Tulungan ang Tulad-Tupang mga Tao na Magtayo sa Isang Matatag na Pundasyon
1 Ang pagtatayo ng bahay ay nangangailangan ng maingat na pagpaplano at samasamang pagsisikap. Pagkatapos na idisenyo ang bahay, dapat na ihanda ang lugar ng pagtatayuan at ilatag ang isang matatag na pundasyon. Ang proyekto ay unti-unti magkakaanyo hanggang sa ito’y ganap na matapos. Gayundin, kailangan nating tulungan ang tulad-tupang mga tao na matuto ng katotohanan sa pasulong na paraan. Ating pinagsisikapang antigin ang interes sa unang pagdalaw. Pagkatapos, tayo ay gumagawa ng mga pagdalaw muli, naglalatag ng pundasyon sa pamamagitan ng pagtuturo ng saligang mga katotohanan tungkol sa Diyos at sa kaniyang layunin para sa sangkatauhan.—Luc. 6:48.
2 Sa buwan ng Nobyembre ating iaalok ang aklat na Mabuhay Magpakailanman sa mga taong interesado. Ang ating tunguhin ay hindi lamang ang makapaglagay ng literatura kundi kapag tayo’y may naiwan na anuman sa tao, maging ito ay tract o ibang publikasyon tayo’y magiging interesadong bumalik upang magtayo sa nailatag na pundasyon. Kapag tayo ay bumalik nanaisin nating magtaglay ng mga espesipikong punto sa isipan, at pasulong na magtayo sa pundasyon. Sa bawat pagdalaw ang kaalaman ng maybahay ay lumalaki at ang kaniyang pananampalataya sa Diyos ay sumusulong.
3 Kung kayo ay nakapaglagay ng aklat na “Mabuhay Magpakailanman” sa pagbabalik ay maaari ninyong sabihin:
◼ “Ikinalulugod kong masumpungan kayo sa tahanan. Marahil ay natatandaan ninyo sa huli nating pag-uusap, na ating tinalakay ang lumiliit na interes ng mga tao sa Diyos. Malinaw na binabalangkas ng Bibliya na ang Diyos ay interesado sa sangkatauhan at na ang mga matutuwid ay pagpapalain sa pamamagitan ng kaniyang Kaharian. [Basahin ang Mateo 6:9, 10.] Sa pamamagitan ng Kahariang ito, ang katuwiran at katarungan ay mananatili.” Basahin ang Isaias 11:3-5, at pagkatapos ay akayin ang pansin ng maybahay sa unang dalawang parapo ng kabanata 1 ng aklat na Mabuhay Magpakailanman. Itanghal kung papaano pag-aaralan ang materyal.
4 Kung ang tract na Mapayapang Bagong Sanlibutan ang nailagay sa unang pagdalaw, ang mga pangunahing puntong isinaalang-alang ay maaaring repasuhin. Idiin na upang mabuhay sa bagong sanlibutan, kailangan tayong kumuha ng tumpak na kaalaman. Basahin ang Juan 17:3. Ipaliwanag na pagkatapos na kunin ang gayong kaalaman, kailangan nating gawin ang kalooban ng Diyos. Basahin ang 1 Juan 2:17. Akayin ang pansin ng maybahay sa mga espesipikong punto mula sa pahina 5 ng tract.
5 Kung ang paksa hinggil sa buhay pampamilya ang itinampok sa paglalagay ng aklat na “Mabuhay Magpakailanman,” sa inyong pagbabalik, maaari ninyong sabihin:
◼ “Noong huli kong pagdalaw, ating pinag-usapan ang paksa hinggil sa buhay pampamilya. Kapuwa tayo sumang-ayon na upang magkaroon ng maligayang buhay pampamilya, dapat na sundin ang mga patnubay na masusumpungan sa Bibliya. Ano sa palagay ninyo ang kailangan upang maging matagumpay ang pag-aasawa?” Hayaang tumugon. Itampok ang espesipikong mga punto mula sa impormasyong nakabalangkas sa mga pahina 243-6 ng aklat na Mabuhay Magpakailanman. Hilingin ang komento ng maybahay sa mga ilustrasyon at isaalang-alang ang mga piniling punto habang naaangkop.
6 Kung kayo’y nag-iwan ng tract na Tamasahin ang Buhay Pampamilya, sa inyong pagbabalik ay repasuhin ang mga susing simulain sa Bibliya na nakabalangkas sa pahina 4 at 5. Kung nagpakita ng interes, ialok ang aklat na Mabuhay Magpakailanman. Ipakita ang kabanata 29, “Ginagawang Matagumpay ang Buhay-Pamilya,” at ipakita kung papaano ito maaaring talakayin sa maybahay at sa kaniyang pamilya.
7 Tayong lahat ay dapat na magkaroon ng regular na bahagi sa pagsasagawa ng mga pagdalaw muli. Subaybayan ang lahat ng nagpakita ng interes sa pamamagitan ng paggawa ng mabisang mga pagdalaw muli sa Nobyembre.