Ang Tao ay Hindi Nabubuhay sa Tinapay Lamang—Kung Paano Ako Nakaligtas sa mga Kampong Piitan ng Nazi
Ayon sa salaysay ni Joseph Hisiger
“Ano ang binabasa mo?” ang tanong ko sa isang kapuwa bilanggo. “Bibliya,” ang sagot niya. Sinabi pa niya: “Ibibigay ko ito sa iyo kapalit ng isang-linggong rasyon mo ng tinapay.”
ISINILANG ako noong Marso 1, 1914, sa Moselle, na noo’y bahagi ng Alemanya. Pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig I noong 1918, ibinalik ang Moselle sa ilalim na pamamahala ng Pransiya. Noong 1940, muli itong naging sakop ng Alemanya. At nang matapos ang Digmaang Pandaigdig II noong 1945, napunta na naman ito sa Pransiya. Sa bawat pagkakataon, nababago ang nasyonalidad ko, kaya natuto ako ng wikang Pranses at Aleman.
Debotong Katoliko ang mga magulang ko. Gabi-gabi bago matulog, lumuluhod kaming pamilya para magdasal. Kapag Linggo at pista opisyal, nagsisimba kami. Aktibo ako sa relihiyon ko at kasali ako sa isang klase ng katesismo.
Naging Aktibo Ako sa Gawain
Noong 1935, dinalaw ng dalawang Saksi ni Jehova ang mga magulang ko. Napag-usapan nila ang pakikisangkot ng relihiyon sa unang digmaang pandaigdig. Pagkatapos nito, lalo akong naging interesado sa Bibliya, at noong 1936, humingi ako sa pari ng isang kopya nito. Sinabi niya sa akin na kailangan ko munang mag-aral ng teolohiya upang maunawaan iyon. Sa kabila nito, lalo ko lamang hinangad na magkaroon ng Bibliya at mabasa ito.
Noong Enero 1937, isang katrabaho ko, si Albin Relewicz, na isang Saksi, ang nakipag-usap sa akin tungkol sa kung ano ang itinuturo ng Bibliya. “May Bibliya ka, hindi ba?” ang tanong ko. May Bibliya nga siya at ipinakita niya sa akin ang pangalan ng Diyos, na Jehova, sa kaniyang Bibliyang Aleman na bersiyong Elberfelder, na ibinigay naman niya sa akin. Lagi ko itong binabasa at dumalo na rin ako sa mga pulong ng mga Saksi sa kalapit na bayan ng Thionville.
Noong Agosto 1937, sumama ako kay Albin sa isang internasyonal na asamblea ng mga Saksi sa Paris. Doon, nagsimula akong mangaral sa bahay-bahay. Hindi pa natatagalan, nabautismuhan ako at noong unang mga buwan ng 1939, ako ay naging payunir, isang buong-panahong ministrong Kristiyano. Ang aking atas ay sa lunsod ng Metz. At noong Hulyo, inanyayahan akong maglingkod sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Paris.
Mga Paghihirap Noong Panahon ng Digmaan
Sandali lamang akong naglingkod sa tanggapang pansangay dahil noong Agosto 1939, tinawag ako para maglingkod sa hukbong militar ng Pransiya. Yamang hindi ipinahihintulot ng aking budhi na makibahagi sa digmaan, nahatulan akong mabilanggo. Noong Mayo, habang nakabilanggo ako, biglang sinalakay ng Alemanya ang Pransiya. Noong Hunyo, nasakop ang Pransiya, at naging Aleman na naman ako. Kaya nang lumaya ako noong Hulyo 1940, umuwi ako sa mga magulang ko.
Dahil nasa ilalim kami ng rehimeng Nazi, palihim kaming nag-aaral ng Bibliya. Sa isang panaderya na pag-aari ng isang Saksi, pinupuntahan ko si Maryse Anasiak, isang malakas-ang-loob na babaing Kristiyano, para kunin sa kaniya ang magasing Ang Bantayan. Hanggang noong 1941, wala akong naging problema na gaya ng naranasan ng mga Saksi sa Alemanya.
Isang araw, dinalaw ako ng isang opisyal ng Gestapo. Ipinaliwanag niya sa akin na ipinagbabawal na ang gawain ng mga Saksi at tinanong niya ako kung gusto ko pang manatiling Saksi. Nang sumagot ako ng “Oo,” sinabi niya sa akin na sumunod ako sa kaniya. Dahil sa matinding takot, hinimatay ang nanay ko. Nang makita ito ng opisyal ng Gestapo, sinabihan niya akong maiwan na lamang at alagaan si Inay.
