Kailangan—20,000 Auxiliary Pioneer
Makapag-aauxiliary Pioneer ba Kayo sa Marso? Abril? Mayo?
1 “Kailangan ang 1,000 Mangangaral” ang pamagat ng isang artikulong inilathala sa Abril 1881 isyu ng Watch Tower. Ito’y nanawagan sa lahat ng naaalay na mga lalaki at babae, “na pinagkatiwalaan ng Panginoon ng kaalaman sa Kaniyang katotohanan,” na gamitin ang lahat ng panahong taglay nila upang makibahagi sa pagpapalaganap ng katotohanan ng Bibliya. Yaong pantanging makapagbibigay ng kalahati o higit pa sa kanilang panahon para sa gawain ng Panginoon ay pinasiglang magboluntaryo bilang mga ebanghelisador na colporteur—ang unang tawag sa mga payunir ngayon.
2 Bagaman ang mga panahon ay nagbago mula noong ika-19 na siglo, isang bagay ang nananatili—ang nag-alay na mga lingkod ng Diyos ay nagnanais na patuloy na gamitin ang lalong malaking panahon hangga’t maaari sa pagpapalaganap ng mabuting balita. Ang paglilingkod bilang isang auxiliary pioneer ay nakatutulong sa mga mamamahayag ng kongregasyon upang kanilang mapasulong ang pagiging mabisa habang gumugugol sila ng ekstrang panahon sa ministeryo sa Kaharian.—Col. 4:17; 2 Tim. 4:5.
3 Buhat nang ito’y umpisahan, ang pag-aauxiliary pioneer ay tinamasa na ng libu-libong mga kapatid na lalaki at babae. Ang kasiglahan para dito ay lumaki hanggang sa maabot ang peak na 21,567 auxiliary pioneer dito sa Pilipinas noong Abril 1987! Mula noon, hindi na tayo nakapag-ulat ng 20,000 auxiliary pioneer sa isang buwan. Di ba’t isang mainam na bagay kung uulitin ang mainam na pagsisikap na ito sa pamamagitan ng pag-abot sa mahigit pang 20,000 auxiliary pioneer sa Marso, Abril, at Mayo, 1997?
4 Pinasisigla namin kayo na magkaroon ng tunguhin na tamasahin ang pag-aauxiliary pioneer sa isa o higit pang buwan ng Marso, Abril, at Mayo. Bakit ilalakip ang Marso? Sapagkat sa taóng ito ang Memoryal ng kamatayan ni Kristo ay pumapatak sa Linggo, Marso 23. Wala nang bubuti pang paraan na doo’y magagamit natin ang mga linggo bago ang Memoryal kaysa pagiging masigasig sa pakikibahagi sa gawaing pangangaral ng Kaharian na pinasimulan ng ating Panginoon at Tagapagligtas, si Jesu-Kristo. Sa pagbibigay ng malaking bunton ng patotoo sa Marso, maaari nating anyayahan ang maraming taong interesado na makisama sa atin sa paggunita sa kamatayan ni Kristo. Ang Marso ay magiging pantangi rin, sapagkat sa unang pagkakataon, ating itatampok ang bagong aklat, Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya. Karagdagan pa, ang buwan ng Marso ay may limang Sabado at limang Linggo, na magpapangyari para sa puspusang paggawa sa dulong sanlinggo sa paglilingkod sa larangan. Sabihin pa, sa mga buwan ng Abril at Mayo, ang patuloy na masigasig na pagsisikap sa ministeryo ay magpapangyaring masubaybayan natin ang nasumpungang interes at mapasimulan ang bagong mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya, na ginagamit ang brosyur na Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin? Atin ding kukubrehan nang lubusan ang ating teritoryo, lalo na kung dulong sanlinggo, taglay ang napapanahong mga isyu ng Ang Bantayan at Gumising!
5 Sino ang Kuwalipikadong Mag-auxiliary Pioneer?: Ang Organisado Upang Ganapin ang Ating Ministeryo, sa pahina 114, ay nagpapaliwanag: “Anoman ang inyong personal na kalagayan sa buhay, kung kayo’y nabautismuhan na, may mabuting pag-uugali, makapagsasaayos na abutin ang kahilingan na 60 oras isang buwan sa ministeryo sa larangan at naniniwala na makapaglilingkod kayo ng isa o higit pang mga buwan bilang auxiliary payunir, malulugod ang matatanda sa kongregasyon na isaalang-alang ang inyong aplikasyon para sa pribilehiyong ito ng paglilingkod.” Maaari ba ninyong isaayos ang iyong gawain upang tamasahin ang pribilehiyong ito sa Marso? Abril? Mayo?
