Maging Buong Kaluluwa sa Ministeryo sa Larangan
Bahagi 4—Organisado Upang Mabisang Gampanan ang Ating Ministeryo
1 Ang buong-kaluluwang pangmadlang ministeryo ay nangangailangan ng mahusay na personal na organisasyon. Si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay nag-iwan ng bukod-tanging halimbawa para sa ating ministeryo ngayon. (Luc. 10:1, 2; Gawa 5:42; 2 Tim. 4:5) Ngunit papaano kayo maaaring maging higit na organisado upang magtamasa ng kahawig na mabubuting resulta sa ngayon?
2 Mag-iskedyul ng Panahon Para sa Paglilingkod sa Larangan: Upang mabisang organisahin ang ating ministeryo, kailangang magtakda ng panahon para sa bawat pitak nito. (Efe. 5:15, 16) Nasumpungan ng maraming mamamahayag na makabubuting magtakda ng tunguhin kung ilang oras ang kanilang gugugulin sa ministeryo bawat buwan. Kadalasang nangangailangan ito ng pagsasaayos ng kanilang panahon upang makibahagi sa paglilingkod sa larangan bawat linggo. Dapat tulungan ng Kristiyanong mga magulang ang kanilang mga anak na mag-iskedyul ng panahon para sa regular na pakikibahagi sa bawat pitak ng ministeryo sa larangan.—Deut. 6:7; Kaw. 22:6.
3 Magtakda ng Makabuluhang mga Tunguhin: Ang makatuwirang mga tunguhin ay nakakatulong sa pagganap ng inyong ministeryo. Kapag naabot na ang inyong tunguhin, makadarama kayo ng kasiyahan. (Kaw. 13:12) Nagpayo si apostol Pablo: “Anuman ang atin nang nagawang pagsulong, patuloy tayong lumakad nang maayos sa gayon ding kinagawian.” (Fil. 3:16) Oo, ang inyong gawain sa larangan ay dapat na kakitaan ng maayos na kinagawian.
4 Halimbawa, mayroon ba kayong sapat na suplay ng mga tract at handbill? May sapat ba kayong suplay ng bagong labas ng mga magasin? Mabisa ba ninyong ginagamit ang mga house-to-house record?
5 Bago makibahagi sa ministeryo, gumamit ng panahon upang repasuhin ang kasalukuyang Paksang Mapag-uusapan. Pumili ng mga puntong maaaring talakayin mula sa publikasyong inaalok ninyo, at paghandaan kung papaano mabisang magagamit ang mga ito upang pumukaw ng interes. Gayundin, maging handang gamitin ang Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan. Maging sa larangan, bago dumalaw sa susunod na bahay, maaari ninyong suriing saglit ang ilan sa napakaraming mga mungkahi nito.
6 Dapat nating pagsikapang gampanan ang ating ministeryo upang magbigay ng pinakamabisang patotoo na magagawa, “ang bunga ng mga labi.” (Heb. 13:15; ihambing ang Oseas 14:2.) Upang magawa ito, mag-iskedyul tayo ng panahon para sa regular na pakikibahagi sa paglilingkod sa larangan at magtakda ng makatuwirang mga tunguhin na tutulong sa atin na gampanan ang ating ministeryo sa ikapupuri ni Jehova.