Sa pabrika na pinagtatrabahuhan ko, hindi ko binati ang manedyer ng “Heil Hitler!” Tumanggi rin akong maging miyembro ng partidong Nazi. Kaya kinabukasan, inaresto ako ng Gestapo. Pinagtatanong nila ako, pero tumanggi akong ibigay ang pangalan ng ibang mga Saksi. Pinalo ako sa ulo ng puluhan ng baril ng taong nagtatanong sa akin kaya nawalan ako ng malay. Noong Setyembre 11, 1942, hinatulan ako ng tatlong-taóng pagkabilanggo ng Sondergericht (Pantanging Hukuman) sa Metz, “dahil sa pagpapalaganap ng propaganda ng Asosasyon ng mga Saksi ni Jehova at ng mga Estudyante ng Bibliya.”
Pagkalipas ng dalawang linggo, inilipat-lipat ako mula sa bilangguan ng Metz hanggang sa mapunta ako sa kampo ng sapilitang pagtatrabaho sa Zweibrücken. Doon, naging trabaho ko ang pagkukumpuni ng mga riles. Pinapalitan namin ang mabibigat na riles, itinuturnilyo ang mga ito, at inaayos ang mga bato sa riles. Ang pagkain lamang namin ay isang tasang kape at mga 57 gramo ng tinapay sa umaga at isang mangkok ng sopas sa tanghali at sa gabi. Pagkatapos, inilipat ako sa isang bilangguan sa kalapit na bayan, kung saan nagtrabaho ako sa isang gawaan ng sapatos. Makalipas ang ilang buwan, ibinalik ako sa Zweibrücken, para naman magtrabaho sa bukid.
Hindi Lamang sa Tinapay Nabubuhay
Nakasama ko sa bilangguan ang isang kabataang lalaking taga-Netherlands. Nang matutuhan ko sa paano man ang kaniyang wika, naibahagi ko sa kaniya ang aking mga paniniwala. Natuto siya at namuhay ayon sa mga pamantayan ng Diyos, anupat hiniling niya sa akin na bautismuhan ko siya sa ilog. Nang umahon siya, niyakap niya ako at sinabi, “Joseph, kapatid mo na ako sa pananampalataya!” Nang pinagtrabaho akong muli sa riles, nagkahiwalay na kami.
Sa pagkakataong ito, isang Aleman naman ang nakasama ko sa selda. Isang gabi, nagbabasa siya ng isang maliit na aklat—ang Bibliya! Noon niya inalok sa akin ang Bibliya kapalit ng isang-linggong rasyon ng tinapay. “Payag ako!” ang sagot ko. Bagaman talagang nagtiis ako nang walang tinapay sa loob ng isang linggo, hindi ko ito kailanman pinagsisihan. Natutuhan ko ang kahulugan ng pananalita ni Jesus: “Ang tao ay mabubuhay, hindi sa tinapay lamang, kundi sa bawat pananalitang lumalabas sa bibig ni Jehova.”—Mateo 4:4.
Ngayong may Bibliya na ako, problema ko naman kung paano ito itatago. Di-gaya ng ibang mga bilanggo, hindi pinapayagan ang mga Saksi na magkaroon ng Bibliya. Kaya nagtatalukbong ako habang nagbabasa sa gabi para hindi ako makita ng iba. Sa umaga naman, dinadala ko ito at ipinapasok sa ilalim ng aking kamisadentro. Hindi ko ito iniiwan sa aking selda dahil naghahalughog ang mga guwardiya kapag wala ako.
Isang araw nang ipatawag kami para magtrabaho, nakalimutan ko ang aking Bibliya. Nang gabing iyon, nagmamadali akong bumalik sa selda ko, pero wala na roon ang aking Bibliya. Matapos manalangin sa Diyos, lumapit ako sa guwardiya at ipinaliwanag sa kaniya na may kumuha ng aklat ko at gusto ko itong maibalik sa akin. Hindi niya ako masyadong pinapansin, kaya nakuha kong muli ang aking Bibliya. Lubos akong nagpasalamat kay Jehova!
