Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • wp17 Blg. 5 p. 7-8
  • Kung Paano Ka Matutulungan ng mga Anghel

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kung Paano Ka Matutulungan ng mga Anghel
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pampubliko)—2017
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • TINULUNGAN NG MGA ANGHEL ANG SINAUNANG KONGREGASYONG KRISTIYANO
  • KUNG PAANO KA MATUTULUNGAN NG MGA ANGHEL
  • Kung Paano Ka Matutulungan ng mga Anghel
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
  • Mga Anghel—Kung Paano Nila Tayo Naaapektuhan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2006
  • Mga Anghel—Apektado ba Nila ang Buhay Mo?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
  • Mga Anghel—“Mga Espiritung Ukol sa Pangmadlang Paglilingkod”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2009
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pampubliko)—2017
wp17 Blg. 5 p. 7-8

TAMPOK NA PAKSA | TALAGA BANG MAY ANGHEL?​—KUNG BAKIT DAPAT MONG MALAMAN

Kung Paano Ka Matutulungan ng mga Anghel

Ang tapat na mga anghel ay interesado sa gawain ng mga tao at aktibo silang nakikibahagi sa paggawa ng kalooban ni Jehova. Nang lalangin ng Diyos ang lupa, ang mga anghel ay “magkakasamang humiyaw nang may kagalakan [at] sumigaw sa pagpuri.” (Job 38:4, 7) Sa buong kasaysayan, ang mga anghel ay ‘nagmamasid’ sa katuparan ng mga hula tungkol sa hinaharap.—1 Pedro 1:11, 12.

Ipinakikita ng Bibliya na para matupad ang layunin ng Diyos, pinoprotektahan kung minsan ng mga anghel ang tunay na mga mananamba. (Awit 34:7) Halimbawa:

  • Nang pupuksain na ni Jehova ang masamang lunsod ng Sodoma at Gomorra, tinulungan ng mga anghel ang matuwid na si Lot at ang pamilya niya na makatakas.—Genesis 19:1, 15-26.

  • Sa sinaunang Babilonya, nang hatulang mamatay ang tatlong kabataang Hebreo sa maapoy na hurno, “nagsugo [ang Diyos ng] kaniyang anghel at nagligtas sa kaniyang mga lingkod.”—Daniel 3:19-28.

  • Matapos makulong nang magdamag ang matuwid na si Daniel sa yungib ng gutóm na mga leon, sinabi niya na nakaligtas siya dahil “isinugo ng . . . Diyos ang kaniyang anghel at itinikom ang bibig ng mga leon.”—Daniel 6:16, 22.

Pinrotektahan ng anghel si Daniel mula sa mga leon

Napakatagal nang tumutulong ang mga anghel sa tapat na mga tao

TINULUNGAN NG MGA ANGHEL ANG SINAUNANG KONGREGASYONG KRISTIYANO

May mga pagkakataong tumulong ang mensaherong mga anghel ng Diyos sa gawain ng sinaunang kongregasyong Kristiyano para matupad ang layunin ni Jehova. Halimbawa:

  • Binuksan ng isang anghel ang mga pinto ng bilangguan at inutusan ang nakakulong na mga apostol na ipagpatuloy ang kanilang pangangaral sa templo.—Gawa 5:17-21.

  • Sinabihan ng isang anghel ang ebanghelisador na si Felipe na pumunta sa isang daan sa disyerto mula sa Jerusalem hanggang sa Gaza at pangaralan ang isang Etiope na nanggaling sa Jerusalem para sumamba.—Gawa 8:26-33.

  • Nang dumating na ang itinakdang panahon ng Diyos para maging Kristiyano ang mga di-Judio, nagpakita ang isang anghel sa isang pangitain sa Romanong opisyal ng hukbo na si Cornelio at inutusan ito na ipatawag sa kaniyang bahay si apostol Pedro.—Gawa 10:3-5.

  • Nang mabilanggo ang apostol na si Pedro, nagpakita sa kaniya ang isang anghel at tinulungan siya nito na makalabas sa bilangguan.—Gawa 12:1-11.

KUNG PAANO KA MATUTULUNGAN NG MGA ANGHEL

Walang ebidensiya na ginagamit ngayon ng Diyos ang mga anghel para tulungan ang mga tao sa makahimalang paraan gaya ng pagkakalarawan sa Bibliya. Pero tungkol sa panahon natin, sinabi ni Jesus: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.” (Mateo 24:14) Alam mo bang ginagawa iyan ng mga alagad ni Kristo habang pinapatnubayan sila ng mga anghel?

Mga taong naglalakad malapit sa isang public witnessing cart

Tumutulong ang mga anghel sa paghahayag ng mabuting balita sa buong lupa

Ipinahihiwatig ng aklat ng Apocalipsis na tinutulungan ng mga anghel ang mga tao na matuto tungkol sa Diyos na Jehova at sa kaniyang layunin para sa sangkatauhan. Isinulat ni apostol Juan: “Nakakita ako ng isa pang anghel na lumilipad sa kalagitnaan ng langit, at mayroon siyang walang-hanggang mabuting balita na ipahahayag bilang masayang pabalita doon sa mga tumatahan sa lupa, at sa bawat bansa at tribo at wika at bayan, na nagsasabi sa malakas na tinig: ‘Matakot kayo sa Diyos at magbigay sa kaniya ng kaluwalhatian, sapagkat dumating na ang oras ng paghatol niya, kaya sambahin ninyo ang Isa na gumawa ng langit at ng lupa at dagat at mga bukal ng mga tubig.’” (Apocalipsis 14:6, 7) Pinatutunayan ng maraming karanasan na sinusuportahan ng mga anghel ang pangangaral ng Kaharian sa buong mundo. Ang totoo, kapag nagsisi ang isang makasalanan at kinilala niya si Jehova, “nagkakaroon ng kagalakan sa gitna ng mga anghel ng Diyos.”—Lucas 15:10.

Ano ang mangyayari kapag natapos na ang pangangaral? “Ang mga hukbo na nasa langit,” ang mga anghel, ay makakasama ni Jesu-Kristo, ang Hari ng mga hari, sa pakikipaglaban sa “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat” sa Armagedon. (Apocalipsis 16:14-16; 19:14-16) Magiging tagapaglapat ng hatol ng Diyos ang makapangyarihang mga anghel kapag pinasapit na ng Panginoong Jesus ang “paghihiganti . . . doon sa mga hindi sumusunod sa mabuting balita tungkol sa ating Panginoong Jesus.”—2 Tesalonica 1:7, 8.

Makapagtitiwala ka na ang mga anghel ay interesado sa iyo bilang indibiduwal. Nagmamalasakit sila sa mga gustong maglingkod sa Diyos, at ginagamit sila ni Jehova para palakasin at protektahan ang tapat na mga lingkod niya dito sa lupa.—Hebreo 1:14.

Kaya ang bawat isa sa atin ay may mahalagang pasiya na dapat gawin. Makikinig ba tayo at susunod sa mabuting balita na ipinahahayag ngayon sa buong mundo? Gusto kang tulungan ng mga Saksi ni Jehova na makinabang sa maibiging pag-alalay ng makapangyarihang mga anghel ng Diyos.

Para sa higit pang impormasyon sa sinasabi ng Bibliya tungkol sa tapat at di-tapat na mga anghel, tingnan ang kabanata 10 ng aklat na Ano Ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova. Available ito sa jw.org/tl.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share