Magagawa Ba Ninyo ang Higit Pa Upang Parangalan si Jehova?
1 Ito’y mahalagang tanong para isaalang-alang nating lahat. Bilang tapat na mga tagatulad sa ating Panginoong si Jesu-Kristo, ating pinararangalan ang ating Diyos ngayon sa pamamagitan ng pangmadlang pagpapahayag ng kaniyang pangalan. Ito’y isang pananagutan na kailangan nating balikatin kung nais nating tamuhin ang pagsang-ayon ng Diyos. (Mar. 13:10; Luc. 4:18; Gawa 4:20; Heb. 13:15) Isang di mailarawang pribilehiyo—oo, karangalan—na dalhin ang mabuting balitang ito sa nalalabi pa sa mga nangangalat na “tupa” na maaaring maging bahagi pa ng pansansinukob na kawan ni Jehova!—Juan 10:16.
2 Maaari bang magawa ninyo at ng inyong mga anak ang higit pang pagpaparangal kay Jehova sa pamamagitan ng pagpapasulong ng inyong gawain sa ministeryo? Sa pasulong na bilang higit kailanman sa buong daigdig, ang inyong mga kapatid na lalake at babae ay pumapasok sa paglilingkuran bilang mga payunir. Noong buwan ng Abril 1992, ang pinakamataas na bilang na 34,313 sa Pilipinas ay nasa special, regular, o auxiliary na paglilingkuran bilang payunir. Personal na ba ninyong nabigyan ng taimtim na pagsasaalang-alang ang pagpapayunir? Pinasisigla ba ninyo ang inyong mga anak na itaguyod ang karera ng buong-panahong ministeryo?
3 Bakit hindi suriin ang inyong personal na damdamin sa paglilingkurang payunir? Kapag nababanggit ang paksang ito, dagli ba kayong nagsasabing ang inyong kalagayan ay talagang hindi nagpapahintulot sa inyo na maglingkod bilang isang ministrong payunir? Totoong ang pagpapayunir ay hindi posible para sa bawat isa. Ang mga maka-Kasulatang pananagutan at iba pang limitasyon ay humahadlang sa marami na maglingkod nang buong-panahon. (1 Tim. 5:8) Subalit kamakailan ba’y may pananalangin ninyong binigyang pansin ang bagay na ito? Pinag-usapan na ba ninyo ang paksang ito bilang isang pamilya upang makita kung maaaring kahit isa man lamang miyembro ay makapagpayunir? Ang isyu ng Mayo 15, 1983 ng Ang Bantayan (Nobyembre 15, 1982 sa Ingles) ay bumanggit ng ganitong pumupukaw-kaisipang pananalita sa pahina 24 (pahina 23 sa Ingles): “Oo, dapat may kalakip-panalanging pag-isipan ng bawat ministrong Kristiyano kung siya’y makapagpapayunir o hindi. Isang mag-asawang taga-South Africa na nagpayunir nang labinlimang taon ang nagsabi: ‘Bakit ba kami nagpapayunir? Mayroon kaya kaming maikakatuwiran kay Jehova kung hindi kami nagpapayunir?’ Maraming mga hindi payunir ang makapagtatanong ng nakakatulad na tanong: ‘Maipangangatuwiran ko kaya kay Jehova kung bakit ako hindi isang payunir?’”
4 Ang isa pang artikulo sa Bantayan sa paksang ito ang gumawa ng matulis na komentong ito: “Ngunit pakasuriin mo ang iyong sarili. Sinasabi mo bang, ‘Gusto ng espiritu, pero mahina ang laman’? Ngunit talaga bang gusto ng espiritu? Huwag nating gamitin ang kahinaan ng laman upang ipagdahilan ang kaayawan ng espiritu.”—w79 2/15 p. 25 (w78 8/15 p. 23 sa Ingles).
