Tulungan ang Iba na Matutuhan ang Hinggil sa Anak ng Diyos, si Jesu-Kristo
1 Sa mga buwang ito maraming mga nag-aangking Kristiyano ang nagiging higit na palaisip kay Jesus kaysa sa ibang panahon. Kaya, isang mainam na pagkakataon na itampok ang aklat na Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman. Papaano natin ihaharap nang mabisa ang aklat na ito sa Enero?
2 Sikaping magbukas kaagad ng pag-uusap sa Bibliya na nakatuon kay Jesus.
Pagkatapos na batiin ang maybahay, maaari ninyong sabihin ang gaya nito:
◼ “Itinatanong namin ngayon sa ating mga kapitbahay kung ano ang nasa isip nila kapag kanilang nababasa sa Bibliya ang tungkol sa pananatiling buháy magpakailanman. [Hayaang sumagot.] Ito’y may pantanging interes dahilan sa binabanggit ito sa Bibliya ng mga 40 ulit. Ano kaya ang magiging kahulugan ng ganitong buhay para sa atin? Pansinin ang sinasabi ng Apocalipsis 21:4. [Basahin.] Napansin ba ninyo kung ano ang ipinangako? [Hayaang sumagot.] Papaano tayo magtatamo ng buhay na walang hanggan?” Basahin ang Juan 17:3, at itampok ang pangangailangang kumuha ng kaalaman hinggil sa Diyos at sa kaniyang Anak, si Jesu-Kristo. Ialok ang aklat na Pinakadakilang Tao, na ginagamit ang mga sub-titulong nasa pambungad upang antigin nang higit pa ang kaniyang interes.
3 Kung tumanggi ang maybahay sa aklat, ialok ang bagong isyu ng Ang Bantayan at Gumising! o ang tract na Ang Sanlibutan Bang Ito’y Makaliligtas? Itawag-pansin ang isa o dalawang espesipikong punto sa iniharap na publikasyon. Sabihing kayo’y babalik sa isang kombiniyenteng oras upang ipagpatuloy ang inyong pag-uusap.
4 Kung abala ang maybahay, makabubuting iklian ang presentasyon sa itaas. Masusumpungan din ng mga baguhang mamamahayag na madaling gamitin ang sumusunod na presentasyon.
Pagkatapos na ipakilala ang sarili, maaari nating sabihin:
◼ “Itinatanong namin ngayon sa ating mga kapitbahay kung ano ang nasa isip nila kapag kanilang nababasa sa Bibliya ang tungkol sa pananatiling buháy magpakailanman. Halimbawa, sa Juan 17:3 ay sinabi ni Jesus: [Basahin.] Upang tulungan ang mga tao na higit pang matuto hinggil kay Jesu-Kristo at sa kaniyang itinuro, ang aklat na ito ay inilimbag.” Buksan ang aklat sa ilang magagandang ilustrasyon. Bumaling sa pambungad, at basahin ang ikalawang parapo sa ilalim ng sub-titulong “Nakikinabang sa Pagkatuto Tungkol sa Kaniya.” Kung interesado ang maybahay, ialok sa kaniya ang publikasyon.
5 Kung kayo ay nag-aalok ng matatandang mga publikasyon gaya ng tagubilin sa Mga Patalastas para sa ilang mga wika, iminumungkahi namin na gamitin ninyo ang mga presentasyon at mga kasulatan sa itaas, na tumutukoy sa angkop na mga kabanata sa aklat na inyong iniaalok sa inyong wika. Anumang publikasyon ang ialok, laging maging alisto na iharap ang pag-aaral sa Bibliya maging sa unang dalaw o sa inyong pagdalaw muli.
6 Sa Enero, ituon nating lahat ang pansin sa Anak ng Diyos, kay Jesu-Kristo, upang tulungan ang iba pa patungo sa daan ng buhay.—Mat. 7:14.