Pagdaraos ng Isang Pantahanang Pag-aaral sa Bibliya
1 Papaano idaraos ang isang mabisang pantahanang pag-aaral sa Bibliya? Papaano isasaalang-alang ang mga kasulatan? Sino ang dapat bumasa ng mga parapo? Papaano natin tutulungan ang estudyante upang sumakanila ang katotohanan? Anong panganib ang dapat iwasan?
2 Papaano Magdaraos ng Pag-aaral: Karaniwan, ang pantahanang pag-aaral sa Bibliya ay nakakatulad ng Pag-aaral sa Bantayan. Una, binabasa ang parapo. Pagkatapos ang isa na nagdaraos ng pag-aaral ay magtatanong sa parapong iyon at hahayaang sumagot ang estudyante. Kung nag-aatubili ang estudyante, ang konduktor ay gagamit ng mga umaakay na katanungan upang tulungan ang estudyante na mangatuwiran sa paksa at sumapit sa wastong konklusyon.
3 Isaalang-alang kung papaano kumakapit ang mga kasulatan sa materyal. Ipakita sa estudyante ang siniping mga kasulatan, at tulungan siyang mangatuwiran kung papaano kumakapit ang mga ito. Kung ang mga kasulatan ay binanggit subalit hindi sinipi, makabubuting tingnan ang mga ito sa Bibliya. Pagkatapos ay ipabasa ang mga ito sa estudyante at magkomento kung papaano umaalalay ang mga ito sa sinasabi ng parapo.
4 Tulungan ang Estudyante Upang Sumakanila ang Katotohanan: Pasiglahin ang mga estudyante na maghandang mabuti para sa pag-aaral. Idiin na ang pagbabasa ay mahalaga upang matuto. Ipinababasa ng ilang konduktor ang lahat ng mga parapo sa estudyante. Ang iba naman ay nakikipaghalinhinan sa estudyante sa pagbasa ng mga ito. Kailangang gumamit ng mabuting pagpapasiya, na iniingatan sa isipan ang espirituwal na pagsulong ng estudyante.
5 Ang pagsaklaw sa materyal na pinag-aaralan sa kinaugaliang paraan nang walang praktikal na pagkakapit ay maaaring makatulong sa estudyante upang magkaroon ng kaalaman, subalit kaniya bang pinaniniwalaan ang kaniyang natututuhan? Upang sumakanya ang katotohanan, tanungin siya kung papaano nakakaapekto sa kaniya nang personal ang materyal. Papaano niya gagamitin ang kaniyang natutuhan? Gumamit ng mapanuring mga katanungan upang abutin ang puso ng estudyante.
6 Iwasan ang Panganib: May mga panganib na dapat iwasan kapag nagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya. Kapag lumitaw ang mga paksang walang kaugnayan sa materyal na isinasaalang-alang, kadalasa’y pinakamabuting talakayin ang mga iyon sa katapusan ng pag-aaral o sa ibang pagkakataon. Gayundin, mahalaga na sumagot ang estudyante sa sariling pananalita sa halip na basahin ang mga iyon mula sa aklat. Ito’y makatutulong sa inyo bilang konduktor na mabatid kung nauunawaan ng estudyante ang materyal.
7 Bakit hindi gawing tunguhin na magdaos ng kahit na isang pag-aaral sa Bibliya? Hindi ito mahirap na gawin kung tayo’y nananalig kay Jehova at sumusunod sa karaniwang paraan ng Pag-aaral sa Bantayan. Ang pinakamabisang paraan ng paggawa ng mga alagad ay sa pamamagitan ng pagdaraos ng pantahanang pag-aaral sa Bibliya.—Mat. 28:19, 20.