Mag-ipon ng Katapangan Upang Gumawa ng mga Pagdalaw-Muli
1 Nasisiyahan ba kayo sa paggawa ng mga pagdalaw-muli? Gayon ang karamihang mamamahayag. Maaaring kayo’y natatakot sa pasimula, lalo na kapag dumadalaw-muli sa mga maybahay na nagpakita ng kaunti lamang interes noong una silang matagpuan. Subalit habang ‘nakapag-iipon kayo ng katapangan sa pamamagitan ng ating Diyos na magsalita ng mabuting balita’ sa mga pagdalaw-muli, maaaring namangha kayo kung gaano kadali at kapaki-pakinabang ang gawaing ito. (1 Tes. 2:2) Bakit?
2 Sa totoo lang, may malaking pagkakaiba sa pagitan ng isang pagdalaw-muli at ng unang pagdalaw. Ang pagdalaw-muli ay ginagawa sa isang kakilala, hindi sa isang estranghero, at karaniwan nang mas madaling makipag-usap sa isang kakilala kaysa isang estranghero. Kung tungkol sa malaking kapakinabangan mula sa pakikibahagi sa gawaing ito, ang mga pagdalaw-muli ay maaaring umakay sa mabungang mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya.
3 Kapag tayo ay gumagawa sa bahay-bahay, paulit-ulit tayong dumadalaw sa mga tao na noong una nating dalawin ay hindi interesado. Kung gayon, bakit paulit-ulit tayong dumadalaw? Batid natin na ang mga kalagayan ng tao ay nagbabago at ang indibiduwal na waring hindi interesado o salansang pa nga noong una ay maaaring interesado na sa susunod nating pagdalaw. Taglay ito sa isipan, tayo ay naghahanda para sa ating pagdalaw-muli at nananalangin sa pagpapala ni Jehova upang ang ating sasabihin ay magbunga ng mabuting pagtugon.
4 Kung sa ating pagbabahay-bahay ay maluwag sa ating loob na mangaral sa mga taong walang ipinakikitang interes, hindi ba dapat tayong maging higit na interesadong dumalaw-muli sa sinuman na nagpakita ng kahit kaunting interes sa mensahe ng Kaharian?—Gawa 10:34, 35.
5 Marami sa atin ang nasa katotohanan sa ngayon dahilan sa isang matiyagang mamamahayag na muling dumalaw sa atin. Kung kayo’y isa sa mga ito, maaari ninyong tanungin ang sarili: ‘Anong patiunang impresyon ang ibinigay ko sa mamamahayag na iyon? Karaka-raka ko bang niyakap ang mensahe ng Kaharian nang una kong marinig ito? Wari ba akong nagwalang bahala?’ Sa kabila nito, dapat tayong maging maligaya na itinuring tayong karapatdapat sa isang pagdalaw-muli ng mamamahayag na nagbalik sa atin at ‘nag-ipon ng katapangan sa pamamagitan ng [kaniyang] Diyos,’ gumawa ng pagdalaw, at patuloy na nagturo sa atin ng katotohanan. (1 Tes. 2:2) Kumusta naman yaong mga indibiduwal na nagpakita ng kaunting interes sa pasimula subalit pagkatapos ay waring umiiwas sa atin? Ang positibong saloobin ay mahalaga, gaya ng ipinakikita ng sumusunod na ilustrasyon.
6 Habang maagang nagpapatotoo sa lansangan sa isang umaga, ang dalawang mamamahayag ay nakasumpong ng isang kabataang babae na nagtutulak ng bata sa isang stroller. Tinanggap ng babae ang isang magasin at inanyayahan ang mga kapatid na babae na pumunta sa kaniyang tahanan sa susunod na Linggo. Dumating sila sa oras na pinagkasunduan, subalit sinabi sa kanila ng maybahay na wala siyang panahon upang makipag-usap. Gayunman, kaniyang ipinangako na puwede siya sa susunod na linggo. Nag-aalinlangan ang mga kapatid kung baga tutuparin niya ang usapan, subalit ang babae ay naghihintay sa kanila nang sila’y bumalik. Isang pag-aaral ang napasimulan, at naging kamangha-mangha ang pagsulong ng babae. Sa loob lamang ng maikling panahon, siya’y dumadalo na nang palagian sa mga pulong at nakikibahagi sa paglilingkod sa larangan. Siya ngayo’y bautisado na.
