“Ituro . . . ang Lahat ng mga Bagay na Iniutos Ko sa Inyo”
1 Nasasangkot ang pagtuturo sa paggawa ng mga alagad. Bago maging isang alagad ni Kristo ang isang indibiduwal, kailangang ituro sa kaniya “na ganapin ang lahat ng mga bagay” na iniutos ni Jesus. (Mat. 28:19, 20) Ang pinakamabuting paraan upang isagawa ito ay sa pamamagitan ng pantahanang pag-aaral sa Bibliya.
2 Hindi laging madaling pasimulan ang mga pag-aaral sa Bibliya, subalit huwag masiraan ng loob. Ang tagumpay sa pagsisimula ng mga pag-aaral sa Bibliya ay nangangailangan ng determinasyon at taimtim na pagnanais na ibahagi ang katotohanan sa iba.—Gal. 6:9.
3 Pagpapasulong ng Interes: Sa una ninyong pagdalaw, batay sa mga kalagayan, isang tract, isang brochure, o mga magasin ang maaaring maiwan sa maybahay. Maaari ninyong gamitin ang isa sa mga ito sa pagpapasimula ng isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Kung ang maybahay ay nagpakita ng karagdagang interes sa pabalita, maaaring akayin siya sa ibang angkop na publikasyon sa susunod na pagdalaw.
4 Paghahanda ang susi sa tagumpay. Bakit hindi piliin nang patiuna ang isang teksto sa Kasulatan na sinisipi sa tract, brochure, o magasin na pinaplano ninyong gamitin sa inyong pagdalaw muli? Sa ganitong paraa’y maiuugnay ninyo sa inyong pag-uusap ang mga komento mula sa publikasyon. Maaari ding mabasa ninyo ang isa o dalawang parapo nang tuwiran mula sa publikasyon.
5 Maaari ninyong sabihin ito:
◼ “Ibinabahagi namin ang ilang impormasyon hinggil sa isang kamangha-manghang hula na natutupad na ngayon.” Basahin ang Mateo 24:3, at pagkatapos ay iugnay sa larawan at sa komento sa pahina 24 ng brochure na “Narito!” Maaari ding gamitin ang nakakatulad na paglapit kapag inihaharap ang tract na Ang Sanlibutan Bang Ito ay Makaliligtas?
6 Minsang nagpakita ng tunay na interes, kailangang karakarakang subaybayan iyon. Sikaping bumalik sa loob ng isang linggo upang ang huling pag-uusap ay sariwa pa sa isip ng maybahay. Sa bawat pagdalaw ninyo, isaalang-alang ang ilang parapo sa publikasyong iniwan ninyo. Pagkatapos, sa isang angkop na pagkakataon, maaari ninyong iharap ang aklat na Mabuhay Magpakailanman, na ipinagpapatuloy ang gayon ding paraan.
7 Sa ngayon ay malaki pa ang gawaing dapat isagawa sa dakilang pag-aani na inihula ni Jesus. (Mat. 9:37, 38) Habang patuloy tayong nagtuturo sa tapat-pusong mga tao, taglay natin ang nakapagpapatibay na kasiguruhan mula kay Jesus na ‘siya’y sumasaatin sa lahat ng mga araw hanggang sa katapusan ng sistemang ito ng mga bagay.’