Pakikipagtulungan sa Ating Konduktor sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat
1 Ang Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat ay gumaganap ng isang mahalagang papel sa pagpapasulong ng ating kakayahan bilang mga ministro. Ang mga grupo ay talagang ginagawang maliit upang magkaroon ng isang masigla, tulad-pamilyang atmospera para sa pag-aaral ng Bibliya. Ang personal na pampatibay-loob at pansin ay madaling naibibigay sa pamamagitan ng kaayusan ng pag-aaral sa aklat. Papaano tayo makikipagtulungan nang lubusan sa konduktor at makinabang sa mainam na paglalaang ito?
2 Isang Masigasig na Pakikibahagi sa Ministeryo sa Larangan: Ang isa sa pinakamahalagang pananagutan ng konduktor ng pag-aaral sa aklat ay ang tulungan ang bawat isa sa grupo na magkaroon ng masigasig na bahagi sa ministeryo. Dahilan dito, ang aklat na Ating Ministeryo ay nagpapagunita sa atin sa pahina 44 na “ang pagkapalagian, sigasig at kasiglahan na ipinakikita niya sa gawain sa larangan ay masasalamin sa mga mamamahayag.” Maaari ba ninyong suportahan nang palagian ang mga pagtitipon bago maglingkod sa larangan? Ang paggawa ninyo nang gayon ay lubusang pahahalagahan ng inyong konduktor ng pag-aaral sa aklat at ng iba pang mga mamamahayag.
3 Ang mga pagtitipon bago maglingkod sa larangan ay isinasaayos sa mga kombiniyenteng lugar upang ang lahat ay magkaroon ng masigasig na bahagi sa gawaing pangangaral. Samantalang isinasaalang-alang ang lokal na mga kalagayan, ang bawat grupo ay magnanais na maagang magpasimula sa ministeryo.
4 Nais ba ninyo ng tulong sa ilang bahagi ng ministeryo? Marahil ay maisasaayos ng inyong konduktor ng pag-aaral na isang may kakayahang mamamahayag ang gumawang kasama ninyo. Sa katapusan ng buwan, tiyaking karakarakang ibigay ang inyong ulat. Ang konduktor ng pag-aaral sa aklat at ang kalihim ay kapuwa magpapahalaga sa inyong pakikipagtulungan sa bagay na ito.—Ihambing ang Lucas 16:10.
5 Kapag ang Tagapangasiwa sa Paglilingkod ay Dumadalaw sa Grupo: Ang tagapangasiwa sa paglilingkod ay karaniwang dumadalaw sa isang grupo ng pag-aaral sa aklat sa bawat buwan. Pakinggang mabuti ang ibinibigay niyang 15-minutong pahayag sa pagtatapos ng pag-aaral sa aklat, yamang ito ay magbibigay ng espisipikong payo sa grupo kung papaano mapasusulong ang iba’t ibang larangan ng gawaing pangangaral. Ang tagapangasiwa sa paglilingkod ay nananabik ding gumawang kasama ng grupo sa pag-aaral ng aklat sa dulong sanlinggo. Tiyaking samantalahin ang pantanging paglalaang ito upang kayo’y makinabang mula sa kaniyang karanasan at kakayahan sa larangan.
6 Ang ating personal na halimbawa ng pakikipagtulungan at ating pagnanais na tumulong sa mga kulang pa sa karanasan ay tutulong upang magkaroon ng masigla, palakaibigang atmospera sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat habang tayo’y “gumagawa ng mabuti sa lahat, ngunit lalong lalo na sa mga kasambahay sa pananampalataya.”—Gal. 6:10.