Ano ang Inyong Sasabihin sa Inyong Pagbabalik?
1 Upang maging mabisa sa ating ministeryo kailangan ang paghahanda upang kung tayo’y dumalaw muli sa mga nagpakita ng interes, muling mapag-aalab natin ang kanilang interes at maipagpapatuloy ang ating pag-uusap. Papaano natin magagawa ito?
2 Yamang ang mga tunay na Kristiyano ay talagang interesado sa iba, maaaring bumaling kayo sa bagay na inyong nabatid hinggil sa maybahay sa nakaraang pagdalaw ninyo.
Sa isang taong nagpakita ng pagkabahala sa krimen, maaari ninyong sabihin:
◼ “Noong huli tayong mag-usap sinabi ninyong kayo’y naliligalig sa paglago ng krimen. Sa palagay kaya ninyo’y malulutas ang problema sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mas maraming pulis?”
Kapag ang isang tao’y nagpahayag ng kagulumihanan sa mga pangyayari sa daigdig, maaari ninyong sabihin:
◼ “Noong huli tayong mag-usap may sinabi kayong mainam na punto hinggil sa kakulangan ng kapayapaan sa daigdig. Sa palagay kaya ninyo’y mapangyayari ng mga lider sa daigdig ang isang pambagong sanlibutang kaayusan?”
Sa isang tao na nagugulumihanan dahilan sa kasakiman ng iba, maaari ninyong sabihin:
◼ “Noong huli tayong mag-usap may sinabi kayong napakainam na punto hinggil sa kasakiman na karaniwan nating nakikita sa mga tao. Ano sa palagay ninyo ang pangmalas ng Diyos sa mga sakim na tao? [Hayaang sumagot.] Ganito ang sinasabi ng Bibliya sa Efeso 5:5.”
3 Ang iba pang kapahayagan na mabisang nagamit na ay:
◼ “Lubos akong nasiyahan sa ating huling pag-uusap, kaya ako’y gumawa ng maikling pagsasaliksik upang ipakita kung papaanong nababatid ni Jehova ang suliranin ng mga walang tahanan. Pansinin ang Isaias 65:21-23.”
◼ “Nasiyahan ako sa inyong komento na kailangan ng sangkatauhan ang isang mas mabuting pamahalaan.”
◼ “May maganda kayong katanungan kung baga ang lahat ng relihiyon ay sinasang-ayunan ng Diyos.”
Ang mga pambungad na gaya ng mga ito ay nagpapakitang ating pinahahalagahan ang ating naunang pag-uusap at tayo’y interesadong makipag-usap muli sa maybahay.
4 Bago kayo gumawa ng pagdalaw-muli, isipin kung ano ang inyong sasabihin. Ibagay ang inyong presentasyon sa bawat tao.
5 Kapag abala ang dinadalaw nating tao, maaari pa rin tayong maging mabisa sa pagsasabing:
◼ “Nalalaman kong mayroon lamang kayong iilang minuto, subalit maaaring pag-isipan ninyo ang bagay na ito habang tinatapos ninyo ang inyong gawain. [Basahin ang Mateo 5:3.]”
O maaari ninyong sabihin:
◼ “Isinulat ko ang tatlong tekstong ito para sa inyo. Pero yamang walang panahong mapag-usapan ito, hayaan ninyong iwan ko na lamang ito, at sa pagbabalik ko, nais kong talakayin ito sa inyo sa loob lamang ng limang minuto.”
6 Negatibong Paghaharap na Dapat Iwasan: Ang mga katanungan na maaaring umakay sa negatibong sagot o maaaring mapahiya ang maybahay ay kadalasang hindi nagdudulot ng mabuting resulta. Kasama dito ang: “Nabasa ba ninyo ang materyal na aking iniwan sa inyo?” “Mayroon ba kayong katanungan?” “Natatandaan ba ninyo ako?” “Ako’y dumalaw upang malaman kung kayo’y interesado pa sa pag-uusap sa mga layunin ng Diyos para sa lupa.”
7 May pananabik tayong makadadalaw sa mga indibiduwal na nagpakita ng interes kung tayo’y patiunang naghanda upang sila’y bigyan ng tulong na totoong makabuluhan.