpaliwanag si Pablo: “Bago pa ang pagkakalipat sa kaniya ay nagkaroon [si Enoc] ng patotoo na napalugdan niya nang mainam ang Diyos.” (Hebreo 11:5) Ano ang ibig sabihin nito? Bago siya matulog sa kamatayan, maaaring si Enoc ay nagkaroon ng isang uri ng pangitain, marahil ng makalupang Paraiso na doon ay magigising siya balang araw. Sa paanuman, ipinaalam ni Jehova kay Enoc na Siya ay lugod na lugod sa tapat nitong landasin. Pinasaya ni Enoc ang puso ni Jehova. (Ihambing ang Kawikaan 27:11.) Nakababagbag ng damdamin ang paggunita sa naging buhay ni Enoc, hindi ba? Gusto mo bang mamuhay nang may gayong pananampalataya? Kung gayon ay pag-isipan mong mabuti ang gayong mga halimbawa; malasin mo sila bilang tunay na mga tao. Maging determinado na mabuhay ayon sa pananampalataya, araw-araw. Alalahanin din na ang uri na may pananampalataya ay hindi naglilingkod kay Jehova batay sa isang petsa o sa takdang-araw ng pagtupad ng Diyos sa lahat ng kaniyang mga pangako. Sa halip, tayo’y desidido na maglingkod kay Jehova magpakailanman! Ang paggawa nito ay nangangahulugan ng pinakamainam na paraan ng pamumuhay sa sistemang ito ng mga bagay at sa kasunod nito.

Kung Paano Lalong Lalakas sa Pananampalataya

13, 14. (a) Paano makatutulong sa atin ang mga salita ni Pablo na nakaulat sa Hebreo 10:24, 25 na gawing masasayang okasyon ang ating mga pulong? (b) Ano ang pangunahing dahilan ng mga pulong Kristiyano?

13 Si Pablo ay nagpakita sa mga Kristiyanong Hebreo ng maraming praktikal na pamamaraan upang mapalakas ang kanilang pananampalataya. Tingnan lamang natin ang dalawa sa mga ito. Malamang na pamilyar tayo sa kaniyang payo sa Hebreo 10:24, 25, na humihimok sa atin na regular na makipagtipon sa ating mga pulong Kristiyano. Gayunman, tandaan natin na ang kinasihang mga salita ni Pablo roon ay hindi nagpapahiwatig na tayo’y magiging basta walang-kibong tagapagmasid lamang sa gayong mga pulong. Sa halip, inilarawan ni Pablo ang mga pulong bilang mga pagkakataon na magkakilala ang isa’t isa, na mapakilos ang isa’t isa na lubusang maglingkod sa Diyos, at magpatibayan sa isa’t isa. Tayo’y naroroon upang magbigay, hindi upang tumanggap lamang. Makatutulong iyan upang maging masasayang okasyon ang ating mga pulong.​—Gawa 20:35.

14 Gayunman, tayo’y pangunahin nang dumadalo sa mga pulong Kristiyano upang sambahin ang Diyos na Jehova. Ginagawa natin ito sa pamamagitan ng pakikisama sa panalangin at pag-awit, sa matamang pakikinig, at sa paghahandog ng mga “bunga ng mga labi”​—mga kapahayagan ng papuri kay Jehova sa ating mga komento at mga bahagi sa pulong. (Hebreo 13:15) Kung tatandaan natin ang mga tunguhing iyon at isasagawa ang mga iyon sa bawat pulong, walang-pagsalang mapatitibay ang ating pananampalataya sa bawat pagkakataon.

15. Bakit hinimok ni Pablo ang mga Kristiyanong Hebreo na manghawakang mahigpit sa kanilang ministeryo, at bakit angkop pa rin ngayon ang payong iyon?

15 Ang isa pang paraan ng pagpapatibay ng pananampalataya ay ang gawaing pangangaral. Sumulat si Pablo: “Panghawakan nating mahigpit ang pangmadlang pagpapahayag ng ating pag-asa nang walang pag-uurung-sulong, sapagkat siya na nangako ay tapat.” (Hebreo 10:23) Maaari mong mahimok ang iba na manghawakang mahigpit kapag sa wari’y nanganganib na silang makabitiw. Tiyak na ginipit noon ni Satanas ang mga Kristiyanong Hebreong iyon na bitiwan na ang kanilang ministeryo, at ginigipit din niya ngayon ang bayan ng Diyos. Sa harap ng gayong panggigipit, ano ang dapat nating gawin? Tingnan natin ang ginawa ni Pablo.

16, 17. (a) Paano tumapang si Pablo sa ministeryo? (b) Anong mga hakbang ang dapat nating gawin kung tayo’y natatakot dahil sa ilang aspekto ng ating ministeryong Kristiyano?

16 Sa mga Kristiyanong nasa Tesalonica, sumulat si Pablo: “Pagkatapos na kami ay maghirap muna at mapakitunguhan nang walang-pakundangan (gaya ng nalalaman ninyo) sa Filipos, kami ay nag-ipon ng katapangan sa pamamagitan ng ating Diyos upang salitain sa inyo ang mabuting balita ng Diyos nang may labis na pakikipagpunyagi.” (1 Tesalonica 2:2) Paanong si Pablo at ang kaniyang mga kasama ay ‘pinakitunguhan nang walang-pakundangan’ sa Filipos? Ayon sa ilang iskolar, ang salitang Griego na ginamit ni Pablo ay nagpapahayag ng mapandusta, mapanirang-puri, o marahas na pakikitungo. Hinampas sila ng mga pamalo ng mga awtoridad sa Filipos, itinapon sila sa bilangguan, at inipit sila sa mga pangawan. (Gawa 16:16-24) Ano ang naging epekto kay Pablo ng masakit na karanasang ito? Nasumpungan ba niyaong mga nasa sumunod na lunsod ng paglibot niya bilang misyonero, ang Tesalonica, na umuurong si Pablo dahil sa takot? Hindi, siya’y “nag-ipon ng katapangan.” Nadaig niya ang takot at patuloy na nangaral nang buong-tapang.

