Pag-uukol ng Banal na Paglilingkod Taglay ang Maka-Diyos na Pagkatakot
1 Noong 1988 taon ng paglilingkod, ang Samahan ay tumanggap ng maraming sulat na nagpapahayag ng taus-pusong pagpapahalaga para sa programa ng pansirkitong asamblea na “Ang Nangingibabaw na Kahalagahan ng Paglilingkod kay Jehova.” Ang mga sulat na ito ay nagpapahayag ng kanilang damdamin na katulad niyaong sa mang-aawit na nagsabi: “Ang isang araw sa iyong looban ay mabuti kaysa isang libo saanman.” (Awit 84:10) Nalalaman namin na kayong lahat ay may gayunding damdamin hingggil sa ating dakilang pribilehiyo ng paglilingkuran kay Jehova at na kayo ay nakinabang din sa programang ito.
2 Pasimula sa Pebrero, ang programa ng bagong pansirkitong asamblea ay maghaharap ng temang “Pag-uukol ng Banal na Paglilingkod Taglay ang Maka-Diyos na Pagkatakot.” (Heb. 12:28) Bagaman ipinagwawalang bahala ng sanlibutan si Jehova at hinahamak ang kaniyang pabalita ng Kaharian, tayo ay nalulugod sa ating pribilehiyo na mag-ukol ng banal na paglilingkod taglay ang maka-diyos na takot. Tunay, ang isang malusog na pagkatakot kay Jehova ay siyang “pasimula ng karunungan”; ito’y “dalisay,” nagpapasigla sa atin na gawin ang kaniyang kalooban. (Awit 19:9; 111:10) Ang programa ng pansirkitong asamblea para sa 1989 taon ng paglilingkod ay tutulong sa atin na mapahalagahan pa nang lubusan kung ano ang pagkatakot kay Jehova at kung papaano natin maipakikita ito sa ating paglilingkod sa kaniya.
3 Sa kabuuan ng programa, ating matututuhan kung papaanong ang maka-diyos na takot ay makakaapekto sa ating ministeryo, sa ating pagdalo sa pulong, at sa ating pang-araw-araw na pamumuhay. Ang pangangailangang pag-ugnayin ang ating nalalaman sa ating ginagawa ay tatalakayin. Hindi lamang kailangang malaman natin kung ano ang dapat gawin kundi kung papaano din ikakapit ang mga bagay na ating natututuhan upang tayo’y makinabang at makapagdulot ng papuri sa ating Diyos.
4 Ang pahayag pangmadla na bibigkasin ng mga tagapangasiwa ng distrito ay pinamagatang “Bakit Katatakutan ang Tunay na Diyos?” Tiyaking anyayahan ang inyong mga tinuturuan sa Bibliya at ang iba pang mga taong interesado. Tunay, tayong lahat ay magnanais na isaayos ang ating gawain upang makadalo at makinabang sa kahanga-hangang programang ito sa dalawang araw. Ipahihiwatig sa inyo ng inyong tagapangasiwa ng sirkito ang lugar at petsa na naka-eskedyul para sa inyong kongregasyon.