Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w99 12/15 p. 14-19
  • Huwag Sana Tayong Umurong Tungo sa Pagkapuksa!

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Huwag Sana Tayong Umurong Tungo sa Pagkapuksa!
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Kahulugan ng Pag-urong Tungo sa Pagkapuksa
  • Kung Paano Ginipit ang mga Kristiyano Upang Umurong
  • Kung Bakit Hindi Sila Dapat Umurong Tungo sa Pagkapuksa
  • Kung Bakit Hindi Tayo Dapat Umurong Kailanman Tungo sa Pagkapuksa
  • Tayo’y Maging ang Uri na May Pananampalataya
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
  • Aklat ng Bibliya Bilang 58—Mga Hebreo
    “Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
  • Huwag Kayong Susuko sa Takbuhan Ukol sa Buhay!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
  • Hebreo, Liham sa mga
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
w99 12/15 p. 14-19

Huwag Sana Tayong Umurong Tungo sa Pagkapuksa!

“Hindi tayo ang uri na umuurong tungo sa pagkapuksa.”​—HEBREO 10:39.

1. Anong mga kalagayan ang umakay kay apostol Pedro upang magpadaig sa takot?

TIYAK na nagulat ang mga apostol nang sabihin ng kanilang mahal na Panginoon, si Jesus, na silang lahat ay mangangalat at pababayaan siya. Paano mangyayari ito​—sa oras pa naman ng kaniyang matinding pangangailangan? Iginiit ni Pedro: “Kahit na ang lahat ng iba pa ay matisod, gayunma’y hindi ako.” Ang totoo, si Pedro ay isang lalaking matapang at malakas ang loob. Subalit nang ipagkanulo at arestuhin si Jesus, ang mga apostol​—pati na si Pedro​—ay nangalat. Pagkaraan, habang pinagtatatanong si Jesus sa bahay ng Mataas na Saserdoteng si Caifas, si Pedro ay balisang aali-aligid naman sa looban. Sa paglipas ng gabing malamig, malamang na ikinatakot ni Pedro na baka si Jesus at ang sinumang nakikisama sa kaniya ay patayin. Nang makilala ng ilang nag-uusyoso roon si Pedro bilang isa sa malapít na kasama ni Jesus, nataranta siya. Tatlong ulit na itinatwa niyang may kaugnayan siya kay Jesus. Ikinaila pa man din ni Pedro na kilala niya siya!​—Marcos 14:27-31, 66-72.

2. (a) Bakit ang pagkatakot ni Pedro noong gabing arestuhin si Jesus ay hindi nagpangyari sa kaniya na maging “ang uri na umuurong”? (b) Ano ang dapat na maging determinasyon natin?

2 Iyon ay isang nakapanlulumong yugto sa buhay ni Pedro, isang pangyayari na walang-pagsalang pinagsisihan niya sa buong buhay niya. Subalit naging duwag nga ba si Pedro dahil sa kaniyang iginawi nang gabing iyon? Ito ba’y nagpangyari na siya’y maging isa sa “uri” na nang maglaon ay inilarawan ni apostol Pablo nang isulat niya: “Ngayon hindi tayo ang uri na umuurong tungo sa pagkapuksa”? (Hebreo 10:39) Malamang na marami sa atin ang sasang-ayon na hindi kapit kay Pedro ang mga salita ni Pablo. Bakit? Sapagkat ang takot ni Pedro ay pansamantala lamang, isang sandaling panghihina sa isang buhay na kinakitaan naman ng pambihirang lakas ng loob at pananampalataya. Sa katulad na paraan, marami sa atin ang nagkaroon na ng mga karanasan na kung gugunitain natin ay nakapagdudulot sa paanuman ng pagkapahiya, mga sandaling nadaig tayo ng takot dahil sa pagkabigla at sa gayo’y hindi tayo nakapanindigan nang buong-tapang para sa katotohanan na nais sana nating gawin. (Ihambing ang Roma 7:21-23.) Makatitiyak tayo na ang gayong mga panandaliang panghihina ay hindi nagpapangyari na tayo’y maging yaong uri na umuurong tungo sa pagkapuksa. Gayunman, kailangan pa rin tayong maging determinado na huwag kailanman maging gayong uri. Bakit? At paano natin maiiwasan na maging gayong uri ng tao?

