Kaayusan sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat
Bahagi 3—Isang Sentro ng Ministeryo sa Larangan
1 Bukod sa pagiging dako ng panggrupong pag-aaral, ang pinagdarausan ng Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat ay nagsisilbing pagtitipunan para sa paglilingkod sa larangan. Ang oras ng mga pagtitipong ito ay dapat maging kombiniyente sa karamihan ng mga mamamahayag, at ang mga pagtitipong ito ay dapat magbigay ng praktikal na tulong upang organisahin ang mga kapatid para sa paglilingkod.
2 Ang mga grupong organisadong mabuti para sa pag-aaral at paglilingkod ay nagpapatibay ng espirituwalidad. Sino ang hindi nakinabang sa pampatibay o mga mungkahi kung paano haharapin ang mga pagtutol, kung paano sisimulan ang isang usapan, kung paano mag-aalok ng pag-aaral sa Bibliya, o kung ano ang sasabihin sa pagdalaw-muli? Ang kasama nating mamamahayag at payunir na nagtitipon sa dako ng pag-aaral ng aklat ay naglalaan ng gayong tulong.—Gal. 6:9, 10.
3 Ang Papel ng Konduktor: Ang konduktor ng Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat ang nangunguna at may pananagutang organisahin ang gawain ng grupo. Palagian siyang sumasama sa mga mamamahayag sa larangan. (1 Ped. 5:2, 3) Mas mabuti kung ang bawat grupo ay may sariling pagtitipon bago maglingkod sa halip na magtipong sama-sama ang lahat ng mga grupo sa isang dako. Subalit, maaaring pagsamahin ang dalawang maliliit na grupo kung kailangan. Kapag ang paglilingkod sa larangan ay kasunod ng pag-aaral ng Bantayan, dapat maging maikli lamang ang pagtitipon bago maglingkod.
4 Kung ang mga pagtitipon bago maglingkod ay idinadaos sa takdang oras at lugar, makapagpaplano ang mga mamamahayag, yamang alam nila na may teritoryong nakahanda at mayroon silang makakasama sa paglilingkod. (Ihambing ang Lucas 10:1.) Kahit hindi makadalo ang kunduktor ng pag-aaral, naglalaan siya ng teritoryo at gumagawa ng kaayusan para sa grupo. (om p. 44-5) Kung walang kuwalipikadong lalaki na mangangasiwa sa pagtitipon bago maglingkod, maaaring atasan ng kunduktor ang isang kapatid na babae na gawin ito. (om p. 77-8) Naiiwasan ang kalituhan kapag ang grupo ay regular na nagtitipon sa dating oras at lugar para sa paglilingkod. Anomang pagbabago dito ay dapat ipatalastas isang linggong patiuna kung maaari.
5 Kailangan ang Pagtutulungan: Dapat sikapin ng lahat na makibahagi sa bawat pitak ng ministeryo sa larangan. Maaaring maghandang magkasama ang mga mamamahayag sa mga sesyon ng pagsasanay, na ginagamit ang mga pagtutol na karaniwang ibinabangon sa teritoryo.—Kaw. 27:17.
6 Gusto ba ninyong may tumulong sa inyo na maging higit na bihasa sa paggawa ng alagad? Kung oo, sabihin ninyo ito sa kunduktor ng Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat. Baka maisaayos niyang matulungan kayo ng isang kuwalipikadong mamamahayag. Upang makinabang, ikapit ninyong mabuti ang mga mungkahing ibinigay at maging tapat sa mga pinagkasunduan ninyong iskedyul.
7 Yaong mga inatasan ng kunduktor ng pag-aaral na tumulong sa iba ay dapat maging matulungin at makatuwiran sa kanilang tinuturuan. Yaong mga may positibo at timbang na pangmalas sa paglilingkod sa larangan ang siyang pinakamahusay na tagapagsanay ng iba. Kapag may pagsulong, laging magbigay ng komendasyon. Pagkatapos ay maaaring magtakda ng iba namang mga tunguhin.—Ihambing ang Lucas 19:17-19.
8 Nais nating tulungan ang isa’t isa upang maging mabisa sa pangangaral ng mabuting balita at paggawa ng alagad. Ang lumulubhang mga kalagayan sa daigdig ay nagdiriin sa pagkaapurahan ng gawaing ito. Nasasangkot ang mga buhay, at pinabibilis ni Jehova ang pagtitipon. (Isa. 60:22) Kung lagi nating isasaisip ang ministeryong ibinigay sa atin, makikipagtulungan tayong mabuti sa ating grupo ng Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat upang lubusang ganapin ang ating atas habang nagpapatibayan sa isa’t isa.—Roma 12:6-8; 2 Tim. 4:1, 2, 5.