Bagong Programa ng Pansirkitong Asamblea
1 Di ba’t sinasabi natin kay Jehova, gaya ng mga tapat na anak ni Kore: “Ang isang araw sa iyong mga looban ay mabuti kaysa isang libo saan man”? (Awit 84:10) Magagalak tayo kung gayon sa programa ng pansirkitong asamblea sa 1988, na magpapasimula sa Pebrero, na nagdiriin sa temang, “Ang Nangingibabaw na Kahalagahan ng Paglilingkod kay Jehova.”—Fil. 3:7, 8.
2 Ang layunin ng programa ay upang tulungan tayo na mapahalagahan pa nang higit ang namumukod-tanging pribilehiyo ng paglilingkod kay Jehova sa panahong ito. Nagbigay si Jesu-Kristo ng sakdal na huwaran ng buong kaisipang paglilingkod sa Diyos. Kailangan nating taglayin at panatilihin ang gaya ng kaniyang kaisipan. (Fil. 2:5-8) Ang programa ng pansirkitong asamblea ay tutulong sa atin na suriin ang ating indibiduwal na paglilingkuran sa Diyos at upang makita kung saan tayo makagagawa ng pagsulong.
3 Kadalasan nating naririnig ang salitang “espiritu ng pagpapayunir.” Ano ang espiritu ng pagpapayunir? Papaano maipakikita ng lahat sa bayan ni Jehova na sila’y nagtataglay nito? Ang mga katanungang ito ay sasagutin. Ang mga maka-Kasulatang payo ay ilalaan kung papaano natin mamalasin ang pagsalangsang sa ating ministeryo at kung papaano pagtatagumpayan ito. Ang mga kabataan ay tatanggap ng pampatibay-loob at matutulungan na suriin ang kanilang pagpapahalaga sa palakasan, pelikula, at programa sa telebisyon. Bilang karagdagan, ang maraming pagkakataong nakabukas ukol sa paglilingkod ng mga may edad na ay tatalakayin.—Isa. 48:17, 18.
4 Ang isang bahagi ng programa ay magbibigay-pansin sa mga bagay pampamilya. Ito ay pinamagatang, “Pagpapatibay ng Isang Sambahayang Naglilingkod kay Jehova.” Ang pangangailangan ukol sa mabuting komunikasyon sa loob ng pamilya ay tatalakayin at itatanghal. Ang mga tanong hinggil sa sekular na edukasyon para sa mga anak sa Kristiyanong sambahayan ay bibigyan ng atensiyon.
5 Tayong lahat ay dapat na magplanong dumalo sa pansirkitong asambleang ito at magbigay-pansin sa mga bagay na ating maririnig.—Heb. 2:1.