Ipaalam sa Lahat na ang Pambuong Daigdig na Katiwasayan ay Malapit Na
1 Di na matatagalan at paiiralin ng “Prinsipe ng Kapayapaan” ang tunay na kapayapaan at katiwasayan sa buong daigdig. Ang ating pananampalataya sa pangakong ito ng Bibliya ay dapat na magpasigla sa atin na ibahagi ito sa iba. (Isa. 9:6, 7; Mik. 4:3, 4) Sa buwang ito ng Pebrero, ating iaalok ang matatandang publikasyon gaya ng naipatalastas na. Ang mga kongregasyon na wala ng mga aklat na ito sa kanilang wika ay maaaring mag-alok ng aklat na Worldwide Security Under the “Prince of Peace.”
2 Sa pahina 4 ng isyung ito ng Ating Ministeryo sa Kaharian, iniharap namin ang ilang mga pambungad na nanaisin ninyong gamitin sa ministeryo sa Pebrero. Ang tatlong transisyon na maaaring makatulong sa pag-aalok ng aklat na Worldwide Security ay iminumungkahi sa sumusunod na mga parapo. Ang mga ito ay maaaring iangkop sa anomang aklat na iaalok ninyo.
3 Transisyon Blg. 1: Pagkatapos ng inyong pambungad, bumaling sa pahina 13 at sabihin: “Ang Isaias 9:6, 7 ay sinipi mula sa Bibliya sa unang parapong ito. Ipahintulot ninyong basahin ko ito.” Pagkatapos ay magtanong: “Sino ang ‘Prinsipe ng Kapayapaan’?” Hayaang sumagot, pagkatapos ay magpatuloy: “Maliwanag na ipinakikita ng aklat na ito kung sino ang ‘Prinsipe ng Kapayapaan’ at ipinaliliwanag kung papaano niya dadalhin ang pandaigdig na kapayapaan sa lupa sa panahon nating ito. Gusto ba ninyong matutuhan ito nang higit pa?”
4 Transisyon Blg. 2: Pagkatapos basahin ang Isaias 9:6, 7, bumaling sa pahina 4 at tanungin ang maybahay: “Anong mapayapang kalagayan ang nakikita ninyo sa ilustrasyong ito?” Hayaang sumagot, pagkatapos ay magpatuloy sa pagsasabing: “May kapayapaan sa gitna ng mga tao at kapayapaan sa mga hayop. Iniisip ng ilan na papangyarihin ng mga pamahalaan ng tao ang ganitong kapayapaan. Subalit ang tunay na kapayapaan at katiwasayan na inihula sa Bibliya ay dapat na gawang-Diyos, hindi gawang-tao. Ano sa palagay ninyo?” Hayaang sumagot, pagkatapos ay basahin ang parapo 4 sa pahina 5 at ipaliwanag na sinasagot ng aklat na ito ang maraming katanungan hinggil sa Kaharian at sa kapayapaan sa lupa.
5 Transisyon Blg. 3: Sa mga dakong ang mga tao’y mahilig sumabad anupat hindi ninyo matapus-tapos ang inyong presentasyon, maaari ninyong gamitin ang ganitong paraan: “Maaari ba akong magtanong?” Kung sumang-ayon ang maybahay, magpatuloy: “Sinabi ni Jesus na ang kaniyang mga tagasunod ay gagawa ng mga alagad sa lahat ng mga bansa. Ang katanungan ay: Makukumberte ba ang buong daigdig bago siya mamahala bilang ‘Prinsipe ng Kapayapaan’? Ano ang inyong opinyon?” Hayaang sumagot, pagkatapos ay sabihin: “Ang sagot ng Bibliya sa tanong na ito ay masusumpungan dito sa pahina 21.” Saka basahin ang parapo 2 sa pahina 21.
6 Maaaring nakapili na kayo ng pambungad na gusto ninyo sa pahina 4 ng Ating Ministeryo sa Kaharian. Matapos repasuhin ang mga transisyon sa artikulong ito, maaaring makapili kayo ng isa na ikasisiya ninyong gamitin. Insayuhin ang inyong pambungad at transisyon bago magtungo sa paglilingkod sa larangan. Ang inyong paghahanda at personal na pananalig ay makatutulong sa inyong kasiglahan sa pag-aalok ng aklat na Worldwide Security.