Pagbalikat sa Ating Pananagutan na Gumawa ng Mabuti sa Iba
1 Pinayuhan ni apostol Pablo ang unang-siglong mga Kristiyano: “Huwag ninyong kalimutan ang paggawa ng mabuti at pamimigay sa iba.” (Heb. 13:16) Ang pagsisikap nilang tulungan ang kanilang mga kapatid kahit sa mahihirap na kalagayan ay nagpatibay sa kanilang pag-ibig sa Diyos at sa isa’t isa. (Juan 13:35) Tayo rin ay pinasisiglang gawan ng mabuti at tulungan ang iba.
2 Upang magawa ito, si Jehova ay gumawa ng paglalaan upang tayo’y mapakain at masangkapang mabuti sa espirituwal. Tunay na sagana ang impormasyong taglay natin sa bawat Bantayan at Gumising! Anong laki ng kagalakan natin kapag binasa kaagad ang bawat labas pagtanggap nito! Sa pagbubulaybulay ng maka-Kasulatang impormasyon, maaari nating itala ang mga puntong magagamit sa ministeryo sa larangan at sa pakikipag-usap sa iba. Gayundin, maaari tayong magbukod ng panahon upang maghanda para sa bawat pulong at lalo na para sa lingguhang pagsasaalang-alang ng Ang Bantayan. Ang personal na pag-aaral ng Salita ng Diyos ay tumutulong sa atin upang taglayin “ang kaisipan ni Kristo” at upang may mabuting maibahagi sa mga makakatagpo natin.—1 Cor. 2:14-16; Awit 19:14.
3 Mga Pananagutang Karapat-dapat Tanggapin: Lahat ng umiibig kay Jehova ay nag-aalay ng kanilang buhay sa kaniya. Sa pagtanggap ng mga pananagutang nasasangkot sa pag-aalay, ipinakikita natin na tayo’y nasa panig ni Jehova at na humiwalay tayo sa sanlibutan ni Satanas at sa masasamang lakad nito. Kapag sinunod natin ang huwaran ni Kristo Jesus, nagbibigay tayo ng mabuting halimbawa para sa iba. (1 Ped. 2:21) Ang mga programa ng pansirkitong asamblea katulad ng binalangkas para sa 1992, na may temang “Pagpasan ng Ating Sariling Pananagutan,” ay nagpapasigla sa atin na mamuhay na kasuwato ng ating pag-aalay.
4 Ang palagiang pagdalo sa mga pulong ng kongregasyon ay nagbibigay ng pagkakataon sa atin na magpatibayan sa isa’t isa. Ang ating personal na pag-aaral at paghahanda para sa mga pulong ay naglalaan ng saganang impormasyong maaari nating ibahagi sa iba. Ang gayong personal na interes sa iba ay nagpapasigla ng isang mainit, palakaibigan at tulad-pamilyang espiritu. Sa pagkokomento sa mga pulong, ipinakikita natin na talagang sang-ayon tayo sa mga salita ni Pablo sa Hebreo 10:24, 25 at na tumatanggap tayo ng pananagutang patibayin ang iba.
5 Abutin ang Karagdagang mga Pananagutan: Sa 1992 taon ng paglilingkod, maaari ba nating abutin ang dagdag na mga pananagutan, tulad ng pagiging auxiliary payunir o regular payunir? Sa halip na isipin lamang ang kahilingan sa oras, bakit hindi ituon ang pansin sa karagdagang pagkakataon na tataglayin ninyo sa pakikibahagi sa pag-aani? (Juan 4:35, 36) Ang laging gumagawang kasama ng ibang kuwalipikadong mga mamamahayag at payunir ay magpapasulong ng ating kakayahan sa ministeryo. Ang pagdami ng mga auxiliary payunir ay nagsisilbi ring malaking pampasigla sa kongregasyon. Kung maaari, bakit hindi magpatala bilang regular payunir o maging auxiliary payunir buwan-buwan hangga’t maaari sa taóng ito?
6 Ang mga pananagutan ay laging ibinibigay sa kuwalipikadong naaalay at bautisadong mga lalaki sa kongregasyon. (1 Tim. 3:1-10, 12, 13) Lahat ay maaaring magpamalas ng pagnanais na maglingkod sa pamamagitan ng kanilang inihandang-mabuting mga komento sa mga pulong, pakikibahagi sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro, at pagtanggap ng mga atas na magharap ng pagtatanghal o ibang mga bahagi sa Pulong Ukol sa Paglilingkod. Maging ang mga bata ay maaaring maging halimbawa dito at sa kanilang paggawi sa Kingdom Hall. Sila’y maaaring makipagtulungan sa kanilang grupo ng pag-aaral sa aklat kapag inatasang maglinis ng Kingdom Hall o asikasuhin ang ibang mga pangangailangan.
7 Ipinakita ni Jesus na handa siyang tumanggap ng pananagutang gumawa ng mabuti sa iba sa mga pananalitang: “Ibig ko.” (Luc. 5:12, 13) Kung ating susundin ang kaniyang halimbawa, maaari din nating mapasigla at matulungan ang ating mga kapatid, taong interesado, at taimtim na mga taong ating nakakatagpo sa paglilingkod sa larangan na palagiang makisama sa organisasyon ni Jehova. Ang pagtanggap ng ating pananagutang “gumawa ng mabuti sa lahat” ay nangangailangan ng puspusang pagsisikap at pagsasakripisyo sa ating bahagi. (Gal. 6:10) Subalit kapag nakita natin ang kabutihang naisagawa, sang-ayon tayo kay Pablo na nagsabi: “Sa mga gayong hain ang Diyos ay totoong nalulugod.”—Heb. 13:16.