Tulungan ang mga Kabataan na Makinabang Mula sa Kombensiyon
1 Ang paanyaya sa “Maka-Diyos na Debosyon” na Pandistritong Kombensiyon ay pinasasapit sa lahat ng mga mananamba kay Jehova, lakip na sa mga kabataan. Oo, kahit na “ang mga bata” ay inaasahang dadalo.—Deut. 31:12.
2 Dapat na ituro ng mga magulang sa kanilang mga anak na ang kombensiyon ay para sa kanila rin at ang pakikinig sa programa ay isang bahagi ng kanilang pagsamba. Hindi laging madali para sa mga kabataan na maupong tahimik at makinig sa panahon ng sesyon. Gayundin, ang ilang mga pahayag ay maaaring maging mahirap nilang maunawaan. Kaya ang pagbibigay ng palaging pansin at pagsisikap sa bahagi ng mga magulang ay mahalaga.
3 Nakapagpapatibay mapansin ang interes na ipinamamalas ng mga kabataan sa kombensiyon. Bagaman ang ilan sa kasiglahang ito ay dahilan sa pagkakataong maglakbay, pananabik sa malaking grupo, at iba pa, kahit na ang mga maliliit na anak ay maaaring matulungang magpahalaga sa kombensiyon at sa espirituwal na kapakinabangan.
PAPAANO MAKATUTULONG ANG MGA MAGULANG
4 Bago dumalo sa kombensiyon, bakit hindi maupong kasama ng inyong mga anak at repasuhin ang impormasyon sa aklat na Insight sa ilalim ng “Godly Devotion”? Ito ay makatutulong sa lahat sa pamilya na makinabang mula sa programa ng kombensiyon.
5 Pinagkakalooban ng maraming magulang ang kanilang mga anak ng sariling Bibliya, songbook at iba pang literatura. Pasiglahin ang mga anak na kumuha ng mga nota, at pagkatapos ay repasuhin ang mga iyon kasama ng buong pamilya sa gabi. Napakainam kung hindi magdadala ng mga laruan o coloring books sa kombensiyon.
BIGYANG-PANSIN ANG DISIPLINA AT HITSURA
6 Ang ilang magulang ay nagpahintulot sa kanilang mga anak na makagambala sa iba sa panahon ng programa. Kahit na sa panahon ng pananalangin, ang ilang mga kabataan ay naglalaro at nakagagambala sa iba. Tanungin ang inyong sarili: ‘Ano ang ginagawa ng aking mga anak sa panahon ng pananalangin? Dapat ba silang pahintulutang umalis sa kanilang upuan sa panahon ng programa?’ Kahit na ang mga magulang ay may atas sa kombensiyon, kailangan silang gumawa ng lahat ng pagsisikap na maupo kasama ng kanilang mga anak sa panahon ng mga sesyon upang mapangalagaan sila. Ang mga anak ay nangangailangan ng superbisyon ng kanilang mga magulang sa panahon din ng paglilibang kapag malayo sa lugar ng kombensiyon.
7 Papaano nananamit ang ating mga kabataan sa kombensiyon? Kung sila’y basta na lamang nagsusuot ng kasuwal na damit at sapatos na panlaro, ito kaya’y makatutulong sa kanila na maunawaan ang kaselangan ng okasyon? Sa kabilang panig, ang mga kabataan na nagdadamit nang wasto para sa mga Kristiyanong pagtitipon ay nagpapamalas ng dignidad ng okasyon.
8 Ang pagkakaroon ng wastong kaisipan ay maaaring mapasigla sa pamamagitan ng pagsasaayos sa mga anak na gumawa ng ilang trabaho pagkatapos ng mga sesyon. Ang mga anak na wala pang 16 anyos ay maaaring gumawa kasama ng isa sa mga magulang sa ilalim ng superbisyon ng Volunteer Service Department.
9 Marahil sa pamamagitan ng pagsasaalang-alang sa mga mungkahing ito, ang mga magulang at gayundin ang iba pa ay maaaring maging alisto sa pagtulong sa mga kabataan na magtamo ng higit na malaking kapakinabangan mula sa kombensiyon.