Paghaharap ng Mabuting Balita—Sa Pamamagitan ng Paggamit ng Bibliya
1 “Ang salita ng Diyos ay buháy at mabisa.” (Heb. 4:12) Upang ito ay maging lubusang mabisa at buháy, kailangan itong basahin at ikapit. Upang maisagawa ito, ang organisasyon ni Jehova, pasimula lalo na noong 1954, ay nagpasigla sa atin na gamitin ang Bibliya sa ating ministeryo sa bahay-bahay. Tayo ay sinanay na magbigay ng tatlo- hanggang walong-minutong sermon at dalhin sa pansin ng mga maybahay kung ano ang sinasabi ng Bibliya sa mahahalagang mga bagay.
2 Sa nagdaang mga taon lamang, ang Ating Ministeryo sa Kaharian ay palagiang nagtaglay ng Paksang Mapag-uusapan, na bumabalangkas ng dalawa o tatlong mga kasulatan hinggil sa isang paksa na magagamit sa paglilingkod sa larangan. Halimbawa, sa kasalukuyan ang Paksang Mapag-uusapan ay tungkol sa temang: “Ang Pamahalaan na Magdadala ng Paraiso,” na nagtatampok sa pag-asa sa Kaharian.
3 Upang magamit nang mabisa ang Bibliya ito’y nangangailangan ng pagsasanay at pagnanais na matulungan ang mga tao na makilala na ito nga talaga ang Salita ng Diyos at ito’y buháy at mabisa. Bagaman tayo ay pinasisigla na gumamit ng maiikling presentasyon sa gawain sa magasin, hindi natin nanaising makaligtaan ang paggamit ng Bibliya sa iba pang bahagi ng ministeryo sa larangan. Sabihin pa, tayong lahat ay mga estudiyante ng Bibliya, at may mas mabuti pa kayang paraan upang patunayang tayo ay gayon nga kundi sa pamamagitan lamang ng pagsisikap na ipakita sa mga tao mula sa Salita ng Diyos mismo kung ano ang inilalaan ni Jehova para sa sangkatauhan at sa lupang ito?
TULONG MULA SA AKLAT NA NANGANGATUWIRAN
4 Bukod pa sa Paksang Mapag-uusapan sa Ating Ministeryo sa Kaharian, tayo ay may aklat na Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan. Habang inyong nirerepaso ang mga pambungad na nakatala sa mga pahina 9-15, may masusumpungan kayong reperensiya hinggil sa mga teksto ng Bibliya na maaari ninyong gamitin sa paghaharap ng pabalita ng Kaharian. Taglay natin ang napakaraming iba’t ibang paraan upang bumaling sa Bibliya at ipakita sa mga tao ang sinasabi nito.
5 Halimbawa, kung ang ilang maybahay ay nababahala tungkol sa mga may edad na, makatutulong kung susundin ang iminumungkahi sa aklat na Nangangatuwiran sa pahina 13 (pahina 14 sa Ingles) sa ilalim ng paksang “Pagtanda/Kamatayan.” Gaano ang pagkaangkop ng katanungang: “Napag-isip-isip na ba ninyo kung bakit tayo tumatanda at namamatay? Nais kong ipakita sa inyo kung ano ang sinabi ng isang kinasihang manunulat ng Bibliya sa Roma 5:12.” Pagkatapos ay maaari ninyong sabihin: “Subali’t bagaman ipinakikita ng Bibliya kung bakit tayo ay tumatanda at namamatay, ito rin ay nagbibigay ng isang kamangha-manghang pag-asa para sa hinaharap, gaya ng masusumpungan sa Apocalipsis 21:3, 4.” Pagkatapos nito ang kasalukuyang alok na literatura ay maaaring itampok.
6 Kadalasang sinasabi ng mga tao sa panahong ito, “Ako’y abala.” Totoong gayon nga ang karamihan, at dapat nating tanggaping maaaring ganito ang kanilang kalagayan. Sa kabila nito, kung angkop ang kalagayan, maaari ninyong sabihin: “Nauunawaan ko kayo, sapagka’t talagang magawain sa panahong ito. Gayunman, nais kong ibahagi sa inyo ang isang bagay na mabuting pag-ukulan ng pansin,” at bumaling sa isang teksto sa ating kasalukuyang Paksang Mapag-uusapan. Pagkatapos basahin ito, karakaraka ninyong banggitin ang alok na literatura, mag-iwan ng angkop na tract, o magsabi na kayo’y babalik upang ibahagi ang karagdagan pang impormasyon mula sa Bibliya.
7 Kay buti kapag nakikita ng mga tao na tayo ay mga estudiyante ng Bibliya at bihasang gumamit ng Salita ng Diyos sa ating ministeryo! Ito ay tumutulong sa kanila na makilala ang mga tao sa ngayon na umaasa sa Salita ng Diyos at gumagamit nito sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay. Ang ating pagsisikap na gamitin ang Bibliya ay magkikintal sa kaisipan ng marami na ang Salita ng Diyos ay tunay na buháy, mabisa, at makakaapekto sa kanilang buhay.