7 Ilatag ang Pundasyon sa Unang Pagdalaw: Ang pundasyon para sa isang matagumpay na pagdalaw-muli ay kadalasang inilalatag sa unang pagdalaw. Makinig na mabuti sa komento ng maybahay. Ano ang sinasabi nito sa inyo? Siya ba’y nahihilig sa relihiyon? Siya ba’y nababahala hinggil sa mga isyung panlipunan? Siya ba’y interesado sa siyensiya? sa kasaysayan? sa kapaligiran? Sa pagtatapos ng pagdalaw, maaari kayong magbangon ng isang pumupukaw-kaisipang katanungan, at mangakong tatalakayin ang sagot ng Bibliya sa inyong pagbabalik.
8 Halimbawa, kung nagustuhan ng maybahay ang pangako ng Bibliya hinggil sa isang paraisong lupa, ang karagdagang pagtalakay sa paksa ay maaaring maging angkop. Bago kayo lumisan, maaari kayong magtanong: “Paano tayo makatitiyak na tutuparin ng Diyos ang pangakong ito?” Pagkatapos ay idagdag: “Marahil ay daraan ako kapag nasa bahay ang ibang miyembro ng pamilya, at sa panahong iyon ay ipakikita ko sa inyo ang sagot ng Bibliya sa katanungang ito.”
9 Kung ang maybahay ay hindi nagpakita ng interes sa isang partikular na paksa, maaari kayong magbangon ng isang katanungang itinampok sa mga presentasyon sa huling pahina ng Ating Ministeryo sa Kaharian at gamitin iyon bilang saligan ng inyong susunod na pag-uusap.
10 Mag-ingat ng Tumpak na Nasusulat na mga Rekord: Ang inyong house-to-house record ay kailangang tumpak at kumpleto. Isulat agad ang pangalan at direksiyon ng maybahay sa inyong paglisan sa bahay. Huwag hulaan ang numero ng bahay o ang pangalan ng kalye—suriin ang impormasyon upang matiyak na tumpak iyon. Isulat kung anong uri ng tao ang indibiduwal. Isulat ang paksang inyong tinalakay, ang mga kasulatang inyong binasa, anumang literaturang inyong iniwan, at ang tanong na inyong sasagutin sa pagbabalik ninyo. Ilakip ang araw at oras ng unang pagdalaw at kung kailan ninyo sinabing dadalaw kayong muli. Ngayong kumpleto na ang inyong rekord, huwag iwawala iyon! Ilagay iyon sa isang ligtas na dako upang tingnan ninyo iyon sa susunod. Patuloy na isipin ang tungkol sa indibiduwal at kung paano ninyo gagawin ang susunod na pagdalaw.
11 Alamin Kung Ano ang Inyong mga Tunguhin: Una, sa pagiging kalugud-lugod at palakaibigan, gawin ang inyong buong makakaya upang maging palagay ang maybahay. Ipakita na kayo’y interesado sa kaniya bilang isang tao, nang hindi naman nagiging masyadong pamilyar. Pagkatapos, ipagunita sa kaniya ang katanungang iyong ibinangon sa nakaraang pagdalaw. Maingat na pakinggan ang kaniyang opinyon, at ipahayag ang taimtim na pagpapahalaga sa kaniyang mga komento. Pagkatapos, ipakita kung bakit ang pangmalas ng Bibliya ay praktikal. Kung posible, akayin siya sa isang kaugnay na punto sa aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan. Ingatan sa isipan na ang inyong pangunahing tunguhin sa mga pagdalaw-muli ay ang sikaping mapasimulan ang isang pag-aaral sa Bibliya.