17 Saan galing ang katapangan ni Pablo? Sa kaniyang kalooban? Hindi, sinabi niyang siya’y nag-ipon ng katapangan “sa pamamagitan ng ating Diyos.” Isang reperensiyang akda para sa mga tagapagsalin ng Bibliya ang nagsasabi na ang pangungusap na ito’y maaaring isaling “inalis ng Diyos ang takot sa aming mga puso.” Kaya kung inaakala mong hindi ka ganoon katapang sa iyong ministeryo, o kaya’y may ilang partikular na aspekto rito na sa wari’y ikinatatakot mo, bakit hindi makiusap kay Jehova na gayundin ang gawin sa iyo? Hilingin mo sa kaniya na alisin ang takot sa iyong puso. Hilingin mo sa kaniya na tulungan kang makapagtipon ng katapangan para sa gawain. Karagdagan pa, gumawa ng ilang iba pang praktikal na hakbang. Halimbawa, magsaayos na gumawang kasama ng isa na bihasa sa anyo ng pagpapatotoo na ikinababahala mo. Maaaring iyon ay tungkol sa teritoryo ng negosyo, pagpapatotoo sa lansangan, di-pormal na pangangaral, o pagpapatotoo sa telepono. Marahil ay nanaisin ng iyong kapareha na siya muna ang magsimula. Kung gayon, manood ka at matuto. Pero pagkatapos niyaon, magtipon ka ng katapangan upang masubukan ito.

18. Anong mga pagpapala ang maaari nating tamasahin kung mag-iipon tayo ng katapangan sa ating ministeryo?

18 Kung talagang magtitipon ka ng katapangan, isip-isipin mo ang maaaring ibunga nito. Kung ikaw ay magtitiyaga at hindi masisiraan ng loob, malamang na magkakaroon ka ng magagandang karanasan sa pamamahagi ng katotohanan, mga karanasan na maaaring hindi mo sana natamasa. (Tingnan ang pahina 25.) Masisiyahan ka sa pagkabatid na napaluguran mo si Jehova sa paggawa ng isang bagay na mahirap para sa iyo. Matatamasa mo ang kaniyang pagpapala at tulong upang mapaglabanan ang iyong takot. Mas lalakas ang iyong pananampalataya. Ang totoo, hindi mo mapatitibay ang pananampalataya ng iba kung hindi mo rin patitibayin ang iyong pananampalataya.​—Judas 20, 21.

19. Anong napakahalagang gantimpala ang nakalaan para sa “uri na may pananampalataya”?

19 Patuloy mo sanang palakasin ang iyong pananampalataya at ang pananampalataya niyaong mga nakapalibot sa iyo. Magagawa mo ito kung mapatitibay mo ang iyong sarili at ang iba sa pamamagitan ng bihasang paggamit ng Salita ng Diyos, pag-aaral sa mga halimbawa ng pananampalataya sa Bibliya at pagbuhay sa mga ito, paghahanda at pakikibahagi sa mga pulong Kristiyano, at panghahawakang mahigpit sa napakahalagang pribilehiyo ng ministeryo sa madla. Sa paggawa mo ng mga bagay na ito, matitiyak mong ikaw ay tunay na isa sa “uri na may pananampalataya.” Tandaan din na ang mga ganitong uri ay may napakahalagang gantimpala. Sila’y “mga uri na may pananampalataya tungo sa pag-iingat na buháy ng kaluluwa.”b Sana’y patuloy na lumaki ang iyong pananampalataya, at sana’y ingatan kang buháy magpakailanman ng Diyos na Jehova!

[Mga talababa]

a Sinipi ni Pablo ang salin ng Septuagint sa Habakuk 2:4, na doo’y kalakip ang pariralang “kung ang sinuman ay umurong, ang aking kaluluwa ay walang kaluguran sa kaniya.” Ang pananalitang ito ay wala sa anumang umiiral na manuskritong Hebreo. Ipinahiwatig ng ilan na ang Septuagint ay ibinatay sa naunang mga manuskritong Hebreo na hindi na umiiral. Anuman ang pangyayari, inilakip ito rito ni Pablo sa ilalim ng impluwensiya ng banal na espiritu ng Diyos. Kung gayon ay awtorisado ito ng Diyos.

b Ang magiging taunang teksto ng mga Saksi ni Jehova para sa taóng 2000 ay: “Hindi tayo ang uri na umuurong . . . kundi ang uri na may pananampalataya.”​—Hebreo 10:39.

Paano Mo Sasagutin?

◻ Paano ipinahayag ni Pablo ang kaniyang pagtitiwala sa mga Kristiyanong Hebreo, at ano ang matututuhan natin mula rito?

◻ Bakit angkop na angkop ang pagtukoy ni Pablo kay propeta Habakuk?

◻ Anong maka-Kasulatang mga halimbawa ng pananampalataya ang binuhay ni Pablo?

◻ Anong praktikal na mga paraan ng pagpapatibay ng pananampalataya ang inirekomenda ni Pablo?

[Larawan sa pahina 23]

Matapos ang masaklap na karanasan niya sa Filipos, nag-ipon ng katapangan si Pablo upang patuloy na makapangaral

[Mga larawan sa pahina 24]

Makapagtitipon ka ba ng katapangan upang subukin ang iba’t ibang anyo ng pagpapatotoo?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share