Tulungan ang Iba na Magpahalaga sa Ating Dakilang Maylikha
1 Habang pinagmamasdan natin ang paglalang sa ating palibot, wala tayong pag-aalinlangang umiiral ang isang Maylikha at siya’y lubusang interesado sa ating kinabukasan. (Roma 1:20) Ang aklat na Life—How Did It Get Here? By Evolution or by Creation? ay nagpatalas sa ating pagpapahalaga sa Maylikha. Nakatulong din ito sa atin na maipaliwanag sa iba kung papaano umiral ang buhay.
2 Ang isang indibiduwal na may kabatiran sa siyensiya ay nagsabi na ang aklat na Creation ang siyang pinakamainam na aklat na kaniyang nabasa upang magkaroon ng pagpapahalaga sa buhay. Isang propesor ng kolehiyo ang nagsabi: “Hindi ako nakakita kailanman ng gayong napakahusay na argumento para sa paglalang.” Maliwanag, ang aklat na Creation ay nakatulong sa marami na magpahalaga sa ating dakilang Maylikha, si Jehova.
SAMANTALAHIN ANG LAHAT NG PAGKAKATAON
3 Sa Setyembre, iaalok nating muli ang aklat na ito sa ministeryo sa larangan. Bukod pa sa regular na gawain sa bahay-bahay, maaari nating ialok ang aklat na Creation sa gawain sa lansangan at sa impormal na pagpapatotoo. Maaari nating ialok ito sa mga kamanggagawa, kamag-aral, kamag-anak, at mga kaibigan. Mayroon na bang kopya ang inyong tinuturuan sa Bibliya? Mayroon ba kayong ruta ng magasin? Maaaring sila man ay magnais ng isang kopya nito. Samantalahin ang bawa’t pagkakataon na ialok ang aklat na Creation sa buwang ito.
4 Maraming kabataaan ang naging matagumpay sa paglalagay ng mga aklat na Creation sa paaralan. Nasubukan na ba ninyo na magdala ng isang kopya sa paaralan? Kapag may mga nag-uusisa, maaari kayong makapagpatotoo sa kanila. Ang ilang mamamahayag ay naging matagumpay sa gawain sa lansangan sa labas ng campus ng kolehiyo at sa pag-aalok ng aklat sa mga estudiyante.
GAMITIN ANG PAKSANG MAPAG-UUSAPAN
5 Ang alok ay katugma ng Paksang Mapag-uusapan, “Sambahin ang Tagapagbigay ng Buhay.” Sa paghaharap ng aklat, maaari ninyong sabihin: “Maraming tao ang interesado na malaman kung papaano nagsimula ang buhay. Naisip na ba ninyo ang tungkol dito? [Hayaang sumagot.] May iba’t ibang opinyon, subali’t isaalang-alang natin ang paliwanag ng Bibliya. [Basahin ang Hebreo 3:4.] Makatuwiran na ang bawa’t gusali sa ngayon ay may nagdisenyo at gumawa. Maliwanag kung gayon na ang higit na masalimuot na sansinukob ay kailangang magkaroon ng isang maylikha. Ayon sa Hebreo 3:4, ang Maylikha ay Diyos. Subali’t papaano ito nakakaapekto sa atin? [Basahin ang Apocalipsis 4:11.] Kaya landas ng katalinuhan habang may panahon pa na matutuhan ang kalooban ng Maylikha at iayon ang ating buhay doon.” Pagkatapos ay ialok ang aklat, na ipinakikitang ito’y nagpapaliwanag kung papaano umiral dito ang tao at kung papaanong ang pagsunod sa ating Maylikha ay maaaring umakay sa buhay na walang hanggan.
6 Anong ligaya nating magkaroon ng ganitong 256-pahinang aklat na kay ganda ng ilustrasyon sa pagpapaliwanag ng katotohanan tungkol sa ebolusyon at paglalang! Gayumpaman, higit sa lahat, ang aklat na ito ay nagbibigay-karangalan sa Dakilang Maylikha. Iyon ay isinasagawa nito sa pamamagitan ng pagbibigay sa atin ng kaalaman kung papaano nagkaroon dito ng buhay, ang kamangha-manghang layunin ni Jehova na pakabanalin ang kaniyang pangalan, at ang kaniyang pangako na pagpalain ang sangkatauhan sa pamamagitan ng Kaharian.