12 Ang tuwirang paraan na ginamit sa aklat na Kaalaman ay nagpasigla sa karamihan sa atin na ‘mag-ipon ng katapangan’ sa mga pag-aaral ng Bibliya upang pasiglahin ang mga estudyante na dumalo sa mga pulong at makisama sa organisasyon ni Jehova. Sa nakaraang panahon, tayo’y naghihintay sa mga indibiduwal na makapag-aral muna nang mahaba-habang panahon bago sila anyayahang makisama sa atin. Ngayon, maraming estudyante ang dumadalo sa mga pulong karaka-raka pagkatapos magsimula ng pag-aaral, anupat sila’y sumusulong nang mas mabilis bilang resulta nito.
13 Isang mag-asawa ang nagpatotoo nang impormal sa isang kamanggagawa. Nang siya’y nagpahayag ng interes sa katotohanan, kanilang inanyayahan siya na magkaroon ng pag-aaral sa Bibliya sa aklat na Kaalaman. Sa panahon ding iyon, sinabi nila sa kaniya na siya’y kailangang dumalo sa mga pulong, na kung saan ang karamihan sa kaniyang mga katanungan ay masasagot. Hindi lamang karaka-rakang tinanggap ng lalaki ang kanilang paanyayang mag-aral, kundi nag-aral ng dalawang beses sa isang linggo at nagpasimulang dumalo nang palagian sa mga pulong sa Kingdom Hall.
14 Gamitin ang Brosyur na Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin?: Sa “Mga Mensahero ng Maka-Diyos na Kapayapaan” na Pandistritong mga Kombensiyon, ating tinanggap ang brosyur na Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin? Ang brosyur na ito ay nakatutulong sa pagpapasimula ng mga pag-aaral sa Bibliya sa mga taong may takot sa Diyos anuman ang kanilang edukasyon. Ito’y naglalaman ng kumpletong kurso sa pag-aaral, na sumasaklaw sa saligang mga turo ng Bibliya. Ang publikasyong ito ay magiging napakabisang kasangkapan sa paghahatid ng kaalaman ng Diyos. Ipinaliliwanag nito ang katotohanan nang napakaliwanag at napakasimple anupat ang bawat isa sa atin ay makagagamit nito sa pagtuturo sa iba ng mga kahilingan ng Diyos. Malamang na tatamasahin ng maraming mamamahayag ang pribilehiyong magdaos ng isang pag-aaral sa Bibliya sa brosyur na ito.
15 Ang ilang indibiduwal na nakadaramang wala silang panahong mag-aral ng aklat na Kaalaman ay maaaring pumayag na magkaroon ng maiikling sesyon sa pag-aaral ng brosyur na Hinihiling. Sila’y mananabik sa kanilang natututuhan! Sa loob lamang ng dalawa o tatlong pahina, masusumpungan nila ang mga kasagutan sa mga katanungang pinag-iisipan ng mga tao sa loob ng daan-daang taon: Sino ang Diyos? Sino ang Diyablo? Ano ang layunin ng Diyos para sa lupa? Ano ang Kaharian ng Diyos? Paano mo masusumpungan ang tunay na relihiyon? Bagaman ang brosyur ay naghaharap ng katotohanan sa simpleng mga paraan, ang mensahe nito ay napakatindi. Sinasaklaw nito ang mga punto na rerepasuhin ng mga matanda sa mga kandidato sa bautismo at magsisilbing isang tuntungang-bato sa mas puspusang pag-aaral ng aklat na Kaalaman.
