Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w11 10/1 p. 7
  • 4 Hindi Patas ang Diyos—Totoo ba Ito?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • 4 Hindi Patas ang Diyos—Totoo ba Ito?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2011
  • Kaparehong Materyal
  • Makakamit Pa Ba Natin ang Katarungan?
    Iba Pang Paksa
  • Kikilos Pa Kaya ang Diyos Laban sa Kawalang-Katarungan?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
  • Magtiwala kay Jehova at Mabuhay!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2018
  • Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2014
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2011
w11 10/1 p. 7

4 Hindi Patas ang Diyos​—Totoo ba Ito?

Ang maaaring narinig mo: “Ang Diyos ang may kontrol sa daigdig na ito, at ang lahat ng nangyayari dito ay kagustuhan niya. Dahil ang daigdig ay punung-puno ng diskriminasyon, kawalang-katarungan, at pang-aapi, ang Diyos ang dapat sisihin.”

Ang itinuturo ng Bibliya: Hindi sa Diyos nagmumula ang kawalang-katarungan sa daigdig. Ganito inilalarawan ng Bibliya si Jehova: “Sakdal ang kaniyang gawa, sapagkat ang lahat ng kaniyang mga daan ay katarungan.”​—Deuteronomio 32:4.

Ang Diyos ay mabait sa lahat, pati na sa mga hindi karapat-dapat. Halimbawa, “pinasisikat niya ang kaniyang araw sa mga taong balakyot at sa mabubuti at nagpapaulan sa mga taong matuwid at sa mga di-matuwid.” (Mateo 5:45) Patas ang pakikitungo niya sa mga tao anuman ang kanilang lahi at kultura, gaya ng mababasa sa Gawa 10:34, 35: “Ang Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kaayaaya sa kaniya.”

Kung gayon, saan nagmumula ang kawalang-katarungan? Pinipili ng maraming tao na kumilos nang di-patas, ayaw nilang gayahin ang halimbawa ng Diyos sa katarungan. (Deuteronomio 32:5) Ipinakikita rin ng Bibliya na hinahayaan ng Diyos ang kaniyang kaaway, ang Diyablo, na kontrolin ang daigdig.a (1 Juan 5:19) Pero ang pagpapahintulot ng Diyos sa di-makatarungang pamamahalang ito ay malapit nang magwakas. Nakahanda na ang kaniyang gagamitin para “sirain ang mga gawa ng Diyablo.”​—1 Juan 3:8.

Kung paano makatutulong sa iyo ang pagkaalam sa katotohanan: Baka naguguluhan ka na sa dami ng mga report tungkol sa katiwalian, pang-aapi, at kawalang-katarungan. Ang pagkaalam sa sanhi ng problema ay makatutulong sa iyo na maunawaan kung bakit napakasama ng kalagayan ng daigdig at kung bakit laging bigo ang tao na baguhin ito. (Awit 146:3) Sa halip na gugulin ang panahon at lakas sa pansamantalang mga pagbabago, maaari kang magkaroon ng isang magandang pag-asa sa hinaharap na nakasalig sa pagtitiwala sa mga pangako ng Diyos.​—Apocalipsis 21:3, 4.

Ang pagkaalam sa tunay na sanhi ng kawalang-katarungan ay lalo nang makatutulong sa atin kapag tayo mismo ang apektado. Kapag pinakikitunguhan tayo nang di-patas, baka dumaing din tayo gaya ng lingkod ng Diyos na si Habakuk: “Ang kautusan ay nagiging manhid, at ang katarungan ay hindi lumalabas.” (Habakuk 1:4) Hindi pinarusahan ng Diyos si Habakuk sa pagsasabi nito. Sa halip, tiniyak ng Diyos sa lingkod niya na nagtakda siya ng panahon para ituwid ang mga bagay-bagay at tinulungan niya si Habakuk na maging maligaya sa kabila ng mga problema. (Habakuk 2:2-4; 3:17, 18) Sa katulad na paraan, kung magtitiwala ka sa pangako ng Diyos na itutuwid niya ang kawalang-katarungan, magkakaroon ka ng kapayapaan ng isip sa gitna ng di-makatarungang daigdig na ito.

[Talababa]

a Para malaman kung paano umiral ang Diyablo, tingnan ang kabanata 3 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?

[Blurb sa pahina 7]

Talaga bang ang Diyos ang dapat sisihin sa pagdurusa at kawalang-katarungan?

[Picture Credit Line sa pahina 7]

© Sven Torfinn/Panos Pictures

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share