6 Ang positibong saloobin sa bahagi ng mga lupon ng matatanda, kalakip ang buong pusong pagtangkilik ng iba pang mga mamamahayag, ay magpapangyari na ang tugon sa panawagang ito para sa 20,000 auxiliary pioneer ay maging isang umaalingawngaw na tagumpay. (Heb. 13:7) Ang lahat ng ulo ng pamilya ay pinasisigla na tiyakin kung gaano karami sa kanilang sambahayan ang maaaring sumali sa ranggo ng mga auxiliary pioneer sa isa o higit pa sa mga buwang dumarating.—Awit 148:12, 13; ihambing ang Gawa 21:8, 9.
7 Huwag karaka-rakang magsabi na ang pag-aauxiliary pioneer ay hindi ninyo maaabot dahilan sa inyong buong-panahong sekular na trabaho, iskedyul sa paaralan, pampamilyang mga pananagutan, o iba pang maka-Kasulatang mga pananagutan. Para sa ilan ito ay maaaring hindi madaling bahaginan; gayunpaman, taglay ang mabuting organisasyon at pagpapala ni Jehova, sila ay maaaring magtagumpay. (Awit 37:5; Kaw. 16:3) Hayaang ang pagnanais na makibahagi sa paglilingkurang payunir na kumontrol sa inyong mga kalagayan; huwag pahintulutan na ang inyong mga kalagayan ang kumontrol sa inyong pagnanais na magpayunir. (Kaw. 13:19a) Kaya, taglay ang matibay na pag-ibig kay Jehova at sa ating kapuwa tao, marami ang nakapagsaayos ng kaniyang lingguhang rutin ng buhay upang mapalawak ang kanilang ministeryo sa loob ng isang buwan o higit pa. (Luc. 10:27, 28) Maraming pagpapala ang nakalaan para doon sa mga nagpupunyagi nang lubusan sa paglilingkod sa Kaharian.—1 Tim. 4:10.
8 Kung Ano ang Naisasakatuparan ng Pag-aauxiliary Pioneer: Ang buong kaluluwang pagsisikap na isinasagawa ng libu-libong mga lingkod ng Diyos upang makapag-auxiliary pioneer ay nagbubunga ng isang malakas na sigaw ng papuri kay Jehova. Habang nagpupunyagi ang mga tagapaghayag ng Kaharian upang mapalaganap ang mabuting balita sa mas marami pang tao, sila’y lalong napapalapit nang personal kay Jehova dahilan sa natututuhan nilang higit na umasa sa kaniya para sa kaniyang espiritu at pagpapala.
9 Ang pagkakaroon ng mga auxiliary, regular, at espesyal payunir na aktibo sa gitna natin ay lumilikha ng isang panibagong espiritu ng kasiglahan sa kongregasyon. Ang kanilang kasiglahan ay nakahahawa habang sila’y nagsasalita ng kanilang mga karanasan sa larangan. Ito ay nagpapakilos sa iba na muling suriin ang kanilang sariling kalagayan upang magkaroon ng isang pinalawak na bahagi sa ministeryo. Ang isang kapatid na babae na nabautismuhan sa edad na 70 ay karaka-rakang nagpasimulang mag-auxiliary pioneer nang patuluyan. Nang tanungin pagkatapos ng ilang mga taon kung bakit, sa kabila ng kaniyang edad, siya’y lubusan pa ring nagsisikap sa ministeryo bilang isang auxiliary pioneer bawat buwan, sinabi niya na kaniyang nadama na parang ang unang 70 taon ng kaniyang buhay ay nasayang, at hindi na niya nais pang masayang ang anumang nalalabing mga taon ng kaniyang buhay!
10 Ang bawat nakikibahagi sa gawaing auxiliary pioneer ay nagiging mas mahusay ang kakayahan sa ministeryo. Isang kabataang saksi ang umamin: ‘Sa pasimula ng aking kabataan ay lagi akong sumasama sa aking mga magulang sa kanilang gawaing pangangaral. Ang paglilingkod sa larangan ay tunay na nakatutuwa. Gayunpaman, sumilid sa isip ko na sa paaralan ay namumukod-tangi ako sa karamihan. Kaya naging isang nakahihiyang bagay na ako’y magsalita ng katotohanan sa kapuwa estudyante. Kapag nangangaral sa bahay-bahay, ikinatatakot na may makatagpong sinuman na nakakakilala sa akin sa paaralan. Sa palagay ko’y ang problema ko ay ang pagkatakot sa tao. [Kaw. 29:25] Nang ako’y makatapos ng pag-aaral, ipinasiya kong subukan ang pagpapayunir nang temporaryo. Bilang resulta, ang pangangaral ay nakaakit sa akin sa paraang di pa nangyayari noong una. Hindi ko na minalas ito na isang katuwaan, ni isang mabigat na pasanin. Habang nakikita ang aking mga estudyante sa Bibliya na sumusulong sa katotohanan, nagkaroon ako ng tunay na kasiyahan sa pagkaalam na tinutulungan ako ni Jehova sa aking mga pagsisikap.’ Ang kabataang ito ay patuloy na naglingkod bilang isang regular pioneer.
