Anyayahan ang Iba na Sumunod sa Pinakadakilang Tao
1 Sa Mateo 5:14, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Kayo ang liwanag ng sanlibutan.” Ang mga tagasunod ni Jesus ay dapat magsabi sa mga tao saanman hinggil sa maibiging paglalaan ni Jehova ukol sa kaligtasan sa pamamagitan ni Jesus. Taglay ito sa isipan, sa Disyembre tayo ay nananabik na ialok ang aklat na Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman. Narito ang ilang mungkahi na baka naisin ninyong gamitin.
2 Pagkatapos ipakilala ang sarili, maaari ninyong sabihin:
◼ “Marami ang nag-iisip kung anong uri ng tao si Jesus nang siya’y naririto sa lupa. Sa palagay ninyo’y papaano siya naging kakaiba? [Hayaang sumagot.] Ang aklat na ito, Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman, ay naglalahad ng kaniyang buhay at ministeryo, at nagpapaliwanag kung anong uri ng tao siya. Pagkatapos basahin ito, nadama ng ilan na para bang sila’y nagkaroon ng pagkakataong makasalamuha siya nang personal.” Ipakita ang unang ilustrasyon sa aklat. Pagkatapos ay bumaling sa pambungad, at basahin ang ikalawang parapo sa ilalim ng subtitulong “Nakinabang sa Pagkatuto Tungkol sa Kaniya.” Ialok ang aklat.
3 O maaari ninyong sabihin ang gaya nito:
◼ “Sa panahong ito ng taon ang mga tao ay nag-iisip hinggil kay Jesus. Gayunpaman, dahilan sa maraming masasamang bagay na nangyayari sa buong daigdig, ang ilan ay nag-iisip kung talagang si Jesus ay nagmamalasakit sa atin. Ano sa palagay ninyo?” Hayaang sumagot. Bumaling sa kabanata 24 ng aklat na Pinakadakilang Tao, at talakayin sa maikli kung bakit si Jesus ay naparito sa lupa. Pagkatapos ay basahin ang Juan 15:13, na idinidiin ang taus-pusong pag-ibig ni Jesus sa iba. Maghanda ng pinakabagong magasin, brochure, o isang tract upang ialok kapag hindi tinanggap ang aklat.
4 Narito ang isa pang mungkahi:
◼ “Karamihan sa mga kabataan ay naghahanap ng matutularan, subalit mahirap makakita ng mabuting huwaran. Si Jesu-Kristo ay naglaan ng sakdal na halimbawa para sa lahat. [Basahin ang 1 Pedro 2:21.] Ang kaniyang buong buhay ay nakasentro sa pagsamba sa kaniyang makalangit na Ama. Ano kaya sa palagay ninyo ang mangyayari kung mas maraming tao ang magsisikap na maging gaya niya?” Hayaang sumagot. Ipaliwanag kung papaanong ang aklat na Pinakadakilang Tao ay makatutulong sa ating lahat na maging lalong mabubuting Kristiyano.
5 Maaaring naisin ninyong gamitin ang gaya nito:
◼ “Kapag may bumabanggit kay Jesu-Kristo, maraming tao ang nag-iisip na siya’y isang sanggol o isang taong nagdurusa na malapit nang mamatay. Ang kanilang idea kay Jesus ay may kaugnayan lamang sa kaniyang pagsilang o kamatayan. Subalit ang naisakatuparan ni Jesus sa buong buhay niya ay may epekto sa lahat ng tao sa lupa. Kaya’t mahalagang matutuhan natin ang lahat hanggat makakaya natin hinggil sa kamangha-manghang mga bagay na kaniyang ginawa alang-alang sa ating kapakanan.” Basahin ang Juan 17:3. Bumaling sa unang pahina sa pambungad ng aklat na Pinakadakilang Tao, at basahin ang ikaapat na parapo. Ipaliwanag kung papaanong ang aklat ay makukuha at magagamit sa personal na pag-aaral.
6 Tiyaking mag-ingat ng talaan ng mga interesado na maaari ninyong dalawing muli. Masigasig nawa nating tulungan ang tapat-pusong mga tao na maging mga tagasunod ng ating Tagapagligtas, si Jesu-Kristo.—Mat. 16:24.