Pananatiling Abala sa Paglilingkod kay Jehova
1 Tunay na tayo’y pinagpala na makapaglingkod kay Jehova. Sa pagkakaroon ng wastong kaalaman tungkol sa kaniya at sa kaniyang bugtong na Anak, si Jesus, tayo ay napakikilos ng pag-ibig na gamitin nang lubusan ang ating sarili sa pagsasagawa ng Kaniyang kalooban. (Juan 17:3) Maaari tayong mapagod, subalit tayo’y binibigyan ni Jehova ng kapangyarihan upang tayo’y lubos na sumagana sa kalakasan.—Isa. 40:29.
2 Papaano natin lubusang maipakikita ang ating pagpapahalaga sa dakilang pag-ibig sa atin ng Diyos na Jehova at ni Jesu-Kristo? (2 Cor. 5:14, 15) Ang pangunahing paraan ay sa pamamagitan ng pagtulad kay Jesus, na hindi nanghimagod sa pagpapatotoo hinggil sa pangalan at Kaharian ng kaniyang Ama. (1 Ped. 2:21) Kung tayo’y may matibay na pananampalataya, ang ating buhay ay iikot sa ating bigay-Diyos na pangangaral ng mabuting balita.—Mat. 24:14.
3 Gaano bang kalaking panahon ang dapat na ilaan natin sa ministeryo sa larangan? Iba-iba ang kalagayan. Maaaring limitado tayo dahilan sa katandaan, karamdaman, o mga pampamilyang pananagutan. Subalit tayong lahat ay hinihilingang gawin ang ating makakaya sa paglilingkod kay Jehova. (2 Tim. 2:15) May mga bukas na pagkakataon sa bawat isa sa atin ayon sa ating kalagayan. Ano ang ilan sa mga ito?
4 Mga Paraan Upang Mapalawak ang Ating Ministeryo: Dapat muna tayong maging interesado na mapasulong ang uri ng ating ministeryo. Ito’y maaaring maisagawa sa pamamagitan ng pagkakaroon ng higit na kakayahan bilang isang guro. Ang isa sa mga pangunahing tunguhin ng Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro ay upang tulungan tayong maging higit na mabisa sa ministeryo sa larangan. Ang iniisip ba nati’y ang paglilingkod sa larangan kapag naghahanda ng ating mga atas? Ikinakapit ba natin ang payong ating tinatanggap upang sumulong tayo sa ating personal na ministeryo? (sg p. 96-9) Gayundin, maraming mungkahi para sa ministeryo sa larangan ang ibinibigay sa Pulong Ukol sa Paglilingkod. Gamitin natin ang mga ito hanggat maaari.
5 Susunod, isaalang-alang ang posibilidad na isaayos ang inyong kalagayan upang makabahagi sa gawaing auxiliary at regular payunir. Sa paggawa nito, kayo ay mananatiling abala sa paglilingkod sa ating Ama, si Jehova. (1 Cor. 15:58) Papaano kung hindi kayo makapagpayunir? Maaari ninyong maipakita ang espiritu ng pagpapayunir sa pamamagitan ng paglinang sa matinding pagkabahala para sa mga tao sa teritoryo. Maaari din ninyong gamitin ang bawat pagkakataon upang tulungan ang mga taimtim na makilala si Jehova sa pamamagitan ng mga pagdalaw-muli at pagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya.
6 Nang una nating natutuhan ang katotohanan, ang pag-ibig kay Jehova at kay Kristo Jesus ang nagpakilos sa atin na gumawa ng malaking pagbabago sa ating buhay. Ngayon, habang lumalaki ang ating pagpapahalaga sa ating kaugnayan sa makalangit na Ama at sa ginawa ng kaniyang Anak para sa atin, may karagdagan pa bang pagbabago na maaari nating gawin upang mapalawak ang ating ministeryo? Gamitin natin ang ating sarili sa pamamagitan ng pananatiling abala sa paglilingkod kay Jehova.—Roma 12:11.