Kung Paano Gagamitin ang Magandang Balita Mula sa Diyos!
Bagong Brosyur na Dinisenyo Para Tulungan Tayo sa mga Pagdalaw-Muli at Pagpapasimula ng mga Pag-aaral sa Bibliya
1. Anong bagong brosyur na inilabas sa “Ingatan Mo ang Iyong Puso!” na Pandistritong Kombensiyon ang dinisenyo para tulungan tayo sa mga pagdalaw-muli at pagpapasimula ng mga pag-aaral sa Bibliya?
1 Sa “Ingatan Mo ang Iyong Puso!” na Pandistritong Kombensiyon, natuwa tayong tumanggap ng bagong brosyur na tutulong sa atin sa mga pagdalaw-muli at pagpapasimula ng mga pag-aaral sa Bibliya. Ang Magandang Balita Mula sa Diyos! ang kapalit ng brosyur na Hinihiling. Maiikli rin ang mga aralin ng bagong brosyur, kaya angkop itong gamitin sa pagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya sa may pintuan. Gayunman, kung ang tinatalakay ng brosyur na Hinihiling ay ang mga kahilingan sa mga Kristiyano, na maaaring mahirap tanggapin ng mga bago pa lang nag-aaral ng Bibliya, ang itinatampok naman ng bagong brosyur ay ang mabuting balita na nasa Bibliya.—Gawa 15:35.
2. Bakit inilathala ang brosyur na Magandang Balita?
2 Bakit ito inilathala? Ang mga kapatid sa buong mundo ay humihiling ng isang simpleng publikasyon na pupukaw ng interes ng mga tao sa katotohanan at maipagpapatuloy sa aklat na Itinuturo ng Bibliya, ang pangunahin nating publikasyon sa pagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya. May mga taong atubiling mag-aral gamit ang isang aklat, pero baka mas gusto nilang mag-aral kung brosyur ang gagamitin. Bukod diyan, ang isang brosyur ay mas madaling isalin sa maraming wika.
3. Paano naiiba ang brosyur na ito sa ibang publikasyong ginagamit natin sa pagtuturo ng Bibliya?
3 Ang Pagkakaayos at Nilalaman Nito: Marami sa mga publikasyong ginagamit natin sa pagtuturo ang isinulat sa paraang madaling maintindihan ng mga tao kahit walang magturo sa kanila. Pero iba ang brosyur na ito. Isinulat ito para sa pag-aaral ng Bibliya kasama ng isang tagapagturo. Kaya kapag iniaalok ito, makabubuting talakayin ang isa o dalawang parapo. Maiikli lang ang parapo kaya magagawa ito kahit sa may pintuan o sa lugar ng trabaho o negosyo. Magandang magsimula sa aralin 1, pero puwedeng magsimula sa alinmang aralin.
4. Paano tayo tinutulungan ng brosyur na magturo mula mismo sa Bibliya?
4 Sa maraming publikasyon natin, ang sagot sa mga tanong ay nasa parapo. Pero sa publikasyong ito, ang mga sagot ay pangunahin nang makikita sa Bibliya. Ang karamihan sa mga tao ay gustong matuto mula sa Bibliya sa halip na mula sa ating literatura. Kaya bihira sa mga binanggit na teksto ang sinipi sa parapo. Ang mga ito ay dapat basahin sa Bibliya mismo. Tutulong ito para makita ng mga estudyante na ang natututuhan nila ay mula sa Diyos.—Isa. 54:13.
5. Bakit mahalaga na maghandang mabuti ang mamamahayag para sa bawat pag-aaral?
5 Hindi ipinaliliwanag ng brosyur ang lahat ng teksto. Bakit? Dinisenyo ito para himukin ang estudyante na magtanong at hayaang magamit ng mamamahayag ang kaniyang kakayahang magturo. Kaya mahalaga na maghandang mabuti para sa bawat pag-aaral. Pero tandaan: Huwag lang ikaw ang magsalita nang magsalita. Gustung-gusto nating ipaliwanag ang mga teksto. Ngunit mas magiging mabisa tayo kung hihimukin natin ang estudyante na ipaliwanag kung ano ang intindi niya sa teksto. Sa pamamagitan ng mataktikang pagtatanong, matutulungan natin siyang mangatuwiran batay sa kahulugan ng bawat teksto.—Gawa 17:2.
6. Paano natin magagamit ang brosyur (a) kapag nag-aalinlangan ang mga tao sa Diyos at sa Bibliya? (b) kapag nagbabahay-bahay? (c) sa pagpapasimula ng mga pag-aaral sa Bibliya gamit ang tuwirang pag-aalok? (d) sa mga pagdalaw-muli?
6 Gaya ng ibang publikasyong ginagamit natin sa pagtuturo ng Bibliya, ang brosyur na ito ay maiaalok kahit kailan, anuman ang alok natin para sa buwan. Masisiyahan ang marami na gamitin ito sa tuwirang pag-aalok ng pag-aaral sa Bibliya sa may pintuan. Bukod diyan, gaya ng binanggit sa pandistritong kombensiyon, napakalaking tulong ng brosyur na ito kapag dumadalaw-muli sa mga nagpakita ng interes.—Tingnan ang mga kahon sa pahina 5-7.