5 Ang mga Magulang na Nagnanais na Maging Matagumpay ang Kanilang mga Anak: Tinitiyak sa atin ng Kawikaan 15:20: “Ang pantas na anak ay nagpapasaya ng ama.” Walang alinlangang nagagalak ang makadiyos na mga magulang kapag ang kanilang mga anak na lalake at babae ay nagtataguyod ng isang naaalay na buhay sa paglilingkod kay Jehova. Gayunpaman, hindi awtomatikong pipiliin ng inyong mga anak ang matalinong hakbangin. Ang pang-aakit ng sanlibutang ito ay napakalakas. Mga magulang, ang mamahalagahin ng inyong mga anak ay depende sa pinahahalagahan ninyo. Kung lagi kayong positibong nagsasalita hinggil sa mga kapakinabangan ng buong-panahong paglilingkod, kung pinasisigla ninyo ang inyong mga kabataan na makisama sa mga debotadong payunir, kung tunay kayong kumbinsido na ang buong-panahong ministeryo ay siyang pinakamarangal na karera na maaaring kunin ng inyong mga anak, ang positibong saloobing ito ay walang pagsalang magkakaroon ng malaking epekto sa inyong mga anak. Tulungan silang magpahalaga sa pagkakaroon ng isang mabuting pangalan kay Jehova sa halip na sa mga tao.
6 Mga kabataan, ang Kawikaan 22:1 ay nagtatampok sa pagpili na kailangan ninyong gawin: “Isang pangalan ay maiging piliin kaysa malaking kayamanan; ang pagsang-ayon ay mas mabuti kaysa pilak at ginto.” Anong uri ng pangalan ang gagawin ninyo para sa inyong sarili? Isipin ang mga lalake at babae na ating nabasa sa Bibliya na gumawa ng isang pangalan sa Diyos sa pamamagitan ng naaalay na paglilingkod. Naririyan sa Lucas, ang minamahal na manggagamot, at si Enoch na lumakad kasama ng tunay na Diyos. Tinanggap ni Samuel ang pinakamainam na edukasyon na maaaring tamuhin, na nagsimula ng kaniyang paglilingkod sa templo ni Jehova sa murang edad. Sa palagay kaya ninyo’y pinagsisihan ng mga tapat na lingkod na ito ang kanilang pinili? Bakit nila gagawin iyon? Silang lahat ay nagkaroon ng maligaya, mabunga at kapanapanabik na buhay. At nakasumpong sila ng namamalaging pagsang-ayon ni Jehova!—Awit 110:3; 148:12, 13; Kaw. 20:29a; 1 Tim. 4:8b.
7 Kapag nagtagumpay sa buhay ang mga anak, nadarama ng kanilang mga magulang na ito’y dapat ipagkapuri. Ang kanilang puhunan sa pagsasanay, pagdisiplina, at pagtuturo sa mga “mana mula kay Jehova” ay ginantihan nang maraming ulit. (Awit 127:3) Ano pa ang maipagmamalaki ng sinumang magulang kundi ang isang anak na lalake o babae na gumagawa ng lahat ng magagawa niya upang parangalan si Jehova? Maraming mga kabataan sa makabagong panahon ang sumusunod sa yapak nina Lucas, Enoch, at Samuel, gaya ng ipinakikita ng isang sulat: “Ako’y 16. Nagpasimula akong magregular payunir . . . siyam na buwan pagkatapos na ako’y mabautismuhan, at ako’y laging tumatanggap ng mga pagpapala mula kay Jehova mula noon. . . . Ang pagpapayunir ay nakatutulong din sa isa sa paaralan. Noon una, ako’y tinutukso ng aking mga kaklase dahilan sa pagiging isang Saksi. Ngayon, yamang ako’y gumagawa ng higit pang personal na pag-aaral, ‘nasasagot ko ang isa na tumutuya sa akin.’”
