Palawakin ang Inyong Kayamanan ng Paglilingkod sa Kaharian
1 Itinulad ni Jesus ang pag-asa sa Kaharian sa isang walang katulad na kayamanan. (Mat. 13:44-46) Tayo ba’y kagaya ng tao sa ilustrasyon ni Jesus na ipinagbili ang lahat niyang ariarian upang bilhin ang isang bagay na mas mahalaga? Kung gayon, bibigyan natin ng pangunahing dako ang Kaharian ng Diyos.—Mat. 6:19-22.
2 Yamang ang ating paglilingkod sa Kaharian ay isang kayamanan, dapat nasain nating palawakin ito. Atin bang pinalalawak ang ating gawain sa Kaharian? Magagawa natin ito sa pamamagitan ng pakikibahagi sa gawain sa bahay-bahay, sa pagsasagawa ng mga pagdalaw muli, sa pagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya, at sa impormal na pagpapatotoo.
3 Papaano Ko Mapalalawak ang Aking Bahagi?: Sa pagpapasimula ng bagong taon ng paglilingkod, makabubuti para sa bawat isa na repasuhin ang kaniyang personal na gawain at magtanong: ‘Maisasaayos ko ba ang aking gawain upang makapagpatala bilang isang auxiliary payunir sa pana-panahon o patuluyan? Sa pamamagitan ng ilang mga pagbabago, maaari ba akong pumasok sa paglilingkod bilang regular payunir?’ Ang mga bagong payunir na nagpatala sa Setyembre 1 ay kuwalipikadong dumalo sa Pioneer Service School sa susunod na taon.
4 Ang ilang mamamahayag ay nagtakda ng personal na tunguhin upang makapagsagawa ng higit pang impormal na pagpapatotoo. Maaaring madama ng ilan ang pangangailangang gumawa ng mabisang mga pagdalaw muli o magpasimula ng mga bagong pag-aaral sa Bibliya.
5 Kung napansin natin na ang ating ministeryo ay limitado, ano ang magagawa natin upang mapalawak ito? Yaong mga naging matagumpay ay nagrerekomenda na maging determinado tayong unahin ang kapakanan ng Kaharian anuman ang maging katumbas nito. (Mat. 6:33) Kailangan ang lubos na pagtitiwala kay Jehova. (2 Cor. 4:7) Hilingin ang kaniyang tulong sa pamamagitan ng panalangin. (Luc. 11:8, 9) Makapagtitiwala tayo na pagpapalain ni Jehova ang ating mga pagsisikap na mapasulong ang ating bahagi sa paglilingkod sa kaniya.—1 Juan 5:14.
6 Makipag-usap sa iba na naging matagumpay sa pagpapalawak ng kanilang ministeryo. Tanungin sila kung papaano nila napagtagumpayan ang mga balakid. Ang kanilang mga karanasan ay maaaring kumumbinsi sa inyo na kayang tamuhin ang isang pinalawak na ministeryo.
7 Kapag inyong binabasa ang mga artikulo sa Ang Bantayan o sa Ating Ministeryo sa Kaharian na tumatalakay sa paglilingkod sa larangan, may pananalanging isaalang-alang kung papaano ninyo ikakapit ang mga mungkahi. Gawin din iyon kapag dumadalo sa mga pulong ng kongregasyon o mga asamblea. Ang mga mungkahi sa artikulong ito ay salig sa programa sa pansirkitong asamblea noong nakaraang taon. Ito ang una sa serye ng mga artikulong dinisenyo upang tulungan kayo na ikapit ang pampatibay-loob na inilaan ng programang iyon.
8 Ginawa ni Jesus na pangunahin ang kaniyang ministeryo. Sinabi niya: “Ang aking pagkain ay ang gawin ko ang kalooban niya na nagsugo sa akin.” (Juan 4:34) Gayundin ba ang nadarama natin? Kung gayon, palalawakin natin ang ating gawain at ibabahagi ang “mabubuting bagay” sa iba mula sa ating imbakan ng kayamanan.—Mat. 12:35; Luc. 6:45.