Ang Kahulugan ng Pag-urong Tungo sa Pagkapuksa

3. Paano nadaig ng takot ang mga propetang sina Elias at Jonas?

3 Nang isulat ni Pablo ang tungkol sa “uri na umuurong,” hindi niya tinutukoy yaong mga dumaranas ng sandaling pagkawala ng lakas ng loob. Tiyak na batid ni Pablo ang naging karanasan ni Pedro at ang iba pang katulad na mga kaso. Si Elias, isang propetang matapang at hindi takot magsalita, ay minsan na ring nadaig ng takot at tumakas upang iligtas ang kaniyang buhay dahil sa banta na siya’y ipapapatay ng balakyot na si Reyna Jezebel. (1 Hari 19:1-4) Mas malala ang takot na lumukob kay propeta Jonas. Inatasan siya ni Jehova na maglakbay patungo sa kilalang marahas at balakyot na lunsod ng Nineve. Dali-daling sumakay si Jonas sa isang bangka patungo sa Tarshish​—3,500 kilometro sa kabilang direksiyon! (Jonas 1:1-3) Gayunman, hindi pa rin makatuwiran na ilarawan ang sinuman sa tapat na mga propetang ito ni ang apostol na si Pedro bilang ang uri na umuurong. Bakit hindi?

4, 5. (a) Paano tumutulong sa atin ang konteksto upang matiyak ang ibig sabihin ni Pablo sa “pagkapuksa” sa Hebreo 10:39? (b) Ano ang ibig sabihin ni Pablo nang sabihin niya: “Hindi tayo ang uri na umuurong tungo sa pagkapuksa”?

4 Pansinin ang buong pariralang ginamit ni Pablo: “Ngayon hindi tayo ang uri na umuurong tungo sa pagkapuksa.” Ano ang ibig niyang sabihin sa “pagkapuksa”? Ang salitang Griego na ginamit niya ay tumutukoy kung minsan sa walang-hanggang pagkapuksa. Angkop sa konteksto ang kahulugang ito. Kabibigay pa lamang ni Pablo ng babala: “Kung sinasadya nating mamihasa sa kasalanan pagkatapos na matanggap ang tumpak na kaalaman sa katotohanan, wala nang anumang haing natitira pa para sa kasalanan, kundi may nakatatakot na paghihintay sa paghuhukom at may maapoy na paninibugho na lalamon doon sa mga sumasalansang.”​—Hebreo 10:26, 27.

5 Kaya nang sabihin ni Pablo sa kaniyang mga kapananampalataya na, “Hindi tayo ang uri na umuurong tungo sa pagkapuksa,” ibig niyang sabihin na siya at ang kaniyang tapat na mga Kristiyanong mambabasa ay determinadong hindi kailanman tatalikod kay Jehova at titigil na maglingkod sa kaniya. Ang paggawa nito ay hahantong lamang sa walang-hanggang pagkapuksa. Si Judas Iscariote ay isa na umurong tungo sa gayong pagkapuksa, gaya ng iba pang kaaway ng katotohanan na kusang lumaban sa espiritu ni Jehova. (Juan 17:12; 2 Tesalonica 2:3) Ang gayong mga indibiduwal ay kabilang sa “mga duwag” na daranas ng walang-hanggang pagkapuksa sa makasagisag na lawa ng apoy. (Apocalipsis 21:8) Hindi, hindi natin kailanman nanaisin na maging gayong uri ng tao!