8 Edukasyon Upang Masangkapan ang Isa sa Ministeryo: Sa puntong ito maaari nating isaalang-alang ang tanong hinggil sa sekular na edukasyon. Ito’y isang larangan kung saan kailangan lalo na ang isang timbang na pangmalas. Ang Nobyembre 1, 1992, ng Bantayan ay nagtampok sa artikulong “Edukasyon na may Layunin.” Sa ilalim ng subtitulong “Sapat na Edukasyon,” ginawa ang puntong ito: “Dapat na masuportahan ng mga Kristiyano ang kanilang sarili, kahit na kung sila’y buong-panahong mga ministrong payunir. (2 Tesalonica 3:10-12) . . . Gaano bang edukasyon ang kailangan ng isang kabataang Kristiyano upang masunod niya ang mga simulaing ito sa Bibliya at matupad ang kaniyang mga obligasyon bilang Kristiyano? . . . Ano ba ang matatawag na ‘sapat’ [na kita] . . . para sa mga nagnanais na maging mga ministrong payunir ng mabuting balita? Ang gayong mga tao karaniwan na ay nangangailangan ng trabahong part-time upang huwag maging ‘pasanin sa gastos’ ng kanilang mga kapatid o kanilang pamilya.—1 Tesalonica 2:9.”
9 Kung ang karagdagang edukasyon ay waring kailangan ng isang magpapayunir upang matulungan siyang maitaguyod ang buong-panahong paglilingkod, ang Nobyembre 1, 1992 ng Bantayan ay nagrerekomenda: “Makabubuti para sa kabataang Saksi, kung posible, na kumuha nito samantalang siya’y naninirahan sa kanilang tahanan, sa gayo’y nakapananatili sa normal na Kristiyanong kaugalian sa pag-aaral, pagdalo sa mga pulong, at pangangaral.”
10 Mula sa Aprika nanggaling ang karanasan ng isang 22-taóng gulang na kabataan na kailangang pumasok sa trade school, bagaman ang kaniyang puso ay nasa paglilingkurang payunir. Samantalang nasa paaralan, siya’y nagpatala bilang isang auxiliary payunir. Siya’y pinagtawanan ng kaniyang mga kababata, na sinasabing siya’y tiyak na babagsak sa pagsusulit. Ang lagi niyang tugon sa kanila ay: “Hanapin muna ang Kaharian ng Diyos at ang kaniyang katuwiran.” Taglay ang disiplina sa sarili, siya’y bumabangon sa madaling araw tuwing umaga at naghahanda sa loob ng dalawang oras para sa klase at pagkatapos ay nakikibahagi sa paglilingkod sa larangan sa hapon pagkatapos ng klase. Nagitla ang buong paaralan nang ang kabataang ito ay pumangatlo sa isang pantanging pagsusulit upang piliin ang tatlong pinakamagagaling na estudyante para sa isang pantanging sponsorship award. Ang estudyante na pumangalawa ay isang interesado na pinagdarausan ng ating payunir ng pag-aaral sa Bibliya sa paaralan. Ang estudyante na nanguna ay isa pang masigasig na kabataang Saksi sa paaralan.
11 Ginagawa ng mga Matatanda ang Kanilang Bahagi: Ang mga matatanda sa kongregasyon, na ipinagkakapuri ang ginagawa ng mga payunir, ay naglalaan ng malaking pampatibay-loob sa mga masisigasig na ministrong ito. Nalulugod ang mga matatandang gawin ito dahilan sa nalalaman nilang ang masisipag at mabubungang payunir ay pagpapala sa alinmang kongregasyon. Pagkatapos na gumugol ng isang taon o higit pa sa paglilingkurang payunir, ang mga ito ay nagiging kuwalipikado para sa karagdagang pagsasanay sa Pioneer Service School. Ang kurso ay napatunayang isang mahalagang kasangkapan upang mapasulong ang pagiging mabisa ng mga payunir. Bagaman ang mga payunir ay nasa unahan ng gawain, sila’y nangangailangan din ng maibiging pampatibay-loob, at ang mga matatanda ay dapat maging alisto upang punan ang pangangailangang ito.—1 Ped. 5:1-3.
