Nakapagpapatibay sa Iba ang Kaniyang Pananampalataya
NANG isilang si Silvia noong Disyembre 1992, tila isa siyang malusog na sanggol. Pero nang tumuntong siya sa edad na dalawang taon, natuklasan na si Silvia ay may cystic fibrosis, isang di-malunasang sakit na nagdudulot ng lumulubhang mga problema sa palahingahan at panunaw. Upang matiis ang kaniyang sakit, kinailangang uminom si Silvia ng 36 na pildoras araw-araw, gumamit ng mga inhaler, at sumailalim sa physical therapy. Yamang 25 porsiyento lamang ng kaniyang baga ang normal na gumagana, dapat na palagi siyang gumamit ng isang nabibitbit na tangke ng oksiheno, kahit na kapag lumalabas siya ng bahay.
“Pero kamangha-mangha kung paano tinitiis ni Silvia ang sakit niya,” ang sabi ni Teresa, ang kaniyang ina. “Dahil sa kaniyang kaalaman sa Kasulatan, matibay ang kaniyang pananampalataya. Sa tulong ng pananampalatayang ito, napagtatagumpayan niya ang kaniyang lungkot at hirap. Palagi niyang naaalaala ang pangako ni Jehova hinggil sa isang bagong sanlibutan, kung saan pagagalingin ang lahat ng maysakit.” (Apocalipsis 21:4) Kung minsan, kapag nalulumbay ang kaniyang pamilya, napasisigla sila ng ngiti ni Silvia na nagpapahiwatig ng kapanatagan. Sinasabi niya sa kaniyang mga magulang at kapatid: “Anumang pagdurusang dinaranas natin sa ngayon ay mapapalitan ng mga pagpapala sa buhay sa bagong sanlibutan.”
Regular na ibinabahagi ni Silvia sa iba ang mabuting balita ng Salita ng Diyos, at napapansin ng mga taong kinakausap niya ang kaligayahan at kagalakan sa kaniyang mukha. Ang mga miyembro ng kongregasyong Kristiyano na dinadaluhan niya sa Canary Islands ay lubha ring nalulugod sa kaniyang pagkokomento at pakikibahagi sa mga pagpupulong. At pagkatapos ng bawat pulong, gusto ni Silvia na manatili muna sa Kingdom Hall upang kausapin ang kaniyang mga kapatid na Kristiyano. Dahil sa kaniyang pagiging palakaibigan at masayahin, napamahal siya sa buong kongregasyon.
“Itinuro sa amin ni Silvia ang isang napakahalagang aral,” ang sabi ng kaniyang ama na si Antonio. “Kahit na may mga problema kami, ang buhay ay kaloob ng Diyos, at dapat namin itong pahalagahan.” Gaya ni Silvia, buong-pananabik na hinihintay ng lahat ng lingkod ng Diyos—bata at matanda—ang panahon kung kailan “walang sinumang tumatahan ang magsasabi: ‘Ako ay may sakit.’”—Isaias 33:24.
[Larawan sa pahina 31]
Ibinabahagi ni Silvia ang isang talata sa Bibliya habang dala ng kaniyang ina ang tangke ng oksiheno