Huwag Manghihimagod
1 Ang 1991 Yearbook ay naglalahad ng kapanapanabik na pagsulong na nagaganap sa buong daigdig. May mga bagong peak sa mamamahayag sa iba’t ibang lupain.
2 Subali’t kumusta naman sa inyong teritoryo? Ang mga tao ba ay walang interes sa pabalita ng Kaharian? Kakaunti ba ang tumutugon? Kung gayon, maaari kayong mapatibay ng payo ni Pablo sa Galacia 6:9: “Huwag tayong mangapagod sa paggawa ng mabuti, sapagka’t sa kapanahunan ay magsisipag-ani tayo kung hindi tayo manghihimagod.” Tunay na sa paggawa ng mabuti ay kalakip ang pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian sa bahay-bahay. Kailangan tayong mangaral hanggang sabihin ni Jehova na tapos na ang gawain. (Isa. 6:8) Kahit na sa mahihirap na teritoryo, ang mga tulad-tupa ay nasusumpungan pa rin.
3 Ano ang maaari nating gawin upang hindi manghimagod sa ministeryo? Ang pagbabago sa ating paraan ng paglapit o ang ating pambungad ay makatutulong. May napakabuting mga mungkahi na masusumpungan sa aklat na Nangangatuwiran. Sinubok na ba ninyo ang mga ito? Ang maikli subali’t tuwirang paraan ng paglapit ay maaaring tumawag ng pansin ng marami pang maybahay. Ipabatid sa mga tao na kayo’y naroroon dahilan sa kayo’y personal na interesado sa kanilang kapakanan.
MAGHARAP NG MATATANDANG MGA PUBLIKASYON
4 Sa Pebrero ay maipakikita natin ang pagkabahala sa iba sa pamamagitan ng pag-aalok ng matatandang publikasyon na taglay natin sa ating wika. Tingnan ang Mga Patalastas sa pahina 7 at alamin mula sa kapatid na nangangasiwa ng literatura sa inyong kongregasyon kung ano ang taglay ninyo. Ang lahat ng mga aklat na ito ay may napakaiinam na punto may kaugnayan sa ating Paksang Mapag-uusapan na tumatalakay sa kapayapaan. Maghandang mabuti nang patiuna upang may maiharap na espesipikong mga punto.
5 Tunay na maaari tayong personal na mapatibay-loob sa pakikibahagi sa pangangaral ng Kaharian linggu-linggo. Bukod dito, ang ating espirituwalidad ay susulong sa pamamagitan ng regular na pag-aaral ng Salita ng Diyos at regular na pakikibahagi sa mga pulong ng kongregasyon.—Heb. 10:23-25.
PATIBAYIN ANG IBA AT MANATILING MALAKAS
6 Matutulungan ninyo ang sarili at mapatitibay ang iba sa pamamagitan ng paggawang kasama nila sa ministeryo sa larangan. (Gal. 6:10) Bakit hindi itanong sa mga payunir at mga matatanda kung maaari kayong sumama sa kanila? Gayundin, ang mga di palagian o mga di aktibo ay mapatitibay ng inyong interes sa kanilang espirituwal na kapakanan.
7 Tayong lahat ay kailangang magtiis at huwag manghimagod sa paglilingkod kay Jehova. (Heb. 10:36-39) analangin kay Jehova ukol sa lakas. (Isa. 40:29-31) Hilingin ang tulong niya upang kayo’y makapagtiis at maingatan ang isang positibong kalagayan ng isipan. Tandaan, tayo’y gumagawa ng gawain ng Diyos. Hindi niya makakalimutan kung ano ang ating ginagawa sa paglilingkod sa kaniya. (Heb. 6:10) Kaya huwag tayong manghihimagod! Sa halip, lagi tayong “sumagana sa gawa ng Panginoon,” na laging nagtitiwala kay Jehova upang palakasin tayo.—1 Cor. 15:58.