16 Sa pag-aalok ng pag-aaral sa isang pagdalaw-muli, maaari ninyong sabihin lamang: “Nalalaman ba ninyo na sa paggamit ng ilang minuto lamang, maaari ninyong tamuhin ang kasagutan sa isang mahalagang tanong sa Bibliya?” Pagkatapos, magbangon ng isang katanungan na lumilitaw sa isa sa mga leksiyon sa brosyur. Halimbawa, kung kayo’y dumadalaw sa isang matandang tao, maaari ninyong sabihin: “Batid natin na noong nakaraan ay nagpagaling si Jesus ng mga tao. Subalit sa hinaharap ano ang gagawin ni Jesus para sa mga maysakit? sa matatanda? sa mga patay?” Ang mga kasagutan ay masusumpungan sa leksiyon 5. Ang isang taong mahilig sa relihiyon ay maaaring mapukaw ang pansin sa pamamagitan ng katanungang: “Nakikinig ba ang Diyos sa lahat ng panalangin?” Ito ay sinasagot sa leksiyon 7. Ang mga miyembro ng pamilya ay nagnanais makaalam: “Ano ang hinihiling ng Diyos sa mga magulang at sa mga anak?” Masusumpungan nila ito habang pinag-aaralan ang leksiyon 8. Ang iba pang mga katanungan ay: “Maaari bang pinsalain ng mga patay ang mga buháy?” na ipinaliwanag sa leksiyon 11; “Bakit napakaraming relihiyon na nag-aangking Kristiyano?” na tinalakay sa leksiyon 13; at “Ano ang dapat mong gawin upang maging kaibigan ng Diyos?” na sinaklaw sa leksiyon 16.
17 Tulungan Yaong mga Nagsasalita ng Ibang Wika: Ano naman ang tungkol sa mga maybahay na nagsasalita ng ibang wika? Hangga’t maaari, sila’y kailangang maturuan sa wikang mas kabisado nila. (1 Cor. 14:9) Kung may kalapit na kongregasyon o grupo na gumagamit ng wikang iyon, ang kanilang pangalan ay maaaring ipadala sa matatanda roon. Kung walang kalapit na mga kongregasyon o mga grupo at walang lokal na mga mamamahayag na makapagsasalita ng wika ng maybahay, maaaring subukan ng mamamahayag na makipag-aral sa maybahay, na ginagamit ang brosyur na Hinihiling sa dalawang wika.
18 Isang mamamahayag na nagsasalita ng Ingles ang nagpasimula ng pag-aaral sa isang tao na nagsasalita ng Vietnamese kasama ng kaniyang asawa, na nagsasalita ng Thai. Ang mga publikasyon at mga Bibliya sa Ingles, Vietnamese, at Thai ay ginamit sa pag-aaral. Bagaman mahirap iyon sa pasimula, ang mamamahayag ay sumulat: “Ang espirituwal na pagsulong ng mag-asawa ay mabilis. Nakita nila ang pangangailangang magpasimulang dumalo sa mga pulong kasama ng kanilang dalawang anak, at sila’y nagbabasa ng Bibliya gabi-gabi bilang isang pamilya. Ang kanilang anim na taóng gulang na anak na babae ay may kaniyang sariling pag-aaral sa Bibliya.”
19 Kapag nakikipag-aral sa mga tao na nagsasalita ng ibang wika, magsalita nang marahan, bumigkas nang maliwanag, at gumamit ng simpleng mga salita at parirala. Gayunpaman, ingatan sa isipan na ang mga tao na nagsasalita ng ibang wika ay dapat pakitunguhan nang may dignidad. Hindi sila dapat pakitunguhan na waring sila’y mga sanggol.
20 Gamiting mabuti ang magagandang ilustrasyon sa brosyur na Hinihiling. Anyayahan siyang basahin ang mga kasulatan sa kaniyang sariling Bibliya. Kung ang pag-aaral ay maaaring idaos sa panahong naroroon ang isang miyembro ng pamilya upang magsalin, walang alinlangang ito’y magiging kapaki-pakinabang.
