Tanggapin ang Pananagutan ng mga Pagdalaw-muli
1 Maraming mga dahilan upang lubusang makibahagi sa paggawa ng mga pagdalaw-muli. Kung puspusan nating ginagawa ang pagdalaw-muli sa lahat ng mga taong interesado, mapananatili natin ang isang mabuting budhi at maisasagawa nating lubusan ang ating ministeryo kagaya ni Pablo.—Gawa 20:21, 24; 2 Tim. 4:5.
2 Nagkakaroon Tayo ng Pananagutan Dahilan sa Kaalaman: Dahilan sa ang buhay ay nanganganib tayo’y dapat na mapakilos na maging masikap sa paggawa ng mga pagdalaw-muli. (Juan 17:3) Ang ating kaalaman na nalalapit na ang Armagedon ay dapat na mag-udyok sa atin hindi lamang upang magbigay babala sa balakyot kundi tulungan din ang mga ‘nagbubuntong-hininga at nagsisidaing dahilan sa kasuklam-suklam na bagay na nagaganap sa lupa.’ (Ezek. 9:4) Kailangan silang tulungang makisama sa nakikitang organisasyon ni Jehova.
3 Ang mga tao ay kailangang matulungan na wastong makaunawa sa katotohanan. (Gawa 8:30, 31; 18:26) Ito’y isa pang dahilan upang tayo’y bumalik at “diligin” ang mga naitanim na binhi ng katotohanan. Gaano kayang kalaking espirituwal na pagsulong ang naisagawa natin kung walang paulit-ulit na bumalik sa atin upang tulungan tayong magtamo ng tumpak na kaalaman?—Mat. 7:12.
4 Ipakita ang Pag-ibig at Sigasig: Ang pagsasagawa ng mga pagdalaw-muli ay isang mainam na paraan upang maipamalas ang pag-ibig sa mga tao. Isang bulag na kapatid na naglilingkod bilang regular payunir ang nagsabi: “Mula noong ako’y mabautismuhan, gayon na lamang ang aking pagnanais na sabihin sa iba ang aking natutuhan mula sa Bibliya. Ako’y maligaya na ang aking kapansanan ay hindi nakahadlang sa akin upang gawin ito. . . . Natutuhan ko rin na ingatan sa aking isipan ang bawat bahay sa lansangan, at sa ganitong paraan, nakagagawa ako ng mga pagdalaw-muli sa mga taong interesado sa pag-aaral ng Bibliya.”
5 Kapag gumagawa ng mga pagdalaw-muli, kadalasan tayong nagkakaroon ng pagkakataong gamitin ang Bibliya at makapagpaliwanag hinggil sa ating pag-asa. (1 Ped. 3:15) Ito’y nakatutulong hindi lamang sa maybahay kundi nagpapaalab din sa ating sariling sigasig at pagpapahalaga sa katotohanan. Ang paggawa ng mga pagdalaw-muli ay nagdudulot ng kagalakan na hindi matatamo sa ibang paraan. At ang kagalakang ito ay laging tatamasahin sa pamamagitan ng ating masigasig na mga pagdalaw-muli.—Kaw. 10:22.
6 Ang bayan ni Jehova ay hindi nag-aatubiling gumawa ng mabuti sa iba, at ito’y makikita sa ating pambuong daigdig na gawain noong taon ng paglilingkod ng 1991. (Kaw. 3:27) Nakagawa tayo ng 344,926,952 na mga pagdalaw-muli at nakapagdaos ng 3,947,261 mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya. May 300,945 na mga bagong alagad ang nag-alay ng kanilang sarili kay Jehova at nabautismuhan. Ang kamangha-manghang pagsulong na ito ay hindi kailanman mangyayari kundi dahilan sa ating pagnanais na tanggapin ang pananagutang gumawa ng mga pagdalaw-muli.—1 Tes. 2:8.