Paghaharap ng Mabuting Balita—Sa Paraang Nagdudulot ng Personal na Kagalakan
1 Ang bayan ni Jehova ay may mabuting dahilan upang maging maligaya. Tayo ay nagtataglay ng tunay na pag-asa para sa hinaharap gaya ng tinitiyak ng Isaias 65:17, 18. Ginawa ni Jehova na ang kaniyang bayan ay maging isang ‘sanhi ng kagalakan.’
2 Dapat na makasumpong tayo ng malaking kagalakan sa pamamahagi ng ating kamangha-manghang pag-asa sa iba. Nakakasumpong ba kayo ng limitado lamang na kagalakan sa ministeryo? Kung gayon, tandaan na ang kagalakan ay isang bunga ng espiritu. Ito ay maaaring linangin at pasulungin sa pamamagitan ng personal na pagsisikap. Ang lubusang paggawa ay nagdudulot ng kagalakan, at sa kabilang panig, ang malaking kagalakan ay nagpapangyari na tayo‘y higit na gumawa nang puspusan. (Ecles. 2:10) Sa pamamagitan ng “pagsisikap” higit nating tatamuhin ang espiritu ni Jehova.—2 Ped. 1:5-8; 1 Cor. 14:12.
3 Ipinakikita ng ating mga kapatid sa pamamagitan ng kanilang kasiglahan na ang ministeryo ay nagdudulot sa kanila ng malaking kagalakan. Papaano natin mapasusulong ang ating kagalakan? Ang isang paraan ay ang matutong makasumpong ng kasiyahan sa ating atas na gawain sa kabila ng negatibong reaksiyon ng ating mga pinangangaralan. Sina Jeremias at Jesus ay nakaranas ng pagsalangsang, subali’t sila’y hindi huminto. Nais ni Satanas na tayo ay masiraan ng loob sa pamamagitan ng paggamit ng kawalang interes at pagsalangsang ng iba. Subali’t gaya ng ipinaliwanag ni Jesus, sa pagpapatuloy nang may katapatan sa kabila ng pagsalangsang, makakasumpong tayo ng kagalakan.—Mat. 5:11, 12; Heb. 12:2.
ISANG KALOOB MULA SA DIYOS
4 Maaari ninyong ituring ang inyong paglilingkod na para bang kayo ay nagdadala ng isang kaloob sa inyong kapuwa. Ang kaloob na ito ay ang pag-asa ng buhay na walang hanggan. Marahil ay magagawa ninyo na kanais-nais ang kaloob na ito sa paraan ng inyong paghaharap nito. Inihahanda ba ninyong mabuti ang inyong presentasyon upang ito’y lumikha ng interes? Kapag kayo ay nagsasalita sa isang kanais-nais at magalang na paraan, maaari kayong tumanggap ng mabuting pagtugon na magbibigay sa inyo ng nigit na kagalakan.
6 Ang paglilingkod sa larangan ay isang kayamanang ipinagkaloob sa atin ni Jehova. Dapat nating pasulungin ang ating kakayahan upang makapagsalita nang kapanipaniwala sa iba tungkol sa ating pag-asa. Kung lagi nating sinisikap na lisanin ang maybahay taglay ang mabuting kalagayan ng isipan, ito ay maaaring magpangyari na sila ay mas handang tumanggap kapag dumalaw ang susunod na Saksi, na makadaragdag sa kaniyang kagalakan.
6 Tandaan din na ang bawa’t maybahay ay may kaniyang sariling interes sa buhay. Kapag ating ipinahayag ang personal na interes para sa kaniya at sa kaniyang sambahayan at kung papaanong ang Bibliya ay makatutulong sa kaniya, kadalasan nating makikita ang isang mainit na pagtanggap at bukas na pintuan para sa isang pagdalaw-muli. Ang kagalakan na ating tinatamo sa gayong mga karanasan ay maaaring ibahagi sa iba para sa kanilang ikatitibay. (Gawa 15:3) At ang pinakamahalaga sa lahat, isipin ang kagalakan na maidudulot natin sa Isa na nagsugo sa atin!—Luk. 15:7, 10.