Nagbabalik Upang Magpasigla ng Interes sa Bibliya
1 Kung minsan tayo’y may nasusumpungang mga tao sa paglilingkod sa larangan na nagpapakita ng interes sa mabuting balita subalit masyadong abala upang makipag-usap sa atin noong tayo’y dumalaw. Sinisikap ba nating dumalaw muli sa ibang panahon upang ibahagi sa kanila ang katotohanan? O marahil tayo’y nagkaroon ng isang kapanapanabik na pakikipag-usap sa isang maybahay, subalit hindi siya kumuha ng anumang literatura. Tayo ba’y nagbabalik upang makipag-usap sa kaniya nang higit pa?
2 Mahalaga na subaybayan ang lahat ng interes na ating nasumpungan. Tayo ba’y gumagawa ng mga pagdalaw muli doon lamang sa mga kumukuha ng literatura? Kung gayon, maaaring nakakaligtaan natin ang ilang mga taong interesado. Tunay na hindi natin ibig hatulan na hindi karapatdapat ang sinuman dahilan lamang sa hindi siya kumuha ng literatura. (Ihambing ang Roma 14:4.) Marahil pagkatapos ng ating pagdalaw, maaaring pag-isipan ng isang maybahay kung ano ang ating sinabi anupat magiging mas madali na siyang lapitan sa ating pagbabalik.
3 Kapag dumadalaw muli sa isang taong naging abala noon, maaari ninyong sabihin:
◼ “Nagagalak akong makita kayong muli. Noong huli kong punta rito, hindi tayo nakapag-usap dahilan sa wala kayong panahon. Nakikita kong kayo’y isang taong abala, anupat hindi ako magtatagal. Marahil ay nais ninyo ng mabuting kalusugan para sa inyo at sa inyong mga minamahal. Bueno, alam ba ninyo na ipinangako ng Diyos na wawakasan ang lahat ng mga sakit? [Hayaang sumagot.] Pansinin ang punto sa parapo 4 ng brochure na pinamagatang ‘Narito! Ginagawa Kong Bago ang lahat ng mga Bagay.’” Kung ipinahihintulot ng panahon, basahin ang parapo at pagkatapos ay isaalang-alang ang isa sa mga kasulatan sa ibaba ng pahina 4 na naglalarawan sa mga kalagayan sa bagong sanlibutan. Kung nagustuhan ng maybahay, maaari kayong magsimula ng isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya.
4 Kapag dumadalaw muli sa isa na tumanggap ng isang tract, maaari ninyong sabihin ang ganito:
◼ “Noong huli ko kayong makita, tinanggap ninyo ang isang kopya ng tract na ito na pinamagatang Sino Talaga ang Nagpupuno sa Sanlibutan? Mahirap bang tanggapin na si Satanas ang nagpupuno sa sanlibutang ito? [Hayaang sumagot.] Pansinin ang unang parapo sa pahina 6.” Basahin ang parapo, pagkatapos ay magtanong: “Bakit nais ni Satanas na dayain tayo? Pagkatapos na sumagot ang maybahay, isaalang-alang ninyong dalawa ang ikaapat na parapo sa pahina 3. Maaari kayong magpatuloy sa masinsinang pagsasaalang-alang ng tract, o maaari ninyong iharap ang brochure na Talaga Bang Minamahal Tayo ng Diyos? at isaalang-alang ang parapo 8 sa pahina 13.
5 May mabuting dahilan upang maging positibo at subaybayan ang interes na ating nasumpungan sa ating gawaing pangangaral kahit na bahagya lamang iyon.
6 Kung nagkaroon kayo ng isang kasiyasiyang pakikipag-usap sa isang may bahagya lamang interes, huwag kaligtaang dumalaw muli upang linangin ang interes. Maaaring maging daan ito sa pagpapasimula ng isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya at paglalagay sa isa sa daan tungo sa buhay.—1 Tim. 4:16.