6. Anong landasin ang hangad ni Satanas na Diyablo na tahakin natin?

6 Hangad ni Satanas na Diyablo na tayo’y umurong tungo sa pagkapuksa. Palibhasa’y dalubhasa sa “mapandayang mga gawa,” alam niyang ang gayong kapaha-pahamak na landasin ay karaniwan nang nagsisimula sa maliliit na paraan. (Efeso 6:11, talababa sa Ingles) Kapag nabigo ang tuwirang pag-uusig sa pagsasakatuparan ng kaniyang layunin, gumagamit siya ng mas tusong pamamaraan upang sirain ang pananampalataya ng tunay na mga Kristiyano. Hangarin niyang mapatahimik ang matatapang at masisigasig na Saksi ni Jehova. Tingnan natin ang mga pamamaraang ginamit niya laban sa mga Kristiyanong Hebreo na sinulatan ni Pablo.

Kung Paano Ginipit ang mga Kristiyano Upang Umurong

7. (a) Ano ang naging kasaysayan ng kongregasyon sa Jerusalem? (b) Anong espirituwal na mga kalagayan ang umiral sa ilang mambabasa ni Pablo?

7 Ipinahihiwatig ng katibayan na isinulat ni Pablo ang kaniyang liham sa mga Hebreo noong mga 61 C.E. Ang kasaysayan ng kongregasyon sa Jerusalem ay batbat ng kaligaligan. Pagkamatay ni Jesus, humampas ang isang daluyong ng malupit na pag-uusig, anupat ang maraming Kristiyano sa lunsod ay napilitang mangalat. Gayunman, sumunod ang isang panahon ng kapayapaan, na nagbigay-daan naman sa pagdami ng mga Kristiyano. (Gawa 8:4; 9:31) Sa paglipas ng mga taon, nagaganap pa rin paminsan-minsan ang iba pang pag-uusig at kahirapan. Waring nang sumulat si Pablo sa mga Hebreo, ang kongregasyon ay minsan pang nagtatamasa noon ng isang yugto na maituturing na payapa. Gayunman, mayroon pa ring panggigipit. Halos tatlong dekada na ang nakalilipas mula nang ihula ni Jesus ang pagkawasak ng Jerusalem. Malamang na nadama ng ilan na di-makatuwiran ang pagkakaantala ng kawakasan at maaaring hindi nga ito dumating sa kanilang kapanahunan. Ang iba naman, lalo na yaong mga baguhan sa pananampalataya, ay hindi pa nasusubok sa matinding pag-uusig at wala pang gaanong kabatiran sa pangangailangang magbata sa ilalim ng pagsubok. (Hebreo 12:4) Tiyak na sinikap ni Satanas na samantalahin ang gayong mga kalagayan. Anong “mapandayang mga gawa” ang ginamit niya?

8. Ano ang naging saloobin ng maraming Judio sa baguhang kongregasyon ng mga Kristiyano?

8 Hinamak noon ng pamayanang Judio sa Jerusalem at Judea ang baguhang kongregasyon ng mga Kristiyano. Batay sa laman ng liham ni Pablo, nakakakuha tayo ng ilang ideya ng mga pagkutyang ipinatungkol noon sa mga Kristiyano ng mga aroganteng Judio na lider ng relihiyon at ng mga tagasunod nila. Sa diwa, maaaring sinabi nila: ‘Mayroon kaming dakilang templo sa Jerusalem, na ilang siglo nang nakatayo! Taglay namin ang isang maharlikang mataas na saserdote na nanunungkulan doon, kasama ng kaniyang mga katulong na saserdote. Araw-araw ang paghahandog ng mga hain. Taglay namin ang Kautusan, na inihatid ng mga anghel kay Moises at itinatag na may dakilang mga tanda sa Bundok Sinai. Ang bagong-sulpot na sektang ito, ang mga Kristiyanong ito, na nag-apostata laban sa Judaismo, wala sila ng anuman sa mga bagay na ito!’ Nagtagumpay ba ang panlilibak na ito? Ilan sa mga Kristiyanong Hebreo ay maliwanag na nabahala sa mga pag-atakeng ito. Tamang-tama ang pagdating ng liham ni Pablo na nakatulong sa kanila.

