Kung Paano Hihikayatin ang Iba
1 Si apostol Pablo ay nagtamo ng reputasyon bilang isang mapanghikayat na ministro. (Gawa 19:26) Maging si Haring Agripa ay nagsabi sa kaniya: “Sa maikling panahon ay mahihikayat mo akong maging Kristiyano.” (Gawa 26:28) Ano ang nagpangyari sa ministeryo ni Pablo upang maging lubhang mapanghikayat? Siya’y gumamit ng lohikong pangangatuwiran mula sa Kasulatan, na ibinabagay ang kaniyang mga argumento sa kaniyang mga tagapakinig.—Gawa 28:23.
2 Bilang pagtulad kay Pablo, kailangan din nating maging mapanghikayat sa ating ministeryo. Paano? Sa pamamagitan ng paggamit ng unawa kapag nakikipag-usap at nakikinig sa iba. (Kaw. 16:23) Tatlong mahalagang hakbang ang tutulong sa atin upang maisakatuparan ito.
3 Makinig na Mabuti: Habang nagsasalita ang isang tao, makinig upang humanap ng isang puntong mapagkakasunduan bilang saligan. Kapag siya’y nagbangon ng pagtutol, sikaping unawain ang dahilan sa likuran nito. Makatutulong na malaman kung ano talaga ang kaniyang pinaniniwalaan, kung bakit niya pinaniniwalaan iyon, at kung ano ang kumumbinsi sa kaniya dito. (Kaw. 18:13) Mataktikang alamin ito mula sa kaniya.
4 Magtanong: Kung ang isang tao ay naniniwala sa Trinidad, maaari mong itanong: “Dati ka na bang naniniwala sa Trinidad?” Sundan ito ng: “Nakagawa ka na ba ng isang masusing pag-aaral kung ano ang sinasabi ng Bibliya sa paksang ito?” Maaari mo ring itanong: “Kung ang Diyos ay bahagi ng isang Trinidad, hindi ba’t maaasahan nating maliwanag na sasabihin ito ng Bibliya?” Ang kasagutang inyong matatanggap ay makatutulong sa inyo na mangatuwiran sa indibiduwal hinggil sa kung ano ang sinasabi ng Kasulatan.
5 Gumamit ng Matinong Pangangatuwiran: Isang Saksi ang nagtanong sa isang babae na naniniwalang si Jesus ang Diyos: ‘Kung sinisikap mong ilarawan na magkapantay ang dalawang tao, anong ugnayang pampamilya ang gagamitin mo?’ Siya’y sumagot: “Baka gagamitin ko ang dalawang magkapatid.” Dagdag ng Saksi: “Marahil ay yaong magkakambal pa nga. Subalit sa pagtuturo sa atin na malasin ang Diyos bilang ang Ama at ang kaniyang sarili bilang ang Anak, anong mensahe ang ipinaaabot sa atin ni Jesus?” Nakuha ng babae ang punto na ang isa ay mas matanda, at may higit na awtoridad. (Mat. 20:23; Juan 14:28; 20:17) Ang kaniyang isip at puso ay naabot sa pamamagitan ng sining ng panghihikayat.
6 Mangyari pa, hindi lahat ay tatanggap sa katotohanan, gaano mang kalohiko at katumpak ng ating presentasyon. Subalit gaya ni Pablo, maging masikap tayo sa paghahanap sa tapat-pusong mga tao sa ating teritoryo, na hinihikayat silang tanggapin ang mensahe ng Kaharian.—Gawa 19:8.