11 Kapag marami ang naglilingkod bilang mga auxiliary pioneer sa kongregasyon, ito’y nagbubunga ng lubusang pagkubre sa teritoryo. Ang isang kapatid na nangangasiwa sa pag-aatas ng mga teritoryo ay maaaring humiling ng tulong sa mga auxiliary pioneer sa pagkubre sa mga seksiyon na di-gaanong nagagawa. Ang pagdadala ng pananghalian at paggugol ng buong araw sa paglilingkod ay magpapangyaring magawa ng mga auxiliary pioneer kahit na yaong malalayong sulok ng teritoryo.
12 Kailangang Gumawa ang Matatanda Nang Patiunang mga Paghahanda: Sa loob ng susunod na tatlong buwan, ang mga kaayusan ay dapat na gawin upang iiskedyul ang iba’t ibang uri ng gawaing pagpapatotoo sa iba’t ibang panahon ng sanlinggo, lakip na sa dakong hapon at sa bandang gabi, upang marami hangga’t maaari ang makabahagi. Ilakip ang mga pagpapatotoo sa lansangan at paggawa sa teritoryo ng negosyo, bilang karagdagan sa regular na gawaing pagbabahay-bahay. Sa paggawa nito, natutulungan ng mga matatanda yaong mga nagpapayunir na makabahagi sa paglilingkod kasama ng kongregasyon sa panahong pinakapraktikal at kombinyente sa kanilang iskedyul. Dapat na ipabatid na mabuti sa kongregasyon ang lahat ng mga kaayusan sa paglilingkod sa larangan. Ang gaganaping mga pagtitipon bago maglingkod ay dapat na organisahing mabuti. Karagdagan pa, dapat na may sapat na teritoryo at sapat na mga magasin at ang iba pang suplay ng literatura ay dapat na pididuhin karaka-raka.
13 Planuhin ang Inyong Personal na Iskedyul ng Paglilingkod: Ang isang kapatid na lalaki na sa pasimula ay nangangamba hinggil sa pag-aauxiliary pioneer ay nagsabi: “Talagang mas madali ito kaysa inaakala ko noong una. Kailangan lamang ang isang mabuting iskedyul.” Sa likod ng insert na ito, may nakikita ba kayong isang halimbawa ng iskedyul ng payunir na magiging praktikal sa inyo? Ang pag-iiskedyul ng 15 oras bawat linggo para sa ministeryo ang tanging hinihiling na panahon para sa mga auxiliary pioneer.
14 Upang makapaglingkod bilang mga auxiliary pioneer, ang mga ina ng tahanan at yaong mga nagtatrabaho sa hapon at sa gabi ay kadalasang nag-iiskedyul ng kanilang mga umaga para sa paglilingkod sa larangan. Ang mga anak na nagsisipag-aral at yaong mga nagtatrabaho sa pagitan ng hatinggabi at madaling araw ay karaniwang makagagamit ng panahon sa dapit hapon sa gawaing pangangaral. Nasumpungan ng mga may buong-panahong sekular na trabaho na posibleng magbakasyon ng isang araw sa loob ng isang linggo o kaya’y ilaan ang buong mga dulong sanlinggo sa ministeryo, bukod pa sa paggawa ng pagpapatotoo sa gabi. Ang karamihan na nakapaglilingkod lamang sa larangan sa dulong sanlinggo ay pumipili ng mga buwan na may limang Sabado at Linggo. Ito’y totoo sa Marso, at gayundin sa Agosto at Nobyembre 1997. Sa paggamit ng blangkong iskedyul sa pahina 6 na inilaan bilang isang giya, bigyan ng maingat at may pananalanging pagsasaalang-alang kung ano ang magiging praktikal na personal na iskedyul ng paglilingkod sa inyong indibiduwal na kalagayan.
15 Ang isang bentaha sa probisyon na makapag-aauxiliary pioneer ay ang pagkanaibabagay nito. Maaari ninyong piliin ang mga buwan na kayo’y magpapayunir, at maaari kayong maglingkod nang madalas hangga’t gusto ninyo. Kung nais ninyong patuloy na mag-auxiliary pioneer subalit hindi magawa ito, napag-isipan na ba ninyong magpatala tuwing ikalawang buwan sa buong taon? Sa kabilang panig, ang ilan ay nakapaglingkod nang patuluyan bilang mga auxiliary pioneer para sa mas mahabang yugto ng panahon.
