Ihanda ang mga Estudyante sa Bibliya Para sa Ministeryo
1 Ang ating tunguhin sa pagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya ay upang gumawa ng mga bagong alagad na makikisama sa atin sa pagtuturo sa iba. (Mat. 28:19, 20) Kaya ang ating layunin ay hindi basta magkaloob ng kaalaman; nais nating ikintal ang buong pusong pananampalataya sa ating mga estudyante sa Bibliya at ihanda sila na ibahagi ang kanilang pag-asa sa iba. (2 Cor. 4:13) Papaano natin matutulungan sila na maging kuwalipikadong magturo sa iba?—2 Tim. 2:2.
2 Ilagay ang Ministeryo Bilang Isang Tunguhin: Buhat sa pasimula, gawing maliwanag na ang tunay na pagsamba ay sumasaklaw sa “pangmadlang pagpapahayag ukol sa kaligtasan.” (Roma 10:10) Ang atin mismong pangalang mga Saksi ni Jehova ay nagpapakitang kailangan nating magsalita sa iba. Tulungang makita nila na ang kanilang pagiging naturuan ay hindi lamang para sa kanilang sariling kaligtasan. Kapag sila’y naging mga guro sa ganang sarili, ang mga makikinig sa kanila ay mabibigyan din ng pagkakataon para sa kaligtasan.—1 Tim. 4:16.
3 Repasuhin ang Natutuhan: Ang pana-panahong pagrerepaso ay tumutulong sa estudyante na lumaki sa espirituwal habang ang mga bagong natutuhang katotohanan ay naikikintal sa kanilang isipan at puso. Ating nararanasan ito sa ganang sarili kapag sinasagot ang mga katanungan sa repaso na kalakip sa Pag-aaral ng Bantayan bawat linggo. Maghanda ng simpleng mga katanungan bawat linggo para makasagot ang inyong estudyante sa kaniyang sariling pananalita.
4 Ang inyong pagrerepaso ay maaaring gaya ng sa paglilingkod sa larangan. Magharap ng katanungan na karaniwanag naririnig kapag nagpapatotoo sa iba. Kayo bilang maybahay, hayaang itanghal ng inyong estudyante kung ano ang kaniyang sasabihin. Papurihan siya sa mabuting nagawa, at magbigay ng mga mungkahi na tutulong sa kaniya na maging higit na mabisa sa susunod na pagkakataon. Ang pagsasanay na ito ay magtuturo sa kaniya kung papaano gagamitin ang kaniyang natutuhan at magpapasulong sa kaniyang kakayahan na gamitin ang Bibliya.
5 Aklat na Nangangatuwiran: Tiyaking may kopya ng aklat na Nangangatuwiran ang inyong estudyante, at sanayin siyang gamitin iyon. Ipakita kung papaano ito nagbibigay ng mga mungkahi upang mapasimulan ang mga pag-uusap, sagutin ang mga tanong sa Bibliya, o harapin ang mga pagtutol. Gamitin ang aklat sa pag-aaral bawat linggo upang maitanghal ang mga pamamaraan ng pakikipag-usap sa iba. Ang aklat na ito ay magbibigay sa kaniya ng pagtitiwala, magpapasulong sa kaniyang kakayahan sa paghahayag ng pabalita ng Kaharian.
6 Idiin ang Kahalagahan ng mga Pulong: Ang mga pulong ng kongregasyon, lalo na ang Pulong Ukol sa Paglilingkod at ang Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro, ay dinisenyo upang ihanda tayo sa paglilingkod sa larangan. Idiin ang kahalagahan ng mga pulong, at tulungan siyang makadalo. Ang regular na pagdalo ay magbibigay sa inyong estudyante ng pampasigla upang maging isang tunay na alagad ni Jesus.
7 Hindi dapat kaligtaan ang inyong personal na halimbawa. Ang inyong pagiging regular sa pangangaral ay nagpapakita ng inyong malalim na pagpapahalaga sa katotohanan. Ang gayong kurso ay magpapasigla sa inyong estudyante na gumawa ng higit pa upang maipakita ang kaniyang pananampalataya. (Luc. 6:40) Ang lahat ng ito ay makatutulong sa baguhan na malasin ang ministeryo bilang isang pribilehiyo at malugod na makibahagi dito.—1 Tim. 1:12.