Kung Bakit Hindi Sila Dapat Umurong Tungo sa Pagkapuksa

9. (a) Anong tema ang nangingibabaw sa liham sa mga Hebreo? (b) Sa anong diwa naglingkod ang mga Kristiyano sa isang mas mainam na templo kaysa sa isa na nasa Jerusalem?

9 Suriin natin ang dalawang dahilan na ibinigay ni Pablo sa kaniyang mga kapatid sa Judea upang huwag umurong kailanman tungo sa pagkapuksa. Ang una​—ang kahigitan ng Kristiyanong sistema ng pagsamba​—ay nangingibabaw sa liham sa mga Hebreo. Sa kabuuan ng kaniyang liham, tinalakay ni Pablo ang temang ito. Ang templo sa Jerusalem ay isang kopya lamang ng mas nakahihigit na dakilang katotohanan, ang espirituwal na templo ni Jehova, isang gusaling “hindi ginawa ng mga kamay.” (Hebreo 9:11) Ang mga Kristiyanong iyon ay may pribilehiyo na maglingkod sa espirituwal na kaayusang iyon para sa dalisay na pagsamba. Sila’y naglilingkod sa ilalim ng isang mas mainam na tipan, ang matagal-nang-ipinangakong bagong tipan, na may Tagapamagitan na mas nakahihigit kay Moises, si Jesu-Kristo.​—Jeremias 31:31-34.

10, 11. (a) Bakit ang pinagmulang angkan ni Jesus ay hindi nag-alis sa kaniyang karapatan na maglingkod bilang Mataas na Saserdote sa espirituwal na templo? (b) Sa anong mga paraan si Jesus ay isang Mataas na Saserdote na nakahihigit sa isa na naglilingkod sa templo sa Jerusalem?

10 Ang mga Kristiyanong iyon ay mayroon ding mas nakahihigit na Mataas na Saserdote, si Jesu-Kristo. Hindi, hindi siya nagmula kay Aaron. Sa halip, siya ay isang Mataas na Saserdote “ayon sa paraang gaya ng kay Melquisedec.” (Awit 110:4) Si Melquisedec, na walang nakaulat na angkan, ay hari ng sinaunang Salem at siya ring mataas na saserdote nito. Sa gayon ay naaangkop siya bilang makahulang tipo ni Jesus, na ang pagkasaserdote ay batay, hindi sa anumang di-sakdal na angkan ng tao, kundi salig sa isang bagay na makapupong nakahihigit​—ang sariling sumpa (oath) ng Diyos na Jehova. Gaya ni Melquisedec, si Jesus ay naglilingkod hindi lamang bilang Mataas na Saserdote kundi bilang Hari rin naman, isa na hindi kailanman mamamatay.​—Hebreo 7:11-21.

11 Isa pa, di-gaya ng mataas na saserdote sa templo sa Jerusalem, si Jesus ay hindi kailangang maghandog ng mga hain taun-taon. Ang kaniyang hain ay ang kaniyang sariling sakdal na buhay, na inihandog niya nang minsanan. (Hebreo 7:27) Lahat ng mga haing inihandog sa templo ay mga anino lamang, mga larawan ng inihandog ni Jesus. Ang kaniyang sakdal na hain ay naglalaan ng tunay na kapatawaran ng mga kasalanan ng lahat na nagsasagawa ng pananampalataya. Nakasisiya rin ang mga komento ni Pablo na nagpapakitang ang Mataas na Saserdoteng ito ay ang walang-pagbabagong si Jesus na siya ring nakilala ng mga Kristiyano noon sa Jerusalem. Siya’y mapagpakumbaba, mabait, at isa na maaaring “makiramay sa ating mga kahinaan.” (Hebreo 4:15; 13:8) Ang mga pinahirang Kristiyanong iyon ay may pag-asang maglingkod bilang mga katulong na saserdote ni Kristo! Paano pa sila makaiisip na umurong tungo sa “mahihina at malapulubing” mga bagay ng tiwaling Judaismo?​—Galacia 4:9.

