Ang Hamon sa Pagsasagawa ng mga Pagdalaw Muli
1 Bilang mga ministro ng mabuting balita, tayo ay pinag-utusang gumawa ng mga alagad. (Mat. 28:19, 20) Nangangahulugan ito ng paggawa ng mga pagdalaw muli. Ang pagiging bihasa sa paggawa ng mga pagdalaw muli ay maaaring magsilbing isang hamon.—Kaw. 22:29.
2 Ang bawat naaalay na Kristiyano ay dapat makadama ng pananagutang makibahagi sa paggawa ng mga alagad. Kakailanganin nitong isakripisyo natin ang ilang personal na kaalwanan upang maibahagi ang pag-asa ng Kaharian sa iba.
3 Subaybayan ang Lahat ng Interes: Dapat na isagawa ang pagdalaw muli sa lahat ng nagpamalas ng interes sa pabalita ng Kaharian, kahit na hindi kumuha ng ating mga publikasyon. Ipinakita ni Jesus at ng mga apostol kung papaanong ang interes sa pabalita ng Kaharian ay maaaring linangin sa pamamagitan ng pag-akay sa mga tao sa isang tuwirang pag-uusap sa Kasulatan.—Mar. 10:21; Gawa 2:37-41.
4 Ang layunin ng ating pagdalaw muli ay upang pasimulan ang isang pag-aaral sa Bibliya. Maaari nating maitanghal sa maybahay kung papaano isinasagawa ang isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Makatitiyak kayong tutugunin ni Jehova ang inyong panalangin upang tulungan kayong makasumpong ng matuturuang tapat-pusong tao. Bakit hindi hilingin ang tulong ni Jehova at gawing tunguhing makapagpasimula ng isang pag-aaral sa Bibliya?
5 Gamiting Mabuti ang mga Tracts: Ang mga tract ay mabisang magagamit sa pagpapasimula ng mga pag-aaral sa Bibliya. Maraming pag-uusap ang napasimulan sa pamamagitan lamang ng pagtalakay sa larawan ng pabalat. Basahin ang mga parapo nang isa-isa sa maybahay. Kapag may katanungan sa parapong binabasa, huminto at hilinging ipahayag ng maybahay ang sarili. Tingnan ang mga kasulatan at ipakita kung papaano kumakapit ang mga ito. Pagkatapos, ang usapan ay maaaring akayin sa publikasyon na maaaring gamitin sa pag-aaral.
6 Gamitin ang Aklat na Nangangatuwiran: Maaaring makagawa ng mabibisang pagdalaw muli sa pamamagitan ng aklat na Nangangatuwiran. Repasuhin ang mga pangunahing paksa o ang indise na makatutulong sa inyo na pumili ng mga tatalakaying punto. Ang seksiyong “Mga Tekstong Kadalasa’y Mali ang Pagkakapit” ay maaaring gamitin sa pagharap sa mga pagtutol na maaaring bumangon. Ang mga payunir ay nag-ulat ng tagumpay sa pagbubukas ng mga pag-aaral sa Bibliya sa paggamit ng mga punto sa aklat na Nangangatuwiran sa pahina 382 (p. 204 sa Ingles) sa ilalim ng “Ano ang saligan ng mga Saksi ni Jehova sa kanilang pagpapaliwanag sa Bibliya?” Ipinakikita nila sa mga taong interesado kung papaano natin hinahayaang ang Bibliya ang gumawa ng sariling pagpapaliwanag. Maraming pag-aaral sa Bibliya ang napasimulan dahilan dito.
7 Gaya ni Jesus at ng mga apostol, kailangan nating ipamalas ang taimtim na interes sa tupa ni Jehova. (Luc. 9:11; 2 Cor. 2:17) Kapag higit nating ginamit ang ating sarili sa espirituwal na kapakanan ng iba, makakaya nating harapin ang hamon sa paggawa ng mga pagdalaw muli.