Hinahanap Ba Ninyo ang Maka-Diyos na Karunungan?
1 “Patuloy na Hanapin Gaya ng Natatagong Kayamanan” ang siyang tema ng isang nagpapakilos na pahayag sa ikalawang araw ng “Banal na Katarungang” mga kombensiyon. Pinagsisikapan ba nating maging masigasig sa paghahanap ng mga kayamanan ng karunungan?—Kaw. 2:1-6.
2 Tayo ay hindi magiging mabuting tagahanap ng kayamanan kung bihira nating binabasa ang Bibliya o kung hindi tayo nagbabasa ng Ang Bantayan at Gumising! Tayo ba’y naghuhukay ng mamahaling bato ng karunungan sa Salita ng Diyos kapag naghahanda ng mga pahayag, sumasagot sa mga katanungan sa Bibliya, naghahanap ng lunas sa mga suliranin? Nangangailangan ng panahon sa pagsasaliksik upang masumpungan ang mamahaling bato mula sa Bibliya, subali’t ito ay nagdudulot ng kaligayahan!—Kaw. 3:13-18.
3 Ngayon ay maaari na nating gamitin ang bagong publikasyong Insight on the Scriptures kasama ng Index, Concordance, Reference Bible, at iba pang mga publikasyon sa ating aklatan. Kay saganang pinaglalaanan tayo ni Jehova ng tulong na ating kailangan upang saliksikin “ang malalalim na mga bagay ng Diyos”!—1 Cor. 2:10.
4 Noong Linggo ng umaga sa kombensiyon, ating narinig ang pahayag na “Pagpapanatili sa Espirituwal na Kalusugan sa isang Maysakit na Sanlibutan.” Natatandaan ba ninyo kung papaano natin maiiwasan ang espirituwal na karamdaman dahilan sa kahinaan ng laman, maka-sanlibutang impluwensiya, at mga pakana ng Diyablo? Ipinaliwanag ng tagapagsalita na maaari nating mapanatili ang espirituwal na kalusugan kung hindi kaliligtaan ang pag-aaral, pagdalo sa pulong, at paglilingkod sa larangan. Ang pag-iwas sa masasamang kasama at mababang uri ng libangan ng sanlibutan habang iniiwasan ang mga tao na “hindi sumasang-ayon sa mga salitang nakagagaling” ay tutulong sa ating mapanatili ang isang malusog na pananampalataya.—1 Tim. 6:3, 4; Tito 1:13.
5 Habang ating sinusunod ang mga puntong natutuhan sa “Banal na Katarungang” Pandistritong Kombensiyon, tayo’y maging determinado na magbigay-pansin sa mga Kristiyanong pagpupulong at magtamo ng karagdagang maka-Diyos na karunungan.—2 Tim.2:7.