Pagpapamalas ng Sigasig sa Marso at Abril
1 Yaong mga nakikibahagi sa paglilingkod sa Kaharian ay wastong minamalas ang sarili bilang mga kamanggagawa ng Diyos. (1 Cor. 3:9) Nakikita nila ang kaniyang sigasig alang-alang sa katuwiran at yaon ay tinutularan nila. Unang inihayag ni Jehova ang mabuting balita libu-libong taon na ang nakararaan at ito’y buong sigasig na sinubaybayan niya upang matiyak na ito ay ipinahahayag ng kaniyang bayan. (Gal. 3:8) Maging sa panahong ito, hindi nawawala ang interes ni Jehova sa layunin niya hinggil sa Kaharian. Sa halip, “ang sigasig ni Jehova” ang nagpapangyari sa lahat ng kaniyang ipinangako, lakip na ang inihulang pandaigdig na pangangaral hinggil sa Kaharian.—Isa. 9:7; Mat. 24:14.
2 Si Jesu-Kristo ay isa rin namang sakdal na halimbawa ng isang masigasig na manggagawa. Pinanatili niya ang kaniyang sigasig hanggang sa katapusan ng kaniyang makalupang buhay. Ang Hebreo 12:2, 3 ay nagpapakita kung ano ang tumulong kay Jesus na makapanatiling matatag. Ito ay ang gantimpalang nasa harapan niya. Hindi ba’t nanunumbalik ang inyong sigasig kapag isinasaalang-alang ninyo ang pag-asang inilagay ni Jehova sa inyong harapan? Habang minamalas natin ang pantanging gawain sa harapan natin sa Marso at Abril, tularan natin ang halimbawa ng sigasig ni Jehova at ng kaniyang Anak.
PAGDIRIWANG NG MEMORYAL
3 Sa Memoryal noong nakaraang taon, tayo’y nagkaroon ng pinakamataas na bilang ng dumalo na 268,526. Walang pagsalang higit pa ang tatamuhin natin sa taong ito, kapag tayong lahat ay masigasig sa pag-aanyaya sa mga taong interesado na dumalo. Pinasisigla namin kayo na gumawa ng isang talaan ng mga nagnanais na dumalo at dalawin ang mga ito nang personal bago dumating ang Memoryal. Isaayos na personal ninyong madadala ang mga ito sa pagdiriwang hangga’t maaari. Ipakilala sila sa iba sa Kingdom Hall at ipadama sa kanila ang malugod na pagtanggap.
90,000 MGA MAMAMAHAYAG SA ABRIL?
4 Kapag ating masigasig na itinaguyod ang gawain sa Abril kagaya ng ating ginawa nang nakaraang taon, walang alinlangan na ang ating tunguhing 90,000 mga mamamahayag ay maaaring maabot. Tayong lahat ay magpasimula taglay ang isang magawaing dulong sanlinggo ng paglilingkuran sa Abril 5 at 6. Iminumungkahi na ang lahat ng mga mamamahayag ay magbigay ng kanilang ulat para sa unang dalawang linggo ng gawain sa Linggo, Abril 13. Pagkatapos, yaong mga hindi nakapag-ulat sa pagkakataong ito ay matutulungang makibahagi sa natitira pang dalawang linggo ng Abril. Kung mayroon kayong mga tinuturuan sa Bibliya na maaaring maging kuwalipikadong mga mamamahayag sa Abril, isang mainam na pagkakataon ito upang anyayahan sila. Maingat na suriin ang mga pahina 97-99 ng aklat na Ating Ministeryo upang makita kung sila ay kuwalipikado. Kapag nadarama ng mga matatanda na maaari nang mag-ulat ang mga taong ito alinsunod sa pahina 105 ng aklat na Ating Ministeryo, sila ay maaaring ibilang na bagong mamamahayag sa buwan ng Abril. Karagdagan pa, maaaring may ilang di aktibo na maaari ninyong dalawin at tulungan muling makabahagi sa paglilingkod sa pantanging buwang ito.
MAKIBAHAGI BILANG AUXILIARY PAYUNIR
5 Hindi ba mainam kung malalampasan natin ang 20,000 auxiliary payunir sa unang pagkakataon sa Abril? May panahon pa upang magpatala. Bakit hindi magkaroon ng lubusang bahagi sa gawain sa Abril sa pamamagitan ng pagpapayunir?
6 Patunayan natin ang ating sigasig sa ministeryo sa mga pantanging buwang ito ng Marso at Abril. Matitiyak natin na ang ating masigasig na Diyos na si Jehova ay aalalay at tutulong sa atin upang maging matagumpay.—Jos. 1:9.