Paghaharap ng Mabuting Balita—Taglay ang Unawa
1 Isang kinasihang kawikaan ang nagsasabi: “Siyang nagbabantay sa kaunawaan ay makakasumpong ng mabuti.” (Kaw. 19:8) Ang karunungang taglay ng mga salitang ito ay kadalasang napapatunayang totoo sa ating pangangaral. Halimbawa, sa pamamagitan ng paggamit ng unawa at taktika, nagawa ng maraming mga mamamahayag na ang pagtutol ay maging mga pagkakataon upang makapagbigay ng karagdagang patotoo. Papaano ito maisasagawa?
PAGHARAP SA MGA PAGTUTOL
2 Kadalasang nakakasumpong tayo ng mga tao na nagsasabing, “Ako’y abala.” Talaga bang abala ang maybahay, o sinasabi ba lamang niya iyon upang hindi siya masangkot sa mahabang usapan? Ang unawa ay kinakailangan. Kung hindi siya talagang abala, maaari nating mapagtagumpayan ang kaniyang pagtutol. Maaari nating sabihin, “Kung gayon ay iiklian ko lamang.” Kung gayon, maaari nating sabihin ang buod ng ating tatalakayin, na iniingatan sa isipan ang kasunduan ukol sa maikling pag-uusap. Bilang resulta ng ating konsiderasyon at nakapagbibigay-interes na mga komento, maaaring ipahiwatig ng tao ang pagnanais na maipagpatuloy ang usapan.
3 Ipagpalagay na talagang abala ang inyong nilapitan. Kung tayo’y magiging mapilit o agresibo, maaari tayong makapag-iwan ng hindi mabuting impresyon. Kung ang maybahay ay lumapit sa pintuan na may hawak na gamit sa pagluluto at ating naamoy ang nilulutong pagkain, malamang na talaga siyang abala. Kaya kailangan ang unawa at mabuting pagpapasiya. Kawalang konsiderasyon na maging mapamilit sa pakikipag-usap sa panahong iyon. Gaano kabuti na bigyan na lamang ang maybahay ng tract at sabihing magbabalik na lamang kayo sa ibang pagkakataon. Ito’y makapag-iiwan ng mabuting impresyon, at isang mainam na patotoo ang maaaring maibigay sa susunod na pagdalaw ng isang Saksi.
PAPAANO PAKIKITUNGUHAN ANG INIAASAL NG TAO
4 Kung minsan ay may masusumpungan tayong mga taong pabigla-bigla sa ating pagdalaw sa kanila. Ano ang ating gagawin sa ganitong pagkakataon? Ang Kawikaan 17:27 ay nagpapayo: “Ang taong may unawa ay malamig ang espiritu.” Anong inam na payo! Ang isang mahinahong boses na nagpapahayag ng pagkabahala ay kadalasang nagpapahinahon sa gayong tao. Bukod dito, kung mataktika nating hihimukin siyang magpahayag ng sarili sa mga bagay na nakababahala sa kaniya, maaaring hindi niya masyadong igigiit ang sariling palagay. Kahit na pinuputol niya ang usapan, marahil ang ating mahinahong sagot ay lilikha sa kaniya ng mabuting pangmalas sa gawain ng mga Saksi ni Jehova. Ito’y isang mainam na bagay. Sabihin pa, kung ang maybahay ay galit, makabubuting tahimik na lumisan at kaypala’y susubukin na lamang na magpatotoo sa kaniya sa ibang panahon.
5 Naririyan din ang mga tao, na bagaman palatalo, ay maaaring taimtim. Sa ganitong mga kalagayan, maaaring ito’y maging isang malaking pagsubok sa ating pagtitiyaga na magpatuloy sa pakikipag-usap sa kanila. Subalit kung tayo’y may unawa, hindi naman kailangang ipasiya nating hindi interesado ang maybahay dahilan lamang sa matigas siya sa naiibang pangmalas. Maaari nating naising magtanong sa mataktikang paraan upang sikaping malaman kung bakit gayon ang kaniyang paniniwala at ipakita sa kaniya kung ano ang sinasabi ng Bibliya sa paksang iyon. (Kaw. 20:5) Salig sa kaniyang reaksiyon, makapagpapasiya tayo kung ipagpapatuloy pa ang usapan.
6 Ang isang may unawang mamamahayag ay nakababatid na ang mga panahon at kalagayan ay kadalasang bumabago sa saloobin ng maybahay sa pabalita ng Kaharian. Ang kaniyang reaksiyon ay maaaring ibang iba sa susunod na pagdalaw natin. Hindi natin dapat isiping tatanggap tayo ng negatibong pagtugon dahilan sa ikinilos ng maybahay noong huling pumunta tayo sa kaniyang pintuan.
7 Ang pagpapasiya kung baga ipagpapatuloy pa natin ang pag-uusap ay hindi madali. Gayumpaman, sa pamamagitan ng pagkakaroon ng sining ng pagtuturo, tayo’y magiging higit na mabisa sa paghaharap ng mabuting balita taglay ang unawa, samantalang tumitingin kay Jehova para pagpalain ang ating mga pagsisikap.—1 Cor. 3:6; Tito 1:9.