12, 13. (a) Ano ang ibinigay ni Pablo na ikalawang dahilan ng di-pag-urong kailanman? (b) Bakit ang kanilang nakaraang rekord ng pagbabata ay nagpapatibay-loob sa mga Kristiyanong Hebreo na huwag kailanman umurong tungo sa pagkapuksa?

12 Sa wari’y hindi pa iyon sapat, ibinigay ni Pablo sa mga Hebreo ang ikalawang dahilan ng di-pag-urong kailanman tungo sa pagkapuksa​—ang kanilang sariling ulat ng pagbabata. Isinulat niya: “Patuloy ninyong alalahanin ang mga araw noong una kung kailan, pagkatapos na kayo ay maliwanagan, kayo ay nagbata ng malaking pakikipaglaban sa ilalim ng mga pagdurusa.” Ipinaalaala sa kanila ni Pablo na sila’y ‘nakalantad na gaya ng nasa dulaan’ sa mga pagdusta at mga kapighatian. Ang ilan ay dumanas ng pagkabilanggo; ang iba naman ay nakiramay at sumuporta sa mga nakabilanggo. Oo, sila’y nagpakita ng ulirang pananampalataya at pagtitiyaga. (Hebreo 10:32-34) Subalit, bakit kaya sila hinilingan ni Pablo na ‘patuloy na alalahanin’ ang gayong masasakit na karanasan? Hindi ba iyon nakapanghihina ng loob?

13 Sa kabaligtaran, ‘ang pag-alaala sa mga araw noong una’ ay magpapagunita sa mga Hebreo kung paano sila inalalayan ni Jehova sa ilalim ng pagsubok. Sa tulong niya, napaglabanan nila ang marami sa mga pag-atake ni Satanas. Isinulat ni Pablo: “Ang Diyos ay hindi liko upang kalimutan ang inyong gawa at ang pag-ibig na ipinakita ninyo para sa kaniyang pangalan.” (Hebreo 6:10) Oo, inalaala ni Jehova ang lahat ng kanilang tapat na mga gawa, anupat iniimbak ang mga iyon sa kaniyang walang-limitasyong memorya. Tayo’y pinaaalalahanan ng payo ni Jesus na mag-imbak ng mga kayamanan sa langit. Hindi mananakaw ang mga kayamanang ito ng sinumang magnanakaw; hindi mauubos ang mga ito ng tangà o kalawang. (Mateo 6:19-21) Sa katunayan, ang mga kayamanang ito ay masisira lamang kapag ang isang Kristiyano ay umurong tungo sa pagkapuksa. Sasayangin nito ang anumang kayamanang inimbak niya sa langit. Kay tindi nga ng dahilang ibinigay ni Pablo sa mga Kristiyanong Hebreo upang huwag kailanman tahakin ang gayong landasin! Bakit sasayangin ang lahat ng taon ng kanilang tapat na paglilingkod? Makatuwiran lamang at makapupong mas mainam na patuluyang magbata.