12 Papaano makapagbibigay ng pampasigla ang mga matatanda para sa gawaing pagpapayunir? Ang isang mabuting pasimula ay ang alamin sa pana-panahon kung sino ang maaaring umabot sa pribilehiyong ito. Maaaring lapitan ng mga matatanda ang mga indibiduwal na waring nasa mabuting kalagayan upang magpayunir, lakip na ang maraming nag-aauxiliary payunir sa regular na paraan, mga retirado, mga ina ng tahanan, at mga estudyante. Bagaman hindi dapat ipadama sa kaninuman na siya’y obligadong magpatala, yaong mga may pagnanais subalit nag-aatubili, sa pamamagitan ng kaunting praktikal na pampatibay-loob, ay maaaring matanto na ang pagpapayunir ay kaya nilang abutin.
13 Sa pagbibigay ng pampatibay-loob doon sa mga nagnanais na mag-aplay, dapat tandaan ng mga matatanda na hindi na kailangan na ang aplikante ay gumugol ng ilang buwan sa pagiging auxiliary payunir bago magpatala bilang isang regular payunir. (km 9/86 insert par. 24-26) Sabihin pa, nanaising tiyakin ng mga matatanda na ang aplikante ay nasa kalagayang abutin ang kahilingan sa oras.
14 Pagkatapos repasuhin ng Komite sa Paglilingkod ng Kongregasyon ang aplikasyon at maingat na nasuri ng kalihim upang matiyak na ang lahat ng katanungan ay nasagot, ito’y dapat ipadala karakaraka sa Samahan.
15 Dapat na ipabatid ng kalihim sa mga matatanda ang anumang suliranin na maaaring nararanasan ng mga payunir. Ito’y mahalaga lalo na sa mga kongregasyong maraming payunir. Bukod sa pagrerepaso sa gawain ng mga payunir sa katapusan ng taon ng paglilingkod, gaya ng hinihiling sa Congregation Analysis Report (S-10), dapat anyayahan ng kalihim ang tagapangasiwa sa paglilingkod na makipagkita sa kaniya sa bandang pasimula ng Marso upang alamin kung sino ang hindi nakakaabot sa kahilingan sa oras at nangangailangan ng personal na atensiyon. (Tingnan ang Marso 1993 Ating Ministeryo sa Kaharian, Mga Patalastas.) Kung maibibigay ang tulong nang walang pagkabalam, maaaring makumpleto ng payunir ang taon ng paglilingkod nang matagumpay.
16 Ang malaking bilang ng mga bagong payunir ay nasa kabataan pa at bago pa lamang sa katotohanan. Ang kanilang may pagkukusang espiritu ay tunay na nagpapagalak sa atin! Subalit ang mga baguhang ito ay nangangailangan pa ng pagsasanay upang mapasulong ang kakayahan sa gawain sa bahay-bahay, upang makagawa ng mabisang mga pagdalaw muli, at makapagturo sa mga pag-aaral sa Bibliya. Kung hindi matatanggap ang ganitong pagsasanay, maaaring masiraan ng loob ang mga baguhan pagkatapos ng isang taon o higit pa at sa dakong huli ay tumigil sa paglilingkuran bilang payunir dahilan sa hindi nagtatamo ng mabubuting resulta sa ministeryo. Maaaring mahalata ng alistong mga matatanda ang maliliit na problema o ang pagbagal ng gawain. Kung karakarakang mabibigyang pansin at matutulungan ang payunir sa kaniyang suliranin, maaaring tamasahin niya ang maraming taon ng mabungang paglilingkod.
17 Maaari ba Kayong Pumalaot sa Pangingisda? Ang ilan sa mga alagad ni Jesus ay mga mangingisda. May panahon, pagkatapos nang magdamag na pangingisda, ang kanilang lambat ay wala pa ring huli. (Juan 21:3) May mga dako sa bansang ito na ang ‘pamamalakaya ng tao’ ay ginagawa na sa maraming mga taon, anupat ang ilang payunir ay nagsasabing iilan na lamang “isda” ang natitira sa mga “tubig” ng kanilang kongregasyon. (Mat. 4:19) Sa kabilang dako, hindi ba tayo nagagalak na makabasa ng ulat mula sa ibang mga lupain kung saan ang mga mamamahayag at payunir ay nagdaraos ng maraming mga pag-aaral sa Bibliya? Ang kagalakang nararanasan ng mga payunir sa mga lupaing ito ay maliwanag. (w92 9/1 p. 20 par. 15) Kaya, kung ang ilang masisipag na payunir ay nasa kalagayang lumipat sa ibang bansa kung saan malaki ang pangangailangan sa kanilang sariling gastos, dapat nilang ipakipag-usap ito sa tanggapang pansangay bago sila gumawa ng gayong paglipat.