21 Gumawa ng mga Pagdalaw-Muli Nang Walang Pagkaantala: Gaano katagal kayo maghihintay bago gumawa ng pagdalaw-muli? Ang ilang mamamahayag ay bumabalik sa loob ng isa o dalawang araw pagkaraan ng unang pagkikita. Ang iba ay bumabalik sa araw ding yaon! Iyon ba ay masyadong maaga? Sa pangkalahatan, waring hindi tumututol ang mga maybahay. Kadalasan ang mamamahayag na dumadalaw ang kailangang luminang sa mas positibong saloobin, taglay ang kaunti pang katapangan. Isaalang-alang ang sumusunod na karanasan:
22 Isang araw gumagawa sa bahay-bahay ang isang 13-anyos na mamamahayag nang makita niyang magkasamang naglalakad ang dalawang babae. Taglay sa isip ang pampatibay-loob na mangaral sa mga tao saanman sila matagpuan, siya’y lumapit sa mga babae sa lansangan. Sila’y nagpakita ng interes sa mensahe ng Kaharian at ang bawat isa ay tumanggap ng aklat na Kaalaman. Kinuha ng kapatid na kabataan ang kanilang mga direksiyon, bumalik pagkatapos ng dalawang araw, at pinasimulan ang pag-aaral sa Bibliya sa bawat isa sa kanila.
23 Ang isang kapatid na babae ay gumawa ng mga kaayusan upang bumalik sa susunod na linggo. Subalit isa o dalawang araw pagkatapos ng unang pagdalaw siya ay nagtungo roon upang bigyan ang maybahay ng magasin hinggil sa paksang pinag-usapan nila. Sinabi niya sa maybahay: “Nakita ko ang artikulong ito at naisip kong magugustuhan ninyong basahin ito. Hindi ako magtatagal upang makipag-usap sa inyo ngayon, kundi babalik ako sa Miyerkules ng hapon gaya ng napag-usapan natin. Ayos pa ba sa inyo ang araw na iyon?”
24 Kapag ang indibiduwal ay nagpakita ng interes sa katotohanan, makatitiyak tayo na makararanas siya ng iba’t ibang uri ng pagsalansang. Ang ating pagdalaw kaagad pagkatapos ng unang pagkikita ay magpapalakas sa kaniya upang mapagtiisan niya ang anumang panggigipit na napapaharap sa kaniya mula sa mga kamag-anak, malapit na mga kaibigan, at iba pa.
25 Linangin ang Interes ng mga Nasumpungan sa Pampublikong mga Lugar: Marami sa atin ang nasisiyahan sa pangangaral sa mga lansangan, sa mga paradahan, sa pampublikong transportasyon, sa mga sentro ng pamilihan, sa mga parke, at iba pa. Bukod sa pagsasakamay ng literatura, kailangan nating linangin ang interes. Upang magawa ito, kailangang gumawa ng pagsisikap upang kunin ang pangalan, ang direksiyon at, kung maaari, ang numero ng telepono ng bawat taong interesado na ating natatagpuan. Hindi mahirap gaya ng maaaring iniisip natin na kunin ang impormasyong ito. Sa pagtatapos ng pag-uusap, ilabas ang inyong notebook at magtanong: “Mayroon bang paraan upang maipagpatuloy natin ang pag-uusap na ito sa ibang pagkakataon?” O sabihing: “Nais kong mabasa ninyo ang isang artikulo na natitiyak kong magugustuhan ninyo. Maaari ko bang dalhin ito sa inyong tahanan o opisina?” Ang isang kapatid na lalaki ay nagtatanong lamang: “Sa anong numero ng telepono maaari kayong makausap?” Siya’y nag-ulat na sa loob ng tatlong buwan ang lahat maliban sa tatlong tao ay nalugod na magbigay sa kaniya ng numero ng kanilang telepono.