Kung Bakit Hindi Tayo Dapat Umurong Kailanman Tungo sa Pagkapuksa

14. Anong mga hamon ang napapaharap sa atin na kagaya ng napaharap noon sa unang-siglong mga Kristiyano?

14 Ang tunay na mga Kristiyano sa ngayon ay may gayunding katinding mga dahilan para huwag umurong. Una, alalahanin natin ang pagpapalang taglay natin dahil sa dalisay na anyo ng pagsamba na ibinigay sa atin ni Jehova. Gaya ng unang-siglong mga Kristiyano, nabubuhay tayo sa panahong ang mga miyembro ng mas popular na mga relihiyon ay kumukutya sa atin at lumilibak sa atin, na buong-kayabangang itinuturo ang kanilang mga kahanga-hangang gusaling panrelihiyon at ang katandaan ng kanilang mga tradisyon. Gayunman, tinitiyak sa atin ni Jehova na ang anyo ng ating pagsamba ang siyang sinasang-ayunan niya. Sa katunayan, nagtatamasa tayo ngayon ng mga pagpapalang hindi naranasan ng unang-siglong mga Kristiyano. Baka itanong mo, ‘Paano magkakagayon?’ Kung tutuusin, sila’y nabuhay noong pinaiiral ang espirituwal na templo. Si Kristo ang naging Mataas na Saserdote nito nang siya’y bautismuhan noong 29 C.E. Nakita ng ilan sa kanila ang mapaghimalang Anak ng Diyos. Maging pagkatapos ng kaniyang kamatayan, mayroon pa ring mga himala. Gayunman, gaya ng inihula, ang gayong mga kaloob ay inalis na nang bandang huli.​—1 Corinto 13:8.

15. Ang tunay na mga Kristiyano sa ngayon ay nabubuhay sa panahon ng katuparan ng anong hula, at ano ang kahulugan niyan para sa atin?

15 Gayunman, tayo’y nabubuhay sa panahon ng malaking katuparan ng malawak na hula tungkol sa templo sa Ezekiel kabanata 40-48.a Kaya naman, nakita natin ang pagsasauli sa kaayusan ng Diyos para sa dalisay na pagsamba. Ang espirituwal na templong iyan ay nilinis mula sa lahat ng anyo ng relihiyosong karumihan at idolatriya. (Ezekiel 43:9; Malakias 3:1-5) Isipin ang mga kapakinabangang ibinigay sa atin ng paglilinis na ito.

16. Anong nakapanghihinang-loob na kalakaran ang napaharap sa unang-siglong mga Kristiyano?

16 Noong unang siglo, naging madilim ang kinabukasan para sa organisadong kongregasyon ng mga Kristiyano. Inihula na ni Jesus na iyon ay magiging parang isang bagong tinamnang bukirin ng trigo na hinasikan naman ng panirang-damo, anupat talagang hindi makilala kung alin ang trigo at kung alin ang panirang-damo. (Mateo 13:24-30) At nagkagayon nga. Sa pagtatapos ng unang siglo, nang ang matanda nang si apostol Juan ang nagsisilbing kahuli-hulihang pamigil sa katiwalian, ang apostasya ay lumalaganap na. (2 Tesalonica 2:6; 1 Juan 2:18) Di pa natatagalan pagkamatay ng mga apostol, isang hiwalay na uring klero ang bumangon, na sumisiil sa kawan at nakadamit ng namumukod na kasuutan. Parang ganggrenang kumalat ang apostasya. Tunay na nakapanghihina ng loob para sa tapat na mga Kristiyano! Nakita nila na nadaig ng tiwaling anyo ang bagong tatag na kaayusan sa dalisay na pagsamba. Ito’y naganap nang wala pang isang siglo matapos itatag ni Kristo ang kongregasyon.

17. Sa anong diwa mas tumagal ang modernong-panahong kongregasyon ng mga Kristiyano kaysa sa unang-siglong katumbas nito?