18 Sa umpisa, ang ilan ay maaaring nagsimula sa pagpapayunir dahilan sa nalalaman nilang iyon ang wastong bagay na dapat gawin subalit nag-iisip kung baga magtatagumpay sila dito. Maaaring sila’y nag-aplay na may ilang pag-aalinlangan o pasubali. Sa pasimula, ang kanilang naging bunga sa larangan ay kakaunti lamang. Gayunpaman, sumapit ang panahon na sumulong ang kanilang kakayahan, at may katunayan na pinagpapala ni Jehova ang kanilang gawain. Sa gayon, ang kanilang kagalakan at pagtitiwala ay lumaki. Para sa ilan, ang pagpapayunir ay naging isang tuntungang-bato tungo sa paglilingkod sa Bethel, gawaing misyonero, Ministerial Training School, at maging sa gawaing paglalakbay.
19 Maaaring hindi posible para sa inyo na lumipat sa ibang lugar o maging isang misyonero sa ibang lupain, subalit may pagkakataon pa rin upang mangisda sa ibang tubig sa bansang ito kung ang inyong kasalukuyang teritoryo ay hindi talagang mabunga. Ang gayong paglipat ay maaaring mangailangan ng pagbabago sa istilo ng inyong pamumuhay, subalit ang mga espirituwal na gantimpala ay magiging tunay na malaki.—Mat. 6:19-21.
20 O kung nagpapahintulot ang inyong kalagayan, maaaring makatulong kayo sa kalapit na kongregasyon sa inyong sariling sirkito. Kung kayo’y kuwalipikado, maliligayahan ang inyong tagapangasiwa ng sirkito na magbigay ng mga mungkahi hinggil sa mga kongregasyon sa sirkito na makikinabang mula sa karagdagan pang payunir.
21 Ang ilang mga payunir at mamamahayag ay nakapaglilingkod sa pangangailangan sa kanilang sariling lugar samantalang nananatili sa sariling bahay. Maaaring alam nila ang ibang wika. Sa inyo bang teritoryo ay may malaki-laking bahagi ng populasyon na nagsasalita ng ibang wika? Mayroon bang mga taong bingi na kailangang makatanggap ng pabalita ng Kaharian sa pamamagitan ng paggamit ng senyas? Yaong mga nakakaalam ng ibang wika ay maaaring maging isang malaking tulong sa lahat ng uri ng mga tao sa pamamagitan ng pabalita ng Kaharian. Bagaman ito ay maaaring isang tunay na hamon, ito’y maaari ding maging kasiyasiya.—1 Tim. 2:4; Tito 2:11.
22 Kung sa kasalukuyan ay ginagawa ninyo ang lahat ng makakaya upang parangalan si Jehova, magalak sa inyong kasalukuyang mga pribilehiyo ng paglilingkod. Kung nadarama ninyong higit pa ang magagawa ninyo, ilapit ang bagay na ito kay Jehova sa panalangin. Makatotohanang suriin kung anong mga pagbabago sa inyong mga kalagayan ang magagawa ninyo. Ipakipag-usap ang inyong mga plano sa isang matanda na nagtataglay ng espiritu ng pagpapayunir o sa tagapangasiwa ng sirkito. Kapag kayo ay gumawa ng isang may pananalangin, praktikal na pagpapasiya, isagawa iyon kaagad, na may pagtitiwala sa pangako ni Jehova na pararangalan yaong mga nagpaparangal sa kaniya.—Heb. 13:5, 6; 1 Sam. 2:30.