16 Isang Tuntungang-Bato Tungo sa Buong-Panahong Pagpapayunir: Ang marami na nagtataglay ng espiritu ng pagpapayunir ay nagnanais na maglingkod bilang mga regular pioneer, subalit sila’y nag-iisip kung taglay nila ang panahon, ang mga kalagayan, o ang lakas para dito. Walang alinlangan na ginamit muna ng karamihan sa mga regular pioneer ang paglilingkod bilang auxiliary pioneer bilang tuntungang-bato tungo sa buong-panahong gawain. Sa pamamagitan ng pagdaragdag sa iskedyul ng isa sa pag-aauxiliary payunir ng kahit na isang oras bawat araw, o isang buong araw bawat linggo, posible na matupad ang iskedyul ng regular pioneer. Upang malaman kung iyon ay posible sa inyo, bakit hindi subukang maglaan ng 90 oras sa ministeryo sa loob ng isa o higit pang buwan sa pag-aauxiliary pioneer? Habang ginagawa ito, mapasusulong ninyo ang inyong mga pagdalaw-muli at mga pag-aaral sa Bibliya, na magpapangyari sa inyo na tamasahin ang isang timbang na ministeryo ng pagpapayunir.
17 Isang kapatid na babae ang nagtamasa ng anim na taon ng patuloy na pag-aauxiliary pioneer. Sa lahat ng panahong iyon ang kaniyang tunguhin ay ang pumasok sa paglilingkod bilang regular pioneer. Dahilan dito, sinubok niya ang apat na iba’t ibang sekular na trabaho sa pag-asang makalilikha ng situwasyon na tutulong sa kaniya na maabot ang kahilingang 90 oras para sa mga regular pioneer. Sa bawat buwan, gumawa siya ng isa o dalawang iskedyul upang subukan kung magiging posible ito. Subalit sa pagsusuri sa mga ito, nadama niyang ang buong-panahong ministeryo ay hindi niya maaabot. Datapuwa’t siya’y patuloy pa ring humingi kay Jehova ng kaniyang direksiyon. Pagkatapos, isang araw habang naghahanda para sa Pulong sa Paglilingkod, nabasa niya ang isang artikulo sa Oktubre 1991 ng Ating Ministeryo sa Kaharian na nagsabi: “Sa halip na isipin lamang ang kahilingan sa oras, bakit hindi ituon ang pansin sa karagdagang pagkakataon na tataglayin ninyo sa pakikibahagi sa pag-aani? (Juan 4:35, 36)” Sinabi niya: “Paulit-ulit kong binasa ang pangungusap na ito nang lima o anim na ulit, at natiyak ko na ito ang kasagutan ni Jehova. Sa sandaling iyon ay gumawa ako ng pasiya na pumasok sa paglilingkuran bilang regular pioneer.” Bagaman ang kaniyang iskedyul sa bahaging-panahong trabaho ay di mainam, isinumite niya ang kaniyang aplikasyon sa regular pioneer. Pagkaraan ng isang linggo ang kaniyang iskedyul ay nagbago, at siya ay binigyan ng oras sa pagtatrabaho na sadyang angkop para sa kaniya. Sa pagwawakas niya, “Hindi ba kayo sasang-ayon na ito’y pagpapala ni Jehova?,” at dagdag pa niya: “Kapag kayo’y humihiling kay Jehova ng patnubay at inyong tinamo ito, huwag takbuhan ito—tanggapin ito.” Kung marubdob ang inyong hangaring mag-regular pioneer, marahil sa katapusan ng tatlong buwan ng pag-aauxiliary pioneer sa Marso, Abril, at Mayo, kayo’y makukumbinsi na kayo man ay maaaring magtagumpay sa buong-panahong ministeryo.
18 Kami ay nakatitiyak na pagpapalain ni Jehova ang sigasig at aalalayan ang pagsisikap ng kaniyang bayan habang kanilang inihahayag ang mabuting balita ng kaligtasan sa pantanging panahong ito ng tag-araw. (Isa. 52:7; Roma 10:15) Tutugunin ba ninyo ang panawagan para sa 20,000 auxiliary pioneer sa pamamagitan ng pakikibahagi sa Marso? Abril? Mayo?
[Kahon sa pahina 3]
Kung Paano Magtatagumpay Bilang Isang Auxiliary Pioneer
■ Magtiwala na magtatagumpay ka
■ Manalangin kay Jehova na pagpalain ang pagsisikap mo
■ Anyayahan ang ibang mamamahayag na magpayunir kasama mo
■ Planuhin ang isang praktikal na iskedyul ng paglilingkod
■ Pumidido ng sapat na suplay ng mga magasin
■ Tangkilikin ang mga kaayusan ng kongregasyon sa paglilingkod
■ Hanapin ang mga pagkakataon para makapagpatotoo nang impormal