Paghaharap ng Mabuting Balita—Na May Panghihikayat
1 Angkop ba para sa mga ministro ng mabuting balita na hikayatin ang mga tao na tanggapin ang katotohanan? Walang alinlangan! (Gawa 18:4) Ipinagunita ni Pablo kay Timoteo na siya’y nahikayat na maging mananampalataya sa pamamagitan ng kaniyang ina at lola. (2 Tim. 3:14) Ang paghikayat sa isa ay nangangahulugang pakilusin siya sa pamamagitan ng pagsusumamo, taimtim na mangatuwiran sa kaniya hinggil sa isang paniniwala o landas ng pagkilos.
2 Ginamit na mabuti ni Pablo ang panghihikayat. Nang nasa Areopago, hindi niya tahasang sinabi sa kanila na ang kanilang pagsamba sa idolo ay walang kabuluhan. May pagkadalubhasa niyang iniwasan ang banggaan, itinawag pansin sa kanila ang hinggil sa “isang dambana na may sulat na ganito, ‘Sa Isang Diyos na Hindi Kilala.’” Siya kung gayon ay nakapagbigay ng isang mabisang patotoo, taglay ang mabubuting resulta.—Gawa 17:23, 28, 29, 34.
MAGING MAUNAWAIN
3 Maliwanag na ipinakita ni Pablo na ang panghihikayat ay humihiling ng higit pa kaysa isang emosyonal na presentasyon o maraming salita. Dapat nating unawain ang damdamin at paniniwala ng mga taong kausap natin. Dapat na maging alisto tayo sa pag-alam kung baga ang damdamin ng maybahay ang humahadlang sa malayang pagsasaalang-alang ng mga turo ng Bibliya.—Kaw. 16:23.
4 Halimbawa, ang isang tao ay maaaring naniniwala sa pagkawalang kamatayan ng kaluluwa dahilan sa malungkot na alaala ng isang namatay na minamahal. Sa halip na tuwirang sabihin sa kaniya na siya’y mali sa kaniyang paniniwala at na ang kaluluwa ay namamatay, hindi kaya makabubuting gamitin ang panghihikayat upang mapagtagumpayan ang emosyonal na hadlang at makipagkatuwiranan sa kaniya? Maaari nating sabihin sa kaniya na nauunawaan natin ang kaniyang damdamin sapagka’t tayo man ay nawalan na rin ng minamahal dahilan sa kamatayan. Tayo ay nakasumpong ng kaaliwan sa pangako hinggil sa pagkabuhay-muli, kapag muli nating nakasama ang mga namatay na minamahal. Pagkatapos ay maaaring basahin at pag-usapan ang angkop na mga kasulatan.—Kaw. 16:21; Col. 4:6.
GAMITIN ANG MGA ILUSTRASYON
5 Ang mga ilustrasyon ay maaaring maging mabisa sa paghikayat sa mga tao na baguhin ang kanilang kaisipan. Ang isang tampok na halimbawa nito ay ang paraan ni Nathan sa pag-abot sa puso ni David. (2 Sam. 12:1-14) Ginagawang madali ng mga ilustrasyon na maunawaan ng mga tao ang mga bagong ideya. Halimbawa, ang lupa ay maaaring ihalintulad sa isang tahanan at ang mga tao sa mga naninirahan. Kung pinababayaan ng mga naninirahan ang tahanan, hindi wawasakin ng may-ari ang tahanan, kundi paaalisin ang mga naninirahan.—Isa. 45:18.
6 Sabihin pa, kung ang mga tao ay hindi nagnanais na maniwala o baguhin ang kanilang buhay, mananatili sila gaya rin ng dati. (Mat. 13:14, 15) Gayunman, marami pa ring taimtim na mga tao ang maaaring abutin ng katotohanan. Upang matulungan sila, linangin natin ang sining ng panghihikayat sa ating ministeryo.