Sa isa pang pagkakataon, pinapunta ako sa banyo. Habang hinuhubad ko ang aking maruruming damit, maingat kong inihulog sa sahig ang Bibliya. Nang hindi nakatingin ang guwardiya, sinipa ko ito at itinago sa gilid habang naliligo ako. Paglabas ko ng banyo, ganoong muli ang ginawa ko at itinago ang Bibliya sa salansan ng malilinis na damit.
Ang Masasaya at Malulungkot na Karanasan sa Bilangguan
Isang umaga noong 1943, habang nakapila ang mga bilanggo sa bakuran ng piitan, nakita ko si Albin! Inaresto rin siya. Sumulyap siya sa akin at inilagay niya ang kaniyang kamay sa dibdib na nagpapahiwatig na kami ay magkapatid. Saka niya isinenyas na susulatan niya ako. Kinabukasan, may inilaglag siyang kapirasong papel pagdaan niya. Pero nakita ito ng guwardiya kaya pareho kaming nabartolina sa loob ng dalawang linggo. Lumang tinapay at tubig lamang ang pagkain namin at natutulog kami sa mga tabla nang wala man lamang kumot.
Pagkatapos nito, inilipat ako sa bilangguan sa Siegburg, kung saan nagtrabaho ako sa isang talyer ng bakal. Nakakapagod ang trabaho, at kulang ang rasyon ng pagkain. Napapanaginipan ko sa gabi ang masasarap na pagkain—mga keyk at prutas—at nagigising akong kumakalam ang tiyan at tuyo ang lalamunan. Napakapayat ko. Pero araw-araw, binabasa ko ang aking maliit na Bibliya kaya may dahilan akong mabuhay.
Malaya Na sa Wakas!
Isang umaga noong Abril 1945, biglang tumakas ang mga guwardiya at iniwang bukás ang mga pintuan ng bilangguan. Malaya na ako! Pero kailangan ko munang magpagaling sa ospital. Bago matapos ang Mayo, umuwi ako sa mga magulang ko. Hindi na sila umaasang buháy pa ako. Nang makita ako ni Inay, napaiyak siya sa tuwa. Nakalulungkot, namatay ang mga magulang ko makalipas lamang ang sandaling panahon.
Muli akong nakisama sa Kongregasyon ng Thionville. Isang kagalakang makitang muli ang aking mga kapananampalataya! Nakatutuwang malaman kung paano sila nanatiling tapat sa kabila ng maraming pagsubok. Namatay ang mahal kong kaibigang si Albin sa Regensburg, sa Alemanya. Nang maglaon, nalaman kong ang aking pinsang si Jean Hisiger ay naging Saksi at pinatay dahil hindi kaya ng budhi niya na magsundalo. Si Jean Queyroi, na nakasama kong nagtrabaho sa tanggapang pansangay sa Paris, ay limang-taóng nagtiis sa kampo ng sapilitang pagtatrabaho sa Alemanya.a
Agad akong nangaral sa bayan ng Metz. Noong panahong iyon, lagi kong nakakausap ang pamilyang Minzani. Ang anak nilang si Tina ay nabautismuhan noong Nobyembre 2, 1946. Masigasig siya sa ministeryo, at napakabait niya. Ikinasal kami noong Disyembre 13, 1947. Noong Setyembre 1967, pumasok si Tina sa buong-panahong gawaing pangangaral hanggang sa mamatay siya noong Hunyo 2003, sa edad na 98. Labis akong nangungulila kay Tina.
Ngayon, sa edad na mahigit 90, natanto kong ang Salita ng Diyos ay laging nagpapalakas sa akin para mapagtagumpayan ang mga pagsubok. May mga pagkakataong walang laman ang aking tiyan, pero lagi namang punô ang aking isip at puso ng Salita ng Diyos. Pinalalakas ako ni Jehova at ‘iniingatan akong buháy ng kaniyang pananalita.’—Awit 119:50.
[Talababa]
a Tingnan Ang Bantayan ng Oktubre 1, 1989, pahina 22-26, para sa talambuhay ni Jean Queyroi.
[Larawan sa pahina 21]
Ang mahal kong kaibigang si Albin Relewicz
[Larawan sa pahina 21]
Maryse Anasiak
[Larawan sa pahina 22]
Ang Bibliya na kapalit ng isang-linggong rasyon ko ng tinapay
[Larawan sa pahina 23]
Ang aking mapapangasawa, si Tina, noong 1946
[Larawan sa pahina 23]
Si Jean Queyroi at ang kaniyang asawa, si Titica