Pagtulong sa Iba na Makilala ang Isang Dakilang Kayamanan
1 Kapag tayo ay nangangaral ng mabuting balita ng Kaharian, isa sa ating tunguhin ay ang tulungan ang mga tao na makilala ang kahalagahan ng Salita ng Diyos. (Fil. 3:8) Ang ating literatura ay gumaganap ng isang mahalagang bahagi sa pagpapalaganap ng pabalita ng Kaharian. Halimbawa, ang aklat na Mabuhay Magpakailanman ay nakatulong sa daan-daang libong mga tao na maglingkod kay Jehova bilang resulta ng pagkaalam nila sa katotohanan.
2 Ang ating ministeryo ay nagsasangkot ng higit pa kaysa pag-iiwan lamang ng mga literatura sa mga tao. Kailangan nating iharap ang pabalita sa nakakaakit na paraan, makinig taglay ang pang-unawa sa sinasabi ng maybahay, at maging handang ‘makipagkatuwiranan sa kaniya mula sa Kasulatan.’—Gawa 17:2.
3 Papaano Maisasagawa Ito? Ang ating mga pambungad ay makapagbubukas ng daan para maipakita ng mga maybahay kung sila’y tunay na interesado sa Bibliya at sa pabalita nito.
Maaari ninyong sabihin:
◼ “Kami ay dumadalaw upang talakayin kung ano ang kahulugan ng nangyayari ngayon sa daigdig. Karamihan sa mga tao ay lumiit ang interes sa Diyos at sa kaniyang mga pamantayan sa pamumuhay salig sa Bibliya. Ito ay nakaimpluwensiya nang malaki sa saloobin ng mga tao sa isa’t isa. Napapansin ba ninyo ito? [Hayaang magkomento. Maaari kayong tumukoy sa mga espesipikong pangyayari.] Pakisuyong pansinin ang saloobin ng mga binabanggit sa 2 Timoteo 3:1-5, at sabihin ninyo sa akin kung sa palagay ninyo’y ganito nga ang daigdig sa ngayon. [Basahin; hayaang magkomento.] May makatuwirang dahilan ba upang asahan ang mas mabuting kalagayan sa hinaharap?” Bumaling sa larawan sa mga pahina 12 at 13 sa aklat na Mabuhay Magpakailanman at akayin ang pansin sa mga parapo 12 at 13. Ialok ang aklat.
4 Kung isang magulang ang lumapit sa pintuan, maaari nating pasimulan ang pag-uusap sa ganitong paraan:
◼ “Kami’y nakikipag-usap sa mga taong interesado kung papaano natin higit na mapagtatagumpayan ang mga suliranin ng buhay pampamilya. Sinisikap nating lahat na gawin sa ganang sarili kung ano ang makakayanan natin sa pinakamabuting paraan, subalit kung mayroong makakatulong sa atin upang tamuhin ang higit na tagumpay, interesado tayo, hindi ba? [Hayaang sumagot.] Ang Bibliya ay nagbibigay ng patnubay sa bagay na ito gaya ng masusumpungan natin sa Colosas 3:12-14. [Basahin.] Kaya, ano ang kailangan upang tamasahin ang isang matagumpay na buhay pampamilya? Pansinin kung ano ang sinasabi sa publikasyong ito sa kabanata na pinamagatang ‘Ginagawang Matagumpay ang Buhay-Pamilya.’” Basahin ang parapo 3 sa pahina 238 ng aklat na Mabuhay Magpakailanman. Kung abala ang maybahay o hindi kaagad tumugon, subuking iharap ang bagong labas ng magasin na tumatalakay hinggil sa pamilya o ang tract na Tamasahin ang Buhay Pampamilya.
5 Hindi natin nanaising makaligtaan kailanman ang ating layunin sa pagbibigay ng patotoo hinggil sa Kaharian. (Mat. 24:14) Sa pamamagitan ng mabuting paggamit ng Bibliya at ng kamangha-manghang kayamanan ng teokratikong literaturang taglay natin, makatitingin tayong may pagtitiwala kay Jehova ukol sa kaniyang pagpapala sa pagsasakatuparan ng kaniyang kalooban sa napakahalagang mga panahong ito.—Gal. 6:9.