7. Paano mo magagamit ang brosyur sa pagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya?
7 Kung Paano Magdaraos ng Pag-aaral: Maaari nating simulan ang pagtalakay sa pagbasa ng naka-bold na tanong. Pagkatapos, basahin ang parapo at ang (mga) tekstong nakaitaliko. Mataktikang magtanong para tulungan ang may-bahay na maunawaan ang kahulugan ng mga teksto. Bago lumipat sa kasunod na seksiyon, hilingin sa may-bahay na sagutin ang naka-bold na tanong para matiyak na naunawaan niya ang punto. Sa mga unang pagdalaw, makabubuti kung isang tanong lang ang tatalakayin. Sa kalaunan, baka puwedeng isang buong aralin ang talakayin.
8. Ano ang dapat sabihin bago basahin ang mga teksto, at bakit?
8 Ang mga teksto na sinasabing “basahin” ang tuwirang sumasagot sa tanong. Bago basahin ang teksto, iwasang sabihin, “Isinulat ni apostol Pablo” o, “Pansinin ang inihula ni Jeremias.” Baka isipin ng may-bahay na mga salita lang ng tao ang binabasa natin. Mas makabubuting sabihin, “Sinasabi ng Salita ng Diyos” o, “Pansinin ang inihula ng Bibliya.”
9. Dapat bang basahin ang lahat ng binanggit na teksto sa panahon ng pag-aaral?
9 Dapat bang basahin ang lahat ng binanggit na teksto o iyon lang sinabing “basahin”? Depende ito sa kalagayan. Hindi binanggit ang mga teksto para lang ipakita kung saan sa Bibliya matatagpuan ang isang punto. Ang bawat teksto ay may impormasyon na magandang pag-usapan. Pero sa ilang kaso, kung ang estudyante ay walang gaanong panahon, di-masyadong interesado, o mahina sa pagbasa, baka mabuting buksan lang ang mga teksto na sinabing “basahin.”
10. Kailan natin maililipat sa aklat na Itinuturo ng Bibliya ang pag-aaral?
10 Kung Kailan Ito Ililipat sa Aklat na Itinuturo ng Bibliya: Pagkatapos ng ilang pagtalakay at regular na ang pag-aaral, maaari itong ilipat sa aklat na Itinuturo ng Bibliya o ituloy lang ang pag-aaral sa brosyur na Magandang Balita hanggang sa matapos ito. Ang mamamahayag ang magpapasiya kung kailan praktikal na itong ilipat sa aklat. Kung gagawin ito, dapat bang magsimula sa unang kabanata ng aklat? Walang mahigpit na tagubilin tungkol dito. Iba-iba ang mga estudyante. Pero ang karamihan ay makikinabang sa muling pagtalakay sa mga paksa nang mas detalyado sa aklat na Itinuturo ng Bibliya.
11. Bakit dapat nating gamiting mabuti ang bagong brosyur na ito?
11 Sa daigdig na bihira ang magandang balita, malaking pribilehiyo natin na ipahayag ang pinakamagandang balita—na ang Kaharian ng Diyos ay namamahala na at malapit na nitong pairalin ang isang bagong sanlibutan na tinatahanan ng katuwiran! (Mat. 24:14; 2 Ped. 3:13) Nagtitiwala tayo na marami sa makaririnig sa mensaheng ito ang magsasabi: “Pagkaganda-ganda sa ibabaw ng mga bundok ng mga paa niyaong nagdadala ng mabuting balita, na naghahayag ng kapayapaan, na nagdadala ng mabuting balita tungkol sa bagay na mas mabuti, na naghahayag ng kaligtasan, na nagsasabi sa Sion: ‘Ang iyong Diyos ay naging hari!’” (Isa. 52:7) Gamitin nawa natin ang bagong brosyur na ito upang dalhin ang magandang balita mula sa Diyos sa mga nauuhaw sa katotohanan sa ating teritoryo!
[Kahon sa pahina 5]
Kapag Nag-aalinlangan ang mga Tao sa Diyos at sa Bibliya:
● Sa ilang lugar, ayaw nang makipag-usap ng mga tao kapag narinig nila ang mga salitang “Diyos” at “Bibliya.” Sa gayong kalagayan, baka mabuting pag-usapan sa unang pagdalaw ang mga paksang ikinababahala ng mga tao, gaya ng pangangailangan para sa isang mahusay na gobyerno, kung saan makakakuha ng praktikal na tulong para sa pamilya, at kung ano ang magiging kinabukasan natin. Marahil puwede nang ipakita ang brosyur na Magandang Balita pagkatapos ng ilang pagdalaw at napag-usapan na kung ano ang katunayan na may Diyos at kung bakit mapagkakatiwalaan ang Bibliya.
[Kahon sa pahina 6]
Kapag Nagbabahay-bahay:
● “Dumadalaw ako para ipakita na madali lang malaman kung ano ang layunin ng Diyos para sa mga tao. Naisip mo na ba kung aalisin pa kaya ng Diyos ang pagdurusa? [Hayaang sumagot.] Ipinakikita ng brosyur na ito kung saan sa Bibliya mababasa ang sagot sa tanong na iyan. [Iabot sa kaniya ang isang brosyur, at basahin ang unang parapo sa aralin 1, gayundin ang Jeremias 29:11.] Batay sa binasa natin, gusto ba ng Diyos na magkaroon tayo ng magandang kinabukasan? [Hayaang sumagot.] Kung gusto mo, sa iyo na iyan. Sa susunod, puwede nating pag-usapan ang ikalawang parapo para masagot natin mula sa Bibliya ang tanong na, ‘Paano aalisin ng Diyos ang mga sanhi ng pagdurusa sa lupa?’” Kung may panahon pa ang may-bahay sa unang pagdalaw, baka puwedeng basahin at talakayin ang ikalawang parapo at ang tatlong teksto sa Bibliya. Sabihing babalik ka para talakayin ang ikalawang tanong sa aralin.
● “Maraming tao ang nananalangin, lalo na kapag may problema sila. Nananalangin ka rin ba? [Hayaang sumagot.] Sa palagay mo, pinakikinggan ba ng Diyos ang lahat ng panalangin, o posible kaya na hindi niya pinakikinggan ang ilan? [Hayaang sumagot.] May dala akong brosyur na nagpapakita kung ano ang sagot ng Bibliya sa mga tanong na iyan. [Iabot sa kaniya ang isang kopya, at talakayin ang unang parapo sa aralin 12 at ang mga teksto na sinabing “basahin.”] Hindi ba’t nakatutuwang malaman na handang makinig sa atin ang Diyos? Ngunit para maging kaayon ng kalooban ng Diyos ang ating panalangin, kailangan na lubusan natin siyang kilala. [Buksan ang aralin 2 at ituro ang mga tanong.] Kung gusto mo, iiwan ko sa iyo ang brosyur na iyan, at sa susunod, puwede nating tingnan ang sagot ng Bibliya sa magagandang tanong na ito.”
● “Dumadalaw ako dahil nababahala ang mga tao kung ano ang kahihinatnan ng daigdig na ito. Sa palagay mo, bubuti pa kaya ang mga kalagayan? [Hayaang sumagot.] Nagugulat ang marami kapag nalaman nila na may magandang balita sa Bibliya na nagbibigay sa atin ng pag-asa. Ito ang ilang tanong na sinasagot ng Bibliya.” Iabot sa kaniya ang isang brosyur, at papiliin siya ng isang tanong sa pabalat sa likod na gusto niyang masagot. Buksan ang araling iyon, at ipakita ang paraan ng pag-aaral. Sabihing babalik ka para pag-usapan ang susunod na tanong sa araling iyon.
[Kahon sa pahina 7]
Subukan ang Tuwirang Pag-aalok:
● “Dumadalaw ako para sabihin sa iyo ang tungkol sa isang bagong paraan ng pag-aaral sa Bibliya. Ang brosyur na ito ay may 15 aralin na nagpapakita kung saan sa Bibliya mababasa ang sagot sa mahahalagang tanong na ito. [Ipakita ang pabalat sa harap at sa likod.] Nasubukan mo na bang unawain ang sinasabi ng Bibliya? [Hayaang sumagot.] Gusto kong ipakita kung gaano kadaling pag-aralan ang mga aralin dito. [Talakayin ang unang parapo sa ilalim ng ikatlong tanong sa aralin 3, at basahin ang Apocalipsis 21:4, 5. Kung angkop, talakayin ang sumunod na parapo at ang mga teksto na sinabing “basahin.”] Kung gusto mo, iiwan ko na sa iyo ang brosyur na iyan. Subukan mong mag-aral ng Bibliya kahit isang beses lang. Kung magugustuhan mo, puwede mong ipagpatuloy. Sa susunod, puwede nating pag-usapan ang unang aralin. Isang pahina lang naman ito.”
[Kahon sa pahina 7]
Gamitin Ito sa Pagdalaw-Muli:
● Kapag dumadalaw-muli sa isang nagpakita ng interes, puwede nating sabihin: “Mabuti at nadatnan kita. Dinalhan kita ng isang brosyur na nagpapakita sa sagot ng Bibliya sa maraming magagandang tanong. [Iabot sa kaniya ang brosyur, at ituro ang pabalat sa likod.] Alin sa mga paksang ito ang gusto mo? [Hayaang sumagot. Saka buksan sa araling pinili niya.] Gusto kong ipakita kung paano magagamit ang brosyur na ito para malaman ang sagot ng Bibliya.” Ipakita ang paraan ng pag-aaral sa pamamagitan ng pagtalakay sa isa o dalawang parapo at sa mga teksto na sinabing “basahin.” Ganiyan kadaling magbukas ng pag-aaral sa Bibliya! Iwan ang brosyur sa may-bahay, at sabihing babalik ka. Kapag natapos ang aralin, puwede mong talakayin ang isa pang aralin na napili ng may-bahay o kaya’y simulan sa unang aralin ng brosyur.