Isang Panahon “Upang Magalak at Gumawa ng Mabuti”
1 Ang mga salita ni Salomon sa Eclesiastes 3:12 ay bahagi ng kaniyang komento na “bawa’t bagay ay may panahon sa bawa’t panukala sa silong ng langit.” (Ecles. 3:1) Ipinakita niya na nais ng ating Maylikha na tayo ay lubusang gumawa at tamuhin ang mga bunga ng ating pagpapagal. Subali’t sa ngayon ay marami ang nagugumon sa paglilibang at paghanap ng kasiyahan. Mahalaga para sa mga Kristiyano na magbantay laban sa esiritung ito. Ang pagiging timbang at pagiging makatuwiran ay kailangan upang maingatan natin sa pangmalas ang ating teokratikong mga gawain, samantalang tinatamasa ang mainam na pagpapahingalay sa pana-panahon. Papaano natin magagawa ito sa mga buwang ito ng tag-araw?
2 Yamang marami ang nasa bakasyon sa Abril at Mayo, maaaring tamasahin natin ang ilang paglilibang. Gayumpaman, hindi natin dapat na kaligtaan kahit na pansamantala ang ating pagdalo sa pulong at paglilingkod sa larangan. Ang mga teokratikong gawain ay saligan ng ating kaligayahan. (Mat. 5:3) Ang karamihan ay nakasumpong ng malaking kaligayahan sa pamamagitan ng paggamit sa kanilang bakasyon sa pagiging auxiliary payunir, na nagbibigay kasiyahan kapuwa sa espirituwal na pangangailangan at gayundin sa paglilibang.
3 May mga pamilya na nakasumpong ng kagalakan sa pamamagitan ng pagpapasulong ng kanilang paglilingkuran kay Jehova. Ang isang pamilya na binubuo ng siyam ay gumamit sa panahon ng kanilang bakasyon sa isang maliit na bayan na madalang na makatanggap ng patotoo. Ang isang bahagi ng bawa’t araw ay ginugol sa gawaing pangangaral at ang isang bahagi ay sa paglilibang. Sila ay nagkomento: “Ito ang siyang kasiyasiyang bakasyon na natamo namin!” Walang alinlangan na marami sa ating mga kabataan ang gagamit ng isang buwan man lamang ng kanilang bakasyon sa pagiging auxiliary payunir sa tag-araw na ito. Mga magulang, bakit hindi gumawang kasama nila sa mainam na banal na paglilingkurang ito?
4 Sa panahon ng inyong bakasyon maaaring dalawin ninyo ang mga kamag-anak sa ibang probinsiya o siyudad. Kung sila ay nasa katotohanan, isang mainam na paraan ito upang magpahingalay at magsabi ng mga karanasan. Kung sila’y mga hindi kapananampalataya, maaaring magkaroon kayo ng pagkakataon na ibahagi ang inyong pag-asa sa kanila. Habang naroroon, tiyaking makadalo sa mga pulong ng lokal na kongregasyon at bumahagi kasama nila sa ministeryo sa larangan.
5 Tunay, bilang bayan ni Jehova tayo ay maaaring maging abala sa maraming bagay sa mga buwang ito ng tag-araw. Tandaan na “hanapin muna ang Kaharian.” (Mat. 6:33) Habang tayo ay patuloy na ‘nagagalak at gumagawa ng mabuti,’ ang ating pananalita at paggawi ay ukol sa kapurihan ng ating maibiging Maylikha. Ito ay magpapasaya sa puso ni Jehova, subali’t ito rin ay magbibigay kasiyahan at kasiglahan sa atin sa paraang espirituwal. Pagpalain nawa ni Jehova ang lahat nating gawain sa Abril at Mayo at bigyan tayo ng dakilang gantimpala.—Awit 34:1; Ecles. 3:12, 13.