Palakihin ang Interes sa Pamamagitan ng Paggawa ng Mabibisang Pagdalaw Muli
1 Ang bawat pahayag na inihandang mabuti ay nagtataglay ng nakapupukaw-interes na pambungad, nakapagtuturong katawan, at nakapagpapakilos na konklusyon. Ang pambungad ay tumatawag ng pansin ng tagapakinig, subalit kung walang katawan at konklusyon, ang pahayag ay hindi kompleto. Ang gayunding simulain ay kumakapit sa ating ministeryo. Isang mainam na bagay na antigin ang interes ng maybahay sa unang pagdalaw, subalit kailangang patuloy na palakihin ang interes sa pamamagitan ng paggawa ng mabisang mga pagdalaw muli.
2 Bakit pinahihintulutan ng Diyos ang pagdurusa? Di ba kayo sang-ayon na ang paksang ito ay nasa isip ng maraming tao sa ngayon? Kaya makabubuting magbangon ng katanungang ito sa katapusan ng unang pagdalaw upang sagutin ito sa paggawa ninyo ng pagdalaw muli.
3 Maaari ninyong sabihin ang ganito:
◼ “Hello. Noong huli nating pag-uusap, ang paksa hinggil sa pagpapahintulot ng Diyos sa pagdurusa ay bumangon, at ako’y nangako na babalik taglay ang ilang impormasyon para sa inyo. Maraming tao ang may palagay na kung tunay na nagmamalasakit sa atin ang Diyos, wawakasan na niya ang pagdurusa. Marahil ay ganito rin ang nadarama ninyo. [Hayaang sumagot ang maybahay.] Tinitiyak sa atin ng Bibliya na tunay na nagmamalasakit sa atin ang Diyos. [Basahin ang 1 Juan 4:8.] May mabubuting dahilan ang Diyos sa pagpapahintulot na magpatuloy ang pagdurusa hanggang ngayon. Ang isa sa mga kadahilanang ito ay ipinaliliwanag sa 2 Pedro 3:9. [Basahin.] Ang iba pang dahilan ay binalangkas sa brochure na ito.” Pagkatapos ay bumaling sa mga pahina 12-14 ng brochure na Talaga Bang Minamahal Tayo ng Diyos? at talakayin ang isang punto na nakatatawag pansin.
4 Habang nasa pagtatapos kayo ng usapan, magbangon ng iba pang tanong at sabihin sa maybahay na kayo’y matutuwang ibahagi sa kaniya ang ilang kapanapanabik na impormasyon sa inyong pagbabalik. Maraming tao ang nagnanais makaalam kung ano ang nangyayari sa isang tao kapag namatay. Bakit hindi isaayos na talakayin ang paksang iyon sa isang kombinyenteng panahon?
5 Makatutulong sa inyo na ingatan ang tatlong saligang simulain sa kaisipan. Makibagay. Maaaring hindi bihasa ang maybahay sa pagtatakda ng isang tiyak na panahon sa pag-uusap sa Bibliya. Maging maikli. Huwag magtatagal o sasaklaw ng masyadong maraming punto sa pasimula. Sa karamihang kaso, magiging mas mabuti ang pagtanggap sa inyong pagdalaw kung sasaklaw lamang kayo ng ilang punto sa maikling panahon. Maging masigla at palakaibigan. Ipakita sa maybahay na kayo ay personal na interesado sa kaniya bilang isang indibiduwal.
6 Ang ating karakarakang tunguhin ay ang maakay sa pakikipag-usap ang maybahay hinggil sa Kasulatan. Pagkatapos ay nanaisin nating pasimulan ang isang pag-aaral sa Bibliya sa isang angkop na publikasyon, tulad ng aklat na Mabuhay Magpakailanman. Ang kagalakang iyon ay maaaring tamuhin ninyo kung matiyaga ninyong palalakihin ang panimulang interes sa pamamagitan ng paggawa ng mabibisang pagdalaw muli.