17 Tingnan naman natin ngayon ang pagkakaiba. Sa ngayon, ang dalisay na pagsamba ay mas tumagal kaysa sa yugto na umabot hanggang sa kamatayan ng mga apostol. Mula nang ilathala ang unang isyu ng babasahing ito noong 1879, pinagpala na tayo ni Jehova sa pamamagitan ng patuloy na pagdalisay sa pagsamba. Si Jehova at si Kristo Jesus ay pumasok sa espirituwal na templo noong 1918 sa layuning linisin iyon. (Malakias 3:1-5) Sapol noong 1919, ang kaayusan sa pagsamba sa Diyos na Jehova ay patuloy na dinadalisay. Lalong lumiwanag ang ating pagkaunawa sa mga hula at simulain sa Bibliya. (Kawikaan 4:18) Kanino pumupunta ang karangalan? Hindi sa hamak na mga taong di-sakdal. Tanging si Jehova lamang, kasama ng kaniyang Anak bilang Ulo ng kongregasyon, ang makapagsasanggalang sa Kaniyang bayan mula sa katiwalian sa tiwaling panahong ito. Kung gayon ay huwag sana nating kalilimutang pasalamatan si Jehova sa pagpapahintulot sa atin na makibahagi sa dalisay na pagsamba sa ngayon. At sana’y maging matatag ang ating pasiya na huwag kailanman umurong tungo sa pagkapuksa!

18. Anong dahilan ang taglay natin upang huwag kailanman umurong tungo sa pagkapuksa?

18 Gaya ng mga Kristiyanong Hebreo noon, taglay natin ang ikalawang dahilan upang tanggihan ang duwag at paurong na landasin​—ang ating sariling rekord ng pagbabata. Kung tayo man ay sa mga taóng ito pa lamang naglilingkod kay Jehova o kaya’y buong-katapatan na nating ginagawa ito sa loob ng mga dekada, tayo’y nakalikha na ng isang rekord ng mga Kristiyanong gawa. Marami sa atin ang dumanas na ng pag-uusig, ito man ay pagkabilanggo, pagbabawal, kalupitan, o pagkawala ng tinatangkilik. Marami pa ang napaharap sa pagsalansang ng pamilya, panlilibak, panunuya, at pagwawalang-bahala. Tayong lahat ay nakapagbata na, anupat nagpapatuloy sa ating tapat na paglilingkod kay Jehova sa kabila ng mga hamon at pagsubok sa buhay. Sa paggawa nito, tayo’y nakagawa na ng isang rekord ng pagtitiyaga na hindi kalilimutan ni Jehova, isang imbakan ng kayamanan sa langit. Kung gayon, tiyak na hindi na ito panahon upang umurong pabalik sa tiwaling matandang sistema na iniwan na natin! Bakit natin sasayangin ang lahat ng ating pagpapagal? Lalo nang totoo ito sa ngayon, na “kaunting-kaunting panahon” na lamang ang natitira bago ang kawakasan.​—Hebreo 10:37.

19. Ano ang tatalakayin sa susunod nating artikulo?

19 Oo, ipasiya nating “hindi tayo ang uri na umuurong tungo sa pagkapuksa”! Kundi, tayo sana “ang uri na may pananampalataya.” (Hebreo 10:39) Paano natin matitiyak na nababagay tayo sa paglalarawang iyan, at paano natin matutulungan ang mga kapuwa Kristiyano na gayundin ang gawin? Isasaalang-alang sa susunod nating artikulo ang bagay na ito.

[Talababa]

a Tingnan Ang Bantayan, Marso 1, 1999, pahina 8-23.

Natatandaan Mo Ba?

◻ Ano ang kahulugan ng pag-urong tungo sa pagkapuksa?

◻ Anong mga panggigipit ang nagpapahirap sa mga Kristiyanong Hebreo na sinulatan ni Pablo?

◻ Anong mga dahilan ng di-pag-urong tungo sa pagkapuksa ang ibinigay ni Pablo sa mga Hebreo?

◻ Anong mga dahilan ang taglay natin para ipasiya na huwag kailanman umurong tungo sa pagkapuksa?

[Mga larawan sa pahina 15]

Ang pagpapadala ni Pedro sa takot ay hindi nagpangyari sa kaniya na maging “ang uri na umuurong tungo sa pagkapuksa”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share