Pukawin ang Iba Upang Lubusang Tumingin kay Jesus
1 Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman ay isang namumukod-tanging aklat. Ang 133 mga kabanata nito ay pumupukaw sa mga mambabasa na lubusang tumingin kay Jesus at tularan ang kaniyang halimbawa. Sinasabing ang lahat ng mga hari na nagpuno kailanman, pinagsamasamang lahat, ay hindi nakaapekto sa buhay ng tao sa makapangyarihang paraan katulad ni Jesus. Yaong mga lubusang tumitingin kay Jesus ay tiyak na makikinabang.
2 Tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga alagad hinggil sa kaniyang Ama at nagbigay ng huwaran ng mga katangian ng Diyos. Ang ating mga puso ay napakikilos kapag isinasaalang-alang ang napakahusay na kakayahan ni Jesus bilang isang guro, ang kaniyang walang takot na pangunguna, at ang kaniyang pagiging mahabagin. Kapag ating ginugunita ang kaniyang mga pagdurusa sa pagbibigay ng kaniyang buhay bilang pantubos sa atin, napakikilos tayo taglay ang pagpapahalaga! Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman ay makatutulong sa mga tao na malasin si Jesus sa ganitong paraan.
3 Maghandang Lubusan: Maging lubusang handa na pasimulan ang pag-uusap sa Bibliya na makapupukaw sa iba na lubusang tumingin kay Jesus. Ang mga grupo ng pamilya at iba pa ay maaaring mag-ensayong magkakasama. Pagsikapang antigin ang interes at pakilusin ang mga tao na basahin ang aklat na Pinakadakilang Tao. Kapag kakaunti lamang ang panimulang interes, maaari tayong mag-iwan ng isang tract o marahil ay isang brochure o isang magasin.
4 Ang ating pakikipag-usap sa bahay-bahay sa Enero ay isisentro kay Jesus at magpapasigla sa mga tao upang makilala siya nang higit. Sa pamamagitan ng pagtatampok sa mga punto sa aklat na Pinakadakilang Tao, ating matutulungan ang mga tao na malasin si Jesus, hindi basta isa lamang mabuting tao, kundi bilang Anak ng Diyos at nagpupunong Hari ng pamahalaan na lulutas sa lahat ng mga suliranin ng sangkatauhan.
5 Papaano natin matitiyak kung ang isang tao ay tunay na interesado? Kung ang tao ay matamang nakikinig, nagtatanong, o nagbibigay ng partikular na pansin sa ating binabasa sa Bibliya, maaaring ito’y palatandaan ng tunay na interes. Kapag ating ipinakita ang aklat at karakarakang kinuha iyon, ito’y nagpapakita ng tunay na interes na nanaisin nating linangin. Kahit na hindi niya kinuha ang aklat, subalit nagpakita ng interes, makabubuting mag-iwan ng isang tract, magbangon ng isang tanong para pag-usap sa hinaharap, at isaayos na gumawa ng pagbabalik.
6 Isang taong hindi naman palabasa ang nagpahayag ng kaniyang pagpapahalaga sa aklat na Pinakadakilang Tao, na sinasabing ginawa nitong kasiyasiya ang pagbabasa sa pagtatapos ng araw. Tulungan natin ang iba na makadama rin ng gayon, na pinupukaw silang lubusang tumingin kay Jesus sa pamamagitan ng pagbabasa ng Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman.