Matutong Makibagay sa Inyong Ministeryo
1 Sinasabing ang pagkasari-sari ay rekado ng buhay. Kadalasan, ang naiibang paraan ng pagpapasimula sa isang paksa ay gumagawa rito na higit na kapanapanabik. Ito’y totoo sa ating ministeryo. Kung hindi tayo maingat, ang ating presentasyon ay maaaring magkakatulad lamang. Ang pag-ulit ng iyo’t iyon ding mga pambungad ay maaaring nakasasawa na sa atin at sa mga maybahay. Kaya, matutong makibagay sa inyong ministeryo. Papaano magagawa ito?
2 Sa halip na sabihing, ‘magandang umaga po. Kami ay dumadalaw sa aming mga kapitbahay taglay ang mabuting balita ng Kaharian,’ bakit hindi mag-isip ng mga pamamaraan upang ibahin ang inyong pambungad na mga salita? Sa mga pahina 9-15 ng aklat na Nangangatuwiran, may mga pambungad sa 18 mga iba’t ibang paksa. At may dalawa, tatlo, o higit pang mga pambungad sa karamihang mga paksa.
3 Kung kayo ay gumagamit ng brochure na “Talaga Bang Minamahal Tayo ng Diyos?,” ang pambungad na ito mula sa seksiyong “Buhay/Kaligayahan” sa pahina 10 (pahina 13 sa Ingles) ay maaaring makatulong:
◼ “Nakikipag-usap kami sa mga tao na talagang nababahala tungkol sa kaurian ng buhay sa ngayon. Marami ang nag-iisip, Posible nga kaya ang isang tunay na maligayang buhay? Ang brochure na ito ay naglalaan ng nakapagpapatibay na punto-de-vista.” Buksan ang brochure sa pahina 25 at basahin ang mga punto sa parapo 15 at 16.
4 Nasumpungan ng ilang mamamahayag na ang isang kapanapanabik na paglapit ay maaaring gawin sa pamamagitan ng paggamit ng mga tract.
Ang isang kabataang mamamahayag ay maaaring gumamit ng tract na “Tamasahin ang Buhay Pampamilya” at sabihing:
◼ “Taglay ko ang isang maikling mensahe para sa inyo kung papaano mabubuklod ng Diyos ang mga pamilya sa kaligayahan. Nais kong ibigay sa inyo ang tract na ito na pinamagatang Tamasahin ang Buhay Pampamilya.” Ang matandang mamamahayag na gumagawang kasama ng mga kabataan ay maaaring magpasiya kung magdaragdag pa ng komento.
5 Kung ang maybahay ay nagpapakita ng interes, ang matandang mamamahayag ay maaaring magsabi:
◼ “Ipinakikita ng Bibliya ang wastong papel ng asawang lalake, ng asawang babae, at ng mga anak sa kaayusang pampamilya. Yamang Diyos ang Tagapagsimula ng pamilya, hindi ba kayo sasang-ayon na siya ang pinakamagaling na makapagsasabi sa atin kung papaano dapat gumana ang pamilya? Nais kong marinig ang inyong opinyon hinggil sa payo ng Bibliya sa mga miyembro ng pamilya.” Pagkatapos ay basahin ang Efeso 5:22, 23, 28-31.
6 Kung inihaharap ninyo ang aklat na Creation, bakit hindi itampok ang kinabukasan gaya ng sinasabi sa Apocalipsis 21:3, 4? Pagkatapos ay basahin ang parapo 13 sa pahina 239 ng aklat. Tanungin ang maybahay kung siya’y naniniwala na tutuparin ng Diyos ang mga pangakong ito. Ang isang maikling pagtalakay sa mga hula sa Bibliya na natupad na, gaya ng ipinakikita sa kabanata 18 ng aklat, ay dapat na magpatibay sa pananampalataya ng maybahay sa kakayahan ng Diyos na pagpalain ang sangkatauhan.
7 Ang lahat ng mga tagapagbalita ng Kaharian ay dapat na may pagnanais na bumahagi sa pagpapasulong ng mga kapakanang teokratiko, pagtatanim ng mga binhi ng katotohanan hanggat maaari at paglinang sa ipinakitang interes. Pagkaganap ng ating bahagi, may kaligayahan nating maipagpapaubaya ang paglago sa hinaharap sa kamay ni Jehova.—1 Cor. 3:6.