Paglalagay sa Kautusan ng Diyos sa ‘Ating mga Panloob na Sangkap’
1 Inihula na si Jesus ay magtataglay sa kautusan ni Jehova sa ‘kaniyang mga panloob na sangkap.’ (Awit 40:8) Ito’y napatunayang totoo, at iyo’y tumulong sa kaniyang maisakatuparan ang kalooban ng kaniyang Ama.
2 Tinaglay din ng kaniyang mga alagad ang kautusan ni Jehova ‘sa kanilang isipan at iyo’y nakasulat sa kanilang mga puso.’ (Heb. 8:10) Pinapangyari nito na mapanatili nila ang mainam na paggawi at maisakatuparan ang kanilang ministeryo. Papaano matitiyak nating lahat na ang kautusan ni Jehova ay nasa ating mga isipan at iyo’y nakasulat sa ating mga puso?—Kaw. 3:3.
PERSONAL NA PAG-AARAL AT PAGSASALIKSIK
3 Ang personal na pag-aaral ng Salita ng Diyos ay makatutulong sa atin na dibdibin ang katotohanan. Ang pag-aaral ay sumasaklaw sa pagsasaliksik at pagbubulaybulay. Ito ay isang may layuning pagpapako ng pansin at maingat na atensiyon sa mga detalye. Dapat nating disiplinahin ang ating mga sarili upang magkaroon ng isang regular na palatuntunan ng pag-aaral na maghahanda sa atin sa lahat ng ating mga lingguhang pulong.
4 Ang mabuting kaugalian sa pag-aaral ay nagpapatibay sa ating pag-asa. Oo, tayo ay dapat na “magsilago sa ikaliligtas.” (1 Ped. 2:2) Kapag tayo ay natututo ng mga kapanapanabik na bagay mula sa mga Kasulatan, nais nating sabihin iyon sa ating kapuwa. Ang ating sigasig sa pagsasalita ng “salita ng kaharian” ay lumalaki dahil sa ating pagpapahalaga sa espirituwal na mga bagay na natatamo sa pamamagitan ng mabuting kaugalian sa pag-aaral.—Mat. 13:19.
MGA PANTULONG SA PAG-AARAL
5 Ang organisasyon ni Jehova ay naglaan sa atin ng ating kinakailangan upang magtamo ng napakainam na kaalaman sa katotohanan. Ginagamit ba ninyong mabuti ang 1930-1985 na Index? Sa pamamagitan ng mainam na instrumentong ito at ng iba pang mga publikasyong makukuha sa ngayon, kay laking kayamanan ng tumpak na kaalaman ang ating taglay! Hindi rin dapat na kaligtaan ang mga aklat na Insight at Apocalipsis. Mabisa ba ninyong ginagamit ang mga ito?
6 Ang pagtatamo ng pinakamalaki mula sa personal na pag-aaral ay depende sa ginagawa nating pagsisikap. Tiyakin kung kailan at saan natin masusumpungan ang kinakailangang katahimikan at pag-iisa upang magbulaybulay. Tiyaking manalangin kay Jehova ukol sa tulong bago magpasimula sa pag-aaral. Upang kumilos nang may katalinuhan sa mapanganib na panahong ito, kailangan na ang Salita ng Diyos ay nakaukit nang malalim sa ating mga puso at kaisipan. (Kaw. 7:1-3; Jos. 1:8) Ginagamit ni Jehova ang kaniyang espiritu upang ikintal ang kaniyang kautusan at mga paalaala sa ating mga puso. (Juan 14:26; 1 Cor. 2:10) Hindi niya ipagwawalang-bahala ang isang taimtim na kahilingan ukol sa tulong upang masumpungan at maunawaan ang mga kayamanan ng kaniyang Salita.—Kaw. 2:1-6.
7 Kailangan tayong maging palagian at hindi pabagu-bago sa ating palatuntunan ng pag-aaral upang mailagay ang kautusan ng Diyos ‘sa ating mga panloob na sangkap.’ Kung magkagayo’y magkakaroon tayo ng higit na espirituwalidad, magtatamo ng lalong mabuting kaunawaan sa katotohanan, mapasusulong ang ating mga kakayahan sa pagtulong sa iba na matuto ng katotohanan at mapananatili ang isang higit na matatag na saligan tungo sa “landas ng buhay.”—Awit 16:11; Col. 2:7.