26 Gamitin ang Telepono Upang Masumpungan at Mapaunlad ang Interes: Ang isang payunir na babae ang gumagamit ng telepono upang abutin ang mga taong nakatira sa mga gusaling naguguwardiyahang mabuti. Siya’y gumagawa rin ng mga pagdalaw-muli sa ganitong paraan. Sa unang pagdalaw, sinasabi niya: “Batid kong hindi ninyo ako kilala. Ako ay gumagawa ng isang pantanging pagsisikap na makausap ang mga tao sa inyong lugar upang ibahagi ang isang punto mula sa Bibliya. Kung mayroon kayong ilang sandali, nais kong basahin sa inyo ang pangako na masusumpungan sa . . . ” Pagkatapos basahin ang teksto, sinasabi niya: “Hindi ba napakaganda kung masasaksihan natin ang pagdating ng panahong yaon? Ikinasiya ko ang pagbasa nito sa inyo. Kung nasiyahan din kayo, nais kong tumawag muli at talakayin sa inyo ang iba pang teksto.”
27 Sa susunod na pagtawag sa telepono, ipinagugunita niya sa maybahay ang kanilang dating pinag-usapan at sinasabi na nais niyang basahin mula sa Bibliya kung ano ang magiging kalagayan kapag inalis na ang kabalakyutan. Pagkatapos ay tinatalakay niya sa maikli ang Bibliya sa maybahay. Sa maraming pakikipag-usap sa telepono, 35 tao ang nag-anyaya sa kaniya sa kanilang tahanan at pitong pantahanang pag-aaral sa Bibliya ang napasimulan! Mahirap ba kung minsan para sa inyo na gumawa ng mga pagdalaw-muli sa mga taong interesado sa mga buwan ng taglamig dahilan sa ang mga kalsada ay hindi maaaring daanan, sa mayelong mga kalagayan, o dahil sa karamdaman? Kung gayon, bakit hindi makipag-ugnayan sa kanila sa pamamagitan ng telepono?
28 Subaybayan ang Nasumpungang Interes sa mga Lugar ng Negosyo: Mas malaki ang nasasangkot sa paggawa sa mga tindahan kaysa pag-aalok lamang ng mga magasin. Maraming nagtitinda ang taimtim na interesado sa katotohanan, at ang gayong interes ay maaaring linangin. Sa ilang kaso, maaaring posibleng makapag-usap hinggil sa Bibliya o kahit na makapag-aral sa kanilang lugar ng negosyo. Sa ibang kaso, kayo at ang interesadong tao ay maaaring magkita sa panahon ng pamamahinga sa tanghali o sa iba pang kombinyenteng panahon.
29 Isang naglalakbay na tagapangasiwa ang dumalaw sa may-ari ng isang maliit na tindahan ng groseri at nag-alok na itanghal ang isang pag-aaral sa Bibliya. Nang itanong kung gaano katagal ang pagtatanghal, sinabi ng naglalakbay na tagapangasiwa na ito ay tatagal lamang ng 15 minuto. Dahilan dito, nagsabit ang nagtitinda ng karatula sa pintuan: “Babalik pagkaraan ng 20 Minuto,” kumuha ng dalawang silya, at ang dalawa ay nag-usap sa unang limang parapo ng aklat na Kaalaman. Ang taimtim na taong ito ay humanga sa kaniyang natutuhan anupat siya’y dumalo sa Pahayag Pangmadla at Pag-aaral sa Bantayan ng Linggong iyon at sumang-ayong ipagpatuloy ang pag-aaral sa susunod na linggo.
30 Sa pag-aalok ng pag-aaral sa lugar ng negosyo, maaari ninyong sabihin ang ganito: “Ang aming programa sa pag-aaral ng Bibliya ay maitatanghal sa loob lamang ng 15 minuto. Kung kombinyente, nagagalak akong ipakita sa inyo kung paano ito isinasagawa.” Kung gayon, manatili sa sinabing oras. Kung hindi posibleng magkaroon ng mahabang pag-uusap sa lugar ng negosyo, maaaring mas angkop na dalawin ang nagtitinda sa kaniyang tahanan.
31 Dumalaw-Muli Kahit na Walang Naisakamay na Literatura: Bawat kislap ng interes ay angkop sa isang pagdalaw-muli, nakapagsakamay man ng literatura o hindi. Sabihin pa, kung naging maliwanag na hindi talagang interesado ang maybahay sa mensahe ng Kaharian, ang pinakamabuti’y ibaling ang inyong pagsisikap sa iba pa.
32 Sa paggawa sa bahay-bahay, natagpuan ng isang kapatid ang isang babae na palakaibigan subalit matinding tumanggi sa alok na mga magasin. Ang mamamahayag ay sumulat: “Sa loob ng ilang araw ay laman siya ng aking isipan at gusto ko siyang kausaping muli.” Sa wakas, siya’y nanalangin, nag-ipon ng katapangan, at kumatok sa pintuan ng babae. Siya’y natuwa nang anyayahan siya ng maybahay sa loob. Isang pag-aaral sa Bibliya ang napasimulan, at ito ay idinaos muli sa sumunod na araw. Nang dakong huli, ang maybahay ay sumapit sa katotohanan.
33 Magplano Nang Patiuna Upang Tamuhin ang Pinakamabuting Resulta: Inirerekomenda na gumugol ng ilang panahon bawat linggo sa pagsasagawa ng mga pagdalaw-muli. Malaki ang maisasakatuparan kung may mabuting pagpaplano. Isaayos na gumawa ng mga pagdalaw sa lugar na gagawin din ninyo sa pagbabahay-bahay upang hindi maaksaya ang malaking panahon sa paglalakbay.
34 Yaong mga naging matagumpay sa pagsasagawa ng mga pagdalaw-muli at sa pagpapasimula ng mga pag-aaral sa Bibliya ay nagsasabi na mahalagang ipakita ang taimtim na personal na interes sa mga tao at laging isipin sila kahit na pagkatapos maisagawa ang pagdalaw. Mahalaga rin na gumamit ng nakatatawag-pansing paksa sa Bibliya at ilatag ang pundasyon para sa pagdalaw-muli bago umalis sa unang pagdalaw. Karagdagan pa, mahalaga na karaka-rakang bumalik upang masubaybayan ang interes. Ang tunguhin na magpasimula ng isang pag-aaral sa Bibliya ay dapat na laging taglayin sa isipan.
35 Isang mahalagang katangian para sa matagumpay na mga pagdalaw-muli ay ang katapangan. Paano matatamo ito? Ang apostol Pablo ay sumasagot sa pagsasabing tayo’y ‘nag-iipon ng katapangan’ upang ipahayag ang mabuting balita sa iba “sa pamamagitan ng ating Diyos.” (1 Tes. 2:2) Kung kailangan kayong sumulong sa larangang ito, manalangin kay Jehova ukol sa tulong. Pagkatapos, kasuwato ng inyong mga panalangin, subaybayan ang lahat ng interes. Tiyak na pagpapalain ni Jehova ang inyong mga pagsisikap!
[Kahon sa pahina 3]
Paano Magiging Matagumpay sa Pagsasagawa ng mga Pagdalaw-muli
◼ Ipakita ang taimtim na personal na interes sa mga tao.
◼ Pumili ng isang nakatatawag-pansing paksa sa Bibliya na inyong tatalakayin.
◼ Ilatag ang pundasyon sa bawat sunud-sunod na pagdalaw.
◼ Patuloy na isaisip ang tao kahit pagkatapos na dumalaw.
◼ Bumalik pagkatapos ng isa o dalawang araw upang subaybayan ang interes.
◼ Ingatan sa isipan ang inyong tunguhin na magpasimula ng isang pag-aaral sa Bibliya.
◼ Manalangin ukol sa tulong upang mag-ipon